Hottest recorded day of the year dapat nung February 24–pero hindi nagtagal, tinaob ito ng March 6 na may talang 35.8 degrees Celcius. Konti na lang, lalapit na tayo sa hottest recorded temperature in history: sa Al 'Aziziyah, Libya nung September 13, 1922, sa 57.8 °C (136.0 °F). Ang nakakatakot: Marso pa lang. Wala pa tayo sa kalahati ng taon. Tama si T.S. Eliot nung sabihin niyang, "April is the cruelest month" dahil mismong bahay ko nagiging amoy-kebab pag summer. Malupit talaga. Sabi ng Nathaniel Cruz ng PAGASA ("Mang Tani" na lang daw, pero hindi kami ganun ka-close), "Baka hanggang Hunyo wala pa rin ulan." Nagpa-Oratio Imperata na ang simbahan para magka-ulan. Ayon sa Catholic Culture Dictionary: "Oratio Imperata: An ordered prayer. The prayer for a special intention, besides the ones prescribed by ritual, that the Pope or the bishop of a diocese may require to be said at Mass, e.g., for peace." Bakit kaya hindi tayo nagpa-Oratio Imperata na mawala na si Gloria dati pa lang?
Paano pa kaya sa May 10? Ano kaya ang magiging temperatura?
Paano kaya sa mga masisikip, mainit, at maalinsangan na polling precints? Magkakagulo kaya ang mga pila sa labas ng mga classroom na amoy-pawis? May mag-aamok kaya dahil wala ang mga pangalan nila sa voters' list? May maghuhuramentado kaya dahil sinusuka ng PCOS machines yung balota? O kaya nagkamali sa pagmarka dahil hindi pala natin lubos na naunawaan ang mga leksyon na tinuro ng Sex Bomb dancers tungkol sa pagmarka sa bilog na hugis bayag, este, itlog? May mababaliw kaya sa pagsabay-sabay na pagpapatugtog ng mga campaign jingles sa labas ng presinto, mga sanga-sangang banderitas at makukulay na tarpaulin ng mga na-Photoshop na pagmumukha ng kandidato? Sensory assault!
Naaalala ko tuloy yung mga last few months ng Cory administration. Nagkaklase kayo na may hawak na flashlight yung teacher. Hindi ko alam kung paano natiis ng mga Pilipino yung mga panahon na yun–mga brownout na umaabot ng 8 hanggang 10 hours kada araw. Ang mas nakakabahala, dumating sa punto na parang nasasanay ka na rin. Nagbabasa sa tabi ng kandila, walang sounds, walang TV.
Ang init. Pinaparusahan na siguro tayo ng Diyos dahil sa Wowowee. Ang init. Hindi kaya dahil sa init ay hindi tayo umaasenso? Pero marami din namang sibilisasyon na umunlad kahit mainit, di ba? Bakit ang Singapore? Grabe din ang init dun. Pero tingin ko, kaya sila progresibo at mayaman ay dahil wala silang bubble gum. Yun siguro ang ugat ng ating kahirapan: bubble gum.
Mainit, brownout. Naaalala ko bigla yung dati naming kapitbahay na bigtime drug pusher. Ilang taon na siyang nagta-tap sa linya ng Meralco. Ibig sabihin, ilang taon na rin siyang nakakalibre ng kuryente. Pero isang araw–boing!– natiklo siya ng mga taga-Meralco, pinutulan (ng kuryente), at kinasuhan. Siyempre, dahil may matinding kaso siya, hindi siya basta-bastang puwedeng magpabalik ng linya. Kung ikaw ay bigtime na drug pusher na hindi puwedeng mabuhay na walang ref (taguan malamang ng damo) at aircon, ano ang gagawin mo?
Eto ang ginawa ng walanghiya: bumili ng sariling generator. Pinuwesto sa labas ng gate. Blackout ang buong kalye, pero bahay niya lang ang may ilaw. Hanggang madaling araw, na kung kelan balot na dapat sa katahimikan ang paligid, may eskandalosong makinang ayaw tumigil sa pag-atungal. Ang buhay ng drug lord nga naman.
Sa ikauunlad ng bayan, droga ang kailangan.
Illustration by Warren Espejo




