Pero kahit ignorante ako sa fashion, alam kong talbog silang lahat sa getup ni Rissa Hontiveros na mukhang diyosa sa kanyang strapless na mala-Grecian na handpainted gown. Para siyang lumulutang sa gitna ng mga mortal. Hirap nga lang siyang umakyat-baba sa hagdan. Sayang: ganda, talino, at prinsipyo--si Hontiveros dapat ang nakapasok sa senado, at hindi si Leon Guerrero a.k.a Lito Lapid. Nuknukan din ng ganda si Ormoc Congresswoman Lucy Torrres (Saka putangina, ang pogi pa rin ni Richard Gomez). Si Jinky Pacquiao, mukhang bago ang ilong. Siguradong mahal din yun. The next day, nag-deliver si Manny ng kanyang kauna-unahang privilege speech. Ingles amputa ("In the effervescence of my youth "). Umuusok ang accent. Standing ovation ang kamara nu'ng nagsabi siyang "Lit's git ridi to rambol."
Maraming nagsasabi na mas makulay daw ang cast of characters sa kongreso kesa sa Malacanang--Manny Pacqiuao, Imelda Marcos, Lucy Torres-Gomez, at Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, ang ilan sa kanila. Hindi pa kasama dyan si Rep. Ronald Singson na nakakulong ngayon sa Hong Kong matapos matiklo na may dalang coca (Incidentally, nung Lunes nasa Hong Kong din si Ate Glo at Tito Mike. Mukhang yun ata ang bagong tambayan ng lahat ng mga lumalabag sa batas). By the way, si Imelda, anlakas pa rin ng dating. Kahit nasa likod o gilid lang siya, meron siyang kakaibang uri ng magnetismo - mapapalingon ka talaga. At kay Baby "Kabuki" Arenas, na sobrang puti ng mukha puwedeng gamiting pang white balance ng camera o kaya reflector na pang-bounce ng ilaw. Nag-beso sila ni FVR.
Maliban kina Rep. Edcel Lagman at mga miyembro ng house minority, mga Arroyo, mga loyalist na opisyal ng nakaraang administrasyon, at mga nasa Daily Tribune, overwhelmingly positive ang hatol ng bayan sa pina-unang SONA ni Pangulong Aquino (Kahit na para sa mga nawalan ng tubig nung isang linggo ang ibig sabihin ng SONA ay "Sorry, Okay, No Agua"). Siyempre sangkatutak ang angal ng mga kritiko--puro paninisi sa dating nakatira sa Malacanang, walang konkretong plano, at maraming isyung dinedma (Hindi na-discuss ang pagkawala ng Wowowee at hiwalayang Kris-James). Pero mula pa nung nagkamulat ako, mula kay Cory hanggang kay Ramos hanggang kay Erap, wala pa ata akong narinig na SONA na naging aprubado sa lahat. Lagi at laging may hindi sasangayon. Pero at least, di gaya nung mga nagdaang SONA, ito walang nakakairitang gimik, walang mga bangkang papel at kung anu-anong kaartehan.
Iba na ang may trust approval rating ng 85 percent. Napaka-melodramatic ng headline ng Inquirer: "We can dream again." 'Yun nga lang, baka hanggang panaganip na lang tayo. Pero baka naman mas piliin pa ng ibang tao ang managinip kesa naman sa mabuhay sa isang bangungot--bangungot na nagtatagal ng siyam na taon at may nakakainis na sound FX ng boses ng duwende.
Dahil ako'y hamak na miyembro lang ng media, hanggang lobby at main lobby lang ang access card ko (Hinarang ako ng PSG nung nagtangka akong lumusot sa session hall. Siyempre, mukha akong terrorista). Pinanood ko ang speech sa isang TV screen sa may garden sa North Wing, kasama ang mga janitor at iba pang mga nakabarong na tiyak kong hindi mga importanteng tao. Nagulat ako sa iksi ng SONA ni Noynoy. Tapos na agad. Nag thank-you na lang bigla. At bulong ng mga nasa likod ko, wala daw si Shalani.
Pagkatapos ng speech, naglakad ako pabalik sa Main Lobby, medyo nagmumuni-muni kung ano talaga ang tunay kong nararamdaman sa talumpati na aking nadinig. Pero sa labas pa lang ng pinto, may mga taong nagkumpulan. Mga reporter--meron silang pinagkakaguluhan, may ini-interview. Naki-usyoso ako. Hindi si Joe de Venecia ang ini-interview-- si Lito Lapid.

This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.
Artwork by Warren Espejo.





..un lng