
Au Pays des Moines (The Land of the Monks) ang titulo ng Noli Me Tangere noong isinalin ito sa wikang Pranses ni H. Lucas at R. Sempau noong 1899. Samakatuwid, parang lumalabas na ang bida dito ay ang mga prayle! At hindi si Crisostomo Ibarra. Tama naman ang mga Pranses, dahil ang mga prayle naman talaga ang naghahaharian dito sa Pilipinas noong ika-19 na siglo.
Kahit likhang isip lamang ni Dr. Jose Rizal ang karakter na Fray Damaso Verdolagas, ito'y nag-iwan ng malalim na sugat na hanggang sa ngayon ay atin pa ring iniinda ang kirot, kahit ito'y isang peklat na lamang.
Bakit ganoon na lamang ang hapdi ng latay na idinulot ni Padre Damaso? Dahil ba siya ay matulis sa larangan ng pambababae? Tandaan ninyo, nasalisihan niya si Kapitan Tiago at naanakan ang kanyang kabiyak na si Doña Pia Alba, na sa kasawiang palad ay namatay sa panganganak noong isinilang si Maria Clara. At dahil sa sunud-sunod na kasawiang palad, nalulong si Kapitan Tiago sa bawal na gamot at naging laman siya ng fumadores o mga bahay na nagbebenta ng opiyo sa Binondo.
Maiba tayo sandali. Hindi ko maubos isipin kung bakit hanggang sa panahong ito, si Maria Clara pa rin ang pinipili nating mga Pilipino bilang simbolo ng kagandahan at kariktan ng isang Pilipina? Hindi ba dahil maputi ang kanyang kutis dahil isa siyang mestiza? Hindi niya kasalanan na siya ay anak sa labas at anak siya ng isang prayle. Ang tinatanong ko lang ay bakit tayo masyadong nahuhumaling sa mapuputing kutis?
Pero bumalik tayo kay Padre Damaso. Maangas din ang walanghiyang pari sa larangan ng kainan. Masahol pa sa damulag at isang patabaing baboy kung kumain ito, gayun na lang ang paglalarawan ni Rizal kay Damaso. Sa kanyang kumbento, mayroon siyang mga kusinerang madre na nagluluto ng kanyang pagkain hindi lang tatlong beses isang araw, kun 'di, kasama pa riyan ang dalawang meryenda at piging na pang-hating gabi. Ganoon katakaw si Padre Damaso. Dahil sa katakawan niya sa pagkain at sa babae, nasa lupa pa siya, pero sinusunog na ang kanyang kaluluwa sa impyerno. Narinig na ba ninyo ang lutuing salsa de las monjas? Ang sarsa na gawa ng mga birhen ng Diyos? Ipapaliwanag ko ito mamaya.
Buti na lang hindi totoong tao si Padre Damaso. Isa lamang siyang kathang isip ni Jose Rizal, subalit binase kaya sa isang totoong pari ang kanyang buhay? Iyan ang nakakatakot. Kung naging totoong tao si Padre Damaso, isa lamang ang panalangin ko: Sana'y limampung taon na siyang nasa langit, bago pa ito malaman ni Satanas.




