Matagal na dapat tapos 'tong blog entry na 'to. Pero anung magagawa ko? Brownout lagi sa 'min. At hindi lang yun.
Ang init.
Hindi ko alam kung bakit parang nasosorpresa pa rin tayo. Alam na naman nating lahat na mainit sa Pilipinas, pero hindi pa rin nating mapigilang magsabing, "Whooo, &$#Q ! Ang init!" Ito na siguro yung init ng impyerno–kung saan kasalukuyang nagsi-swimming sa dagat ng basura, apoy, at asupre sila Marcos, Ver, Pol Pot, at pagdating ng araw, ang lahat na miyembro ng Black Eyed Peas and Jonas Brothers. Sobrang init, puwede ka nang mag-ihaw ng steak sa dashboard ng kotse. Hindi ka rin makaligo kasi tuyong-tuyo na yung gripo. Kung meron man, yung tubig kasing ligamgam ng ihi. Yung mga computer–kung may kuryente–nagha-hang dahil bumigay yung fan. Hindi ka rin makapag-surf kasi yung &$#*q inang USB modem mo (iniskor mo ng P2,200 sa SM ngayon binebenta sa convenience store sa halagang P880), nilalagnat na. Yung tren sa MRT, amoy paa, at nagja-jabbar na yung underarm ng mama sa tabi at gusto mo siyang alayan ng Rexona kasi it won't let you down. Sobrang init, pati yung kili-kili ng mga Binibining Pilipinas contestants kitang-kita sa TV na kumikinang sa pawis. Yung ice cream na binili mo sa 7-Eleven, dalawang hakbang ka pa lang mula sa pinto, tunaw na–ang mahal pa naman. Yung halo-halo sa Razon's, paghatid sa 'yo ng waiter, parang gatas na lang. Yung mga adik sa kalye naming biglang napilitang magpakalbo–at maligo. Wala kang mabilhang yelo. Ang sagwa namang uminom ng beer pag hindi malamig–yung Red Horse, lasang jingle pag hindi na-ref. Sobrang init, nagtutuyuan na ang mga dam at palayan at nag-aaway na si Kris at Roffa (ayon sa pronunciation ng ermat).
Pag mainit ang panahon, umiinit ang ulo ng mga tao. Umiiksi ang mga pasensiya–mas maiksi pa kesa sa mga suot na palda ng mga sumasayaw sa Wowowee. Walang nagbibigayan sa intersection. Lahat gustong mauna. Lahat may right of way. Lahat mainit ang ulo dahil napaso sa mala-plantsang manibela. Lahat bad trip dahil andaming binabakbak na kalye. Lahat praning na dahil tatlong oras na hindi gumagalaw ang Edsa na parang pinakamahabang parking lot na ata sa buong mundo. Antrapik na nga, nakatutok pa sa 'yo yung higanteng billboard ni Dingdong Dantes na naka-brief lang. Masikip na masikip na brief.








