Si Dostoevsky ay sugarol at mahilig sa tsiks. Ang composer na si Schubert ay mahilig sa 163 (Bantay Bata, i.e. menor de edad, lalake). Si Picasso ay kalbo, malaki ang tiyan at babaero. Si Mozart daw ay isip-bata at marumi ang bunganga. Si Beethoven, kung paniniwalaan ang pelikulang Immortal Beloved, ay kamukha ni Gary Oldman at mainitin ang ulo maliban sa bingi. Si Van Gogh ay baliw at sinabing isa sa mga unang nakadiskubre ng sisig (matapos niyang putulin ang sarili niyang tenga). Gaya ng maraming sumunod sa kanya, ang jazz saxophonist na si Charlie Parker ay namatay na adik. Si Nora Aunor nakulong dahil sa shabu.
Ano ang punto nito? Eto: kadalasan ang mga dakilang artista, mga matitinding manlilikha ay sablay sa buhay. Para maintindihan ng mga henyong mambabasang mahilig mag-comment sa espasyo sa baba: The best artists are oftentimes the most inferior of human beings. Mahirap sabihin kung gumanda ang mga likha nila dahil mismo sa sablay na moralidad. Wala naman sigurong kinalaman ang husay sa paghalo ng kulay o pagtimpla ng mga himig at nota sa linis ng kalooban. Sa mga tulad ng mga nabanggit kong pangalan, malamang may ibang huni at tinig sa loob ng kanilang kamalayan. Alam na nating lahat na hindi patas ang Diyos, at masakit din siyang magbiro. May eksena sa pelikulang Amadeus: pumuputok ang butsi ng relihiyosong court composer na si Antonio Salieri habang binabasa ang mga piyesa ng komposisyon ng mahalay at tarantadong si Mozart. Tinanong niya ang sarili, "Putangina (siyempre dagdag ko na lang 'to di ba?), ang gaganda nitong mga notang ito, parang galing langit. Pero bakit sa lahat pa ng pagbibigyan ng Diyos ng ganitong talent, itong hayup na 'to pa ang napili niya?"
Pero hindi pag-uugali at pakikitungo sa kapwa-tao ang isyu dito. Sa mga santo lang 'yun. Pero dapat rin nating tandaan na ang mga taong gumawa ng mga pagkaganda-gandang mga basilica, painting, at estatwa sa Europa ay gawa ng mga taong isinuka mismo ng simbahan. Pero hinuhusgahan natin sila hindi dahil sa pakikitungo nila sa kapwa tao, o kung ilang beses sila nag-rorosaryo araw-araw.
Sa bigoteng-bigote pa lang, hinding-hindi mo matatawag na santo si Rico J. Puno. Alam kong kilabot siya ng mga tsiks nung '70s (pero si Hajji daw talaga mismo ang binabato ng panty), pero ngayon nakakakilabot lang, period. Kulubot na ang mukha, mukhang naka-wig pa 'ata, at may tiyan na resulta ng maraming serbesa. Hindi rin siya larawan ng kawalang-malay: in fact, ang palayaw sa kanya ay Haring Bastos. Walang preno ang bunganga niya pag nag-green joke. Minsan, sa gitna ng rendition niya ng "El Bimbo," may tinuro siyang babae at humirit, "Anlaki ng suso nito o." Meron din siyang malalaswang knock-knock joke: Parachute. "Darling, dito ka pumuwesto (gestures doggy-style, gyrates obscenely) para shoot." Or ito: "Alam mo ba yung ibig sabihin ng 'PLDT?' Pekpek ligo. Dating titi." Kung hindi ka naniniwala na may Diyos, siguro pag nakinig kang mabuti sa mga kanta ni Rico J. Puno, baka bigla kang mapa-simba.
"Macho Guapito": Rico J today
Para sa akin, isa sa mga pinakadakilang singer sa balat ng lupa--past or present, local or international-- ay si Rico J. Puno. This time, hindi ako nang-aasar, hindi ako ironic. Transcendental ang dating. Ibang uniberso ang tinatahak ng boses niya. 'Pag umaawit siya, parang humahati ang karagatan, bumubukas ang ulap at sumasabay ang mga anghel. 'Tol, nasubukan mo na bang patugtugin ang "Lupa" sa malaking speaker at nakatodong volume na amplifier? Nasubukan mo na bang pakinggan ang mga linyang "Kaya't pilitin mong ika'y magbago/ Pagmamahal sa kapwa ang isipin mo" habang nilalatagan ng mga orchestral strings at sinesegundahan ng mga mala-kerubim na backup singers? Parang ordinaryong mga salita lang pag binasa. Pero iba na pag dumaan sa bunganga niya—”the same bunganga na pinagdadaan ng mga katagang, "Gusto mo, anakan kita?" or mga joke gaya ng "Pag ang Pinay pumuntang Japan, 'Japayuki.' Ang Hapon, pag pumunta dito... Namumuki." Hindi ko sinasabing "heavenly" ang boses niya. Iba 'yun--Charlotte Church 'yung mga ganun. On the contrary: taong-tao. Medyo paos, magaspang, tila nahihirapan pero hindi, parang may hinahanap, parang may sinusuyo, nagmamakaawa, pero lumalaban at umaapaw una sa poot, tapos sa tuwa at tagumpay. In short, boses ng mortal.





