
Okey. So alam na nating lahat ang nangyari. Hindi na ako nadagdag. Nasabi na ang lahat na kelangang sabihin—pati ang mga hindi na kelangang sabihin. Nuff said, 'ika nga. Nasabi ko na rin ang sentimiento ko sa mga bagay-bagay noon pa lang kaya prudence is the better part of valor. Sa Tagalog, mahirap tumanggap ng labada.
Nasa kamay na ng mga kinauukulan ang kaso. 'Wag na sumawsaw ang mga mahilig sumawsaw na may kasama pang performance art at mga placard-placard. Nakaalis na ang tren. Marami pang problema sa mundo—bukod pa sa mga batang sumasayaw nang mahalay.
Ayon sa isang pahayagan, nagkaroon daw ng matinding “soul-searching” ang industriya pagkatapos ng insidente. Ang lalim nun ha: “Soul-searching.” Parang si Robin Padilla na nagmumuni-muni sa loob ng Bilibid? Parang Baron Geisler sa rehab? O Hayden Kho sa gitna ng pinyahan sa Cavite?
Pero senyales na ba ito ng panibagong buhay para sa telebisyon?
Lagpasan na natin ang usapin ng “child exploitation” at tingnan ang problema mula sa mas malaking perpsektibo. “Don’t dumb down viewers,” sigaw ng isang headline nung Sunday. Sa Tagalog, huwag niyong insultohin ang talino ng mga manonood. Tanong: sino ba talaga ang responsible? Sinong dapat sisihin? Mahabang kuwento. At hindi lang mahaba. Kumplikado rin.
Naaalala ko noon: Mga bandang 9 p.m. pa lang ay mapapanood mo na ang mga gaya nila Dong Puno, Teddy Benigno, Randy David, Louie Beltran, Winnie Monsod, Cheche Lazaro et al sa TV. Matalinong balitaktakan. Analysis ng mga importanteng isyu. Isang buong oras ng puro tokis lang— walang perang pinamimigay ng mga babaeng sumasayaw na naka-bikini, walang premyong bahay at kotse, walang special effects. Ngayon, hatinggabi na, tungkol sa lovelife nila Piolo at KC pa rin ang aabutan mo. Kung gusto mo makanood ng mga documentaries at mga seryosong paghihimay ng mga current events, dapat ata mag-Cobra Energy Drink ka. O kaya shabu. Para walang tulugan. At tirik na tirik ang mata mo. ‘Wag mo kong hiritan ng “Eh di mag-ANC ka na lang!” 'Tol, hindi lahat may cable.
Lagi kong kinukumpara ang programming ng telebisyon—actually, kahit ng radyo, isama mo na rin diyan ang record and film industry—sa pagkain ng bata. Gusto ng bata ng tsokolate, Cheese Curls, corn chips, hamburger, fried chicken, candy, ice cream, hotdog. Pero iba yung “gusto” sa “kailangan.” “Wants” versus “needs” 'ika nga. Gusto nga ng bata ang mga nabanggit, pero hindi yun nakabubuti para sa kanilang katawan—lalo na sa ngipin. Wala akong batang may gusto ng alugbati, saluyot, okra, ampalaya, sigarilyas, sitaw, bataw, at patani (Punyemas, teka: ano nga ba ang bataw at patani?). Kung itatrato mo ang viewers na parang batang paslit, ang mga sitcom, soap opera, tsismis shows, game shows, at reality programs ay parang junk food. Masarap nga, pero walang sustansya. Hindi lang walang sustansya: nakakapagpataba rin. Gaya ng tsokolate, ice cream, at hamburger, ang mga ganitong programa ay lumilikha ng mala-Juana Change na taba sa isipan ng tao.
Pero hindi tayo dapat humusga. Dahil sa isang simbolikong antas, hindi rin naman tayo lahat kumakain lang ng puro patani, bataw, at labanos. Kahit sabihin nating may mga alternatibong mga panoorin, hindi rin naman lahat ay nagkakandarapa sa mga bagong pelikula nila Lav Diaz, Raya Martin, at John Torres, mga pinagpipitagang independent filmmakers (Kahit ang mga “independently produced” na sine na huling pumatok gaya ng Kimi Dora at Here Comes the Bride ay may bakas pa rin ng “mainstream.”) At… umamin ka: Kahit ilang PhD in Comparative Literature ang meron ka, pag may bagong putok na kontrobersya sila Kris Aquino o Hayden Kho, imposibleng hindi ka pa rin sumilip sa mga sandamakmak na Sunday tsismis shows (Na pinapalabas ng Sunday afternoons kung kelan kumpleto ang buong pamilya. Ayos ba?).
Pero ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa.
Chicken and egg, ika nga, ang sitwasyon. Kawing-kawing ang mga responsibilad. Sasabihin ng mga tao na, “Wala tayong magagawa. Ito ang gusto ng mga tao.” May mga nagsasabi rin naman na “Paano ba naman kasi, basura ang binibigay niyo sa kanila. Eh di yun ang panonoorin nila.”
Pag sinuri mo naman ang mga big boss ng mga TV network— hindi naman sila mga mangmang. Mga edukado ang mga ‘to— mga producer, writers, at directors. Minsan— pag wala silang taping sa Tanay, Rizal— makikita mo silang nakapila sa mga European film fests. Naghihiraman pa sila ng mga art film na DVD. Yung iba ay may mga awards pa sa writing and filmmaking. Nagworkshop sila kay Ricky Lee at Bing Lao. Alam nila kung ano’ng pangit at nakakabobo. Alam nila ang maganda at ang nakakabuti sa isip at kaluluwa ng mga manonood. Pero dahil sa dikta ng industriya, wala silang magawa kundi ang gumawa ng mga palabas na talaga namang nakapapanindig balahibo. Kahit sarili nilang balahibo. At alam nitong mga inglesero’t ingleserang ito na kahit sila’y hinding hindi manonood ng ganong klaseng palabas.




