
Ngayon ay Philippine Fashion Week.
Hindi ko rin alam ibig sabihin n'un, pero alam ko maraming raket sa mga panahong ‘to ang mga models (isang buwang nagdusa sa oatmeal at Skyflakes), designers (ngarag), makeup artists (“beautician” sabi ng ermat kong matanda), hairstylists, stylists, lighting directors, DJs, photographers, magazine editors, and lahat ng mga may mga kinalaman sa tumaganting na mundo ng fashion.
Isang misteryosong mundo sa akin ang fashion. Sa tinagal-tagal ko sa mundong ‘to, hindi pa yata ako nakaka-attend ng kahit isang fashion show. Paano—walang nag-iimbita sa ‘kin. Wala rin akong mga fashion magazines sa bahay, puwera na lang kung maituturing na fashion publication ang FHM. Bumili ako dati sa Booksale ng Esquire Book of Men’s Fashion pero pagbuklat ko pag uwi, nakita kong luma na pala at puro kamukha ni Charles Bronson ang mga modelong lalake, maliban sa singlapad ng NLEX yung mga kurbata nila. Nakakita ulit ako ng 2010 edition at dun ko lang nalaman na dapat may Amerikana ka sa iyong wardrobe. Essential daw. Ayos. Eh naknampugo naman: mahingahan lang ako nagpapawis na kilikili ko, Amerikana pa kaya?
Eto lang ang alam ko sa fashion: ‘Pag malaki ang tiyan, ‘wag magsusuot ng horizontal stripes dahil lalo kang magmumukhang garapata. ‘Pag payat at sintangkad mo naman si Bonel Balingit, wag magsusuot ng vertical stripes dahil pagkakamalan kang poste sa kanto. “Wear vertical stripes to give the illusion of slimness and length.” Alam ko rin na hindi bagay sa ‘kin ang slim-fit jeans dahil nagmumukha akong longganisa— not to mention na napuputol ang ventilation para sa longganisa. Para hindi magmukhang bundat, magsuot ng V-neck na shirt. “Wear dark colors” para magmukhang slim. Pag ikaw si Boy Abunda, magsuot ng ultra-sikip na pantalon. Pag ikaw si Lito Atienza, magsuot ng floral polo. Maliban dun, wala na.
Wala akong barkadang model o designer. Ang pinakamalapit na kakilala ko ay si Myrza Sison, ang editor-in-chief ng website na ‘to at isang dating modelo (Isa yata siya sa mga girls dun sa TVC ng Pagoda Coldwave Lotion). Pero gusto kong magkaroon ng kaibigang mowdel (Yung Brazilian at medyo may problema sa visa at krisis sa cellphone load para matulungan namin ng kaibigan kong si Atty. Mike Templo. At siyempre, preferably babae).
Alam kong importante ito—otherwise hindi siya magiging multimillion industry. Sabi nga ni Oscar Wilde, “Only shallow people do not judge by surfaces for the surface is the most mysterious of all.” Oo nga naman. Hinuhusgahan tayo ng kapwa natin base sa hitsura. Ibig sabihin, sa pananamit. Wala siyang panahong malaman kung tunay na mabuti ang pagkatao mo, o kung disente ka at mahal mo ang mga magulang mo and you like puppies and long walks along the beach. Hindi ka seseryosohin ng kausap mo pag naka-brief ka lang (Mas malala pag kulay pula. O mala-bacon na ang garter). At lalong hindi ka papapasukin sa mall. Kaya importanteng manamit nang maayos para igalang ka.
Nga naman. Bakit nga ba hindi natin gustong mapaligiran ng magagandang mga bagay, di ba? Self-expression, ika nga. Paano ka naman magpapahayag ng iyong kalooban kung hubo’t hubad ka, di ba? Palagay ko naman ay sinadya ng Diyos na maging maarte ang tao—otherwise, bakit niya tayo bibigyan ng buhok, di ba? (Sa kaso ko naman, masama ang loob ko sa Kanya dahil sinumpa niya akong bigyan ng buhok na gaya ng kay Spanky Rigor).
Inuulit ko: kakapiranggot lang ang alam ko sa fashion. Pero alam kong may ilang mga bagay akong kinamumuhian:
• Scarf. Lalo na sa lalaki. Nasa disyerto ka? Photojournalist ka sa Basilan? O miyembro ka ng Abu Sayyaf? O tinatago mo lang ang double chin mo?
• Bitin na pantalon at leather shoes na walang medyas.
• Leather shoes na patulis. Hindi ko maintindihan kung paano nasusuot ng mga lalaki ‘to. Sabagay, kasi malapad ang paa ko— parang paa ng magsasaka.
• Extra large na T-shirt. Puwera na lang kung member ka ng isang hiphop tribe sa Tondo. ‘Wag mo kong tirahin ng sumpak, ha.
• Clutch bag. Ano ka, DOM na may baril?
• Kahit anong damit na may mga higanteng brands. Mas nagmumukhang peke yung suot mo, sa totoo lang.




