
Hindi ko personal na kakilala si Carlos Celdran, ngunit kahanga-hanga ang kanyang ginawang palabas noong isang taon noong nagbalatkayo siya bilang Damaso.
Inisip ko, kung nag-Sisa na lang kaya siya, siguro mas epektibo at naawa pa ang mga kaparian sa kanya. Imagine, makikita mo si Celdran na gumagapang sa gitna ng Manila Cathedral, na parang sirena, gusgusin at punit punit ang damit, sumisigaw ng “Basilio, Crispin! Nasaan na kayooooooooooo?”
Pero tapos na iyon, kaya ang pag-usapan nalang natin ay si Sisa. Isa sa mga tampok at pinaka-sikat na karakter si Sisa na sumibol sa mula nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. (By the way, next week, 150 years old na si Abuelito.)
Masusukat ang kasikatan ni Sisa sa dami ng batang babae na ginamit ang Sisa monologue bilang declamation piece sa Linggo ng Wika sa kanilang mga paaralan. Eventually, naging audition piece para sa mga gustong mag-artista, and finally, naging Miss Talent piece para sa mga beauty contest tulad ng Bb. Pilipinas, atbp. Iba talaga ang hatak ni Sisa sa mga kababaihan na nagtatangkang mag-artista.
Archetypal na 19th century Pinay si Sisa kung tutuusin, ito ang babaing matiisin, iniisip ang kapakanan ng mga anak, mapagpagdasal, pero sa kasawiang palad, laging binubugbog ng asawa—in other words, "Boogie Nights" ang theme song niya. Lagi siyang kimi, tahimik at walang kibo. Kahit binubug-boogie nights na siya ni Pedro, ang sugarol, lasinggero at sabungerong asawa ni Sisa, OK lang sa kanya. Pero tila yata, hanggang ngayon kahit tayo ay na sa 21st century na, hindi ko naman nilalahat, pero karamihan pa rin sa ating kabababaihan, lalo na yung mga nasa lalawigan, kinikimkim pa rin nila ang kanilang takot at galit, kaya ayan tuloy, nalukis lukis ang kawawang ale.
Pero lingid sa kaalaman ng lahat, si Sisa ay isang foodie. Well, halos naman lahat ng major characters ng Noli ay foodie. Pati nga si Abuelito (a.k.a Lolo Pepe Rizal) ay major arch-foodie! Ano ba ang unang unang pinagawayan sa Noli? Eh hindi ba, ang tinolang manok? Pero bumalik tayo kay Sisa at ang kanyang favorite food at paborito rin ni Padre Damaso.
Noong pinagbintangan ng kura paroko si Crispin sa krimen ng pagnanakaw, kumaripas ng takbo si Sisa sa kumbento ng simbahan. Gumising siya ng pagkaaga-aga upang mamitas ng gulay sa kanyang bakuran at nagtungo din siya sa tabing ilog upang mamitas ng talbos ng pakô o fiddlehead fern. Hindi ba very organic and green ang lifestyle ni Sisa? Foraging ang tawag ng mga foodies sa ginagawa niya.




