Tatlong linggo na ang nakaraan ng sapitin ni Carlos Celdran ang isang bangungot na hindi niya inaasahan, ang pagkapiit sa bilangguan ng Manila City Jail dahil sa isang kilos-protesta. Ang kilos-protestang ito, na alam nating lahat, ay nagsilbing mitsa upang magsiklab ang mainit na talakayan tungkol sa RH Bill.
Bakit nga ba si Crisostomo Ibarra ang napiling katauhan ni Carlos Celdran upang ipahayag ang kanyang damdamin sa nasabing isyu? At bakit sinangkot pa niya si Padre Damaso na matagal nang nananahimik?
Sa isang blitzkrieg performance, isang malaking paskil ang bitbit ni Celdran na may nakasulat na "DAMASO" ang kanyang winawagayway habang sumisigaw ng "Stop getting involved in politics."
Masalimuot ang mga nagdaang araw. Matapos ang malaking "bodabilya" at "moro-moro" ni Celdran at ng mga kaparian, halos naging laman si Celdran ng mga balita sa radyo, telebisyon at pahayagan. Kasabay nito ang paglipana ng mga Tweets, blogs at Facebook pages na parang mga paniking haliparot. Usap-usapan na parang trumpong kangkarot si Celdran sa mga coffee shops, sa opisina, paaralan at pati na rin sa simbahan. Mainit pa sa kumukulong sinaing ang debate. Kung maraming sumasangayon sa ginawa ni Celdran, marami din ang hindi sumasangayon. Pero iisa ang ang hatol ng inampalan. Ganoon kalakas ang impact ni Celdran.
Susong-susong at buntot-buntot ang sinapit ng isyung ito. Dahil halos nakalimutan na ng lahat ang tunay na layunin ng kilos-protesta ni Celdran, dahil imbes na ang RH Bill ang dapat pag-usapan, si Celdran mismo ang naging balita. Pero ang naging bituing nagniningning sa sa usaping ito ay ang pagsasabuhay ng isang pari ng Iglesia Katolika na akala ng lahat ay nabaon na sa limot, walang iba si kundi si Padre Damaso.
Sino ba si Padre Damaso? At bakit nagngingitngit sa galit ang mga kaparian kung ito ay kinukumpara sa kanila? Totoo nga ba na lumakas ang benta ng nobelang Noli Me Tangere dahil nagkaroon ng rennaisance at ibayong interes ang mga tao sa mapagpalayang nobela na halos sandaan taon nang nilimbag? Si Padre Damaso na siguro ang archetype ng karurukan ng korupsyon at kahayuk-hayukan, na nagmula sa panulat ni Dr. Jose Rizal, kaya siya nabaril sa Bagumbayan.
Sa ikatlong kabanata ng nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal, nagbukas ang eksena sa isang piging sa tahanan ni Kapitan Tiago. Dito ay pinakikilala ang pagtatagpo ng bida ng nobela na si Crisostomo Ibarra at siyempre ang kontrabida, sa katauhan naman ni Pedre Damaso. Nandoon din si Maria Clara, ang kasintahan ng ating bida, pero alam na nating lahat kung sino talaga ang ama nito.
Ang tampok na handa ni Kapitan Tiago ay ang Tinolang Manok. Dahil sa kapabayaan o sa di maipaliwanag na dahilan, napunta kay Padre Damaso ang gulay na papaya at leeg ng manok, samantala ang balunbalunan at pecho ay napunta naman kay Ibarra. Alam nating lahat na ang pecho at ang balunbalunan ang pinakasarap na parte ng manok. Matapos humigop ng mainit na sabaw si Padre Damaso, kanyang ibinaksak ang kutsara at inilayo ang plato dahil sa inis at inggit kay Ibarra.
Kaya ginamit ni Jose Rizal ang Tinolang Manok bilang tampok na putahe sa pangatlong kabanata ng Noli ay dahil nais ni Rizal na bigyang halaga ang mga pangunahing tauhan sa nobela. Sa putol ng manok matutunghayan kung sino talaga ang bida at kontra-bida. Ganoon kasimple lang yun.
Ang Tinolang Manok ay isang classic resipi ng mga Tagalog. Tanging hilaw o berdeng papaya lamang ang nagbibigay sarap sa tinolang manok. Maari din gamitin ang manibalang na papaya kung nais. At siyempre, hindi kumpleto ang rekado kung walang dahon ng sili at pinitpit na luya.





