
Masarap ang vodka pag may tonic water at ilang hiwa ng lemon. At maraming-maraming yelo. Bagay na bagay ang timpla ng dalawang inuming ito: binabalanse ng bula at tabang ng tonic water ang tapang ng vodka. Suwabe sa dila at lalamunan. Lalo na pag natuldokan ng asim at bango ng lemon. Hindi puwede ang Sprite kasi masyadong matamis. Pag juice naman, nagiging lasang gamot.
Dahil liquor ban nung Sabado hatinggabi, nag-stock na ako ng, ehem, refreshments. Mahirap ang walang alak pag mainit ang araw. Mahirap din ang walang alak sa araw na tinuturing ng lahat na makasaysayan. At pag binabasa ko minsan ang comments section sa blog na 'to, laging sumasakit ang ulo ko, napapainom, at naghahanap ng Valium.
Madugo ang nakaraang Sabado at Linggo sa Project 2. Hindi–wala namang nagpatayan, pero madugo dahil ubos na ang yelo sa mga tindahan. Wala nang laman ang freezer ng 7 Eleven. Kahit sa katapat na bakery, mainit na rin ang mga ulo ng tindera (siguro kasi malapit sa pugon, at kinukulit sila ng mga lasing na tricycle drivers). Walang kwenta ang alak pag walang yelo. Lalo na pag mamahaling vodka ang titirahin mo.
Linggo ng gabi. Marami nang stock ng yelo sa 7 Eleven at ang katapat na bakery. Pero bawal na ang alak, buti na lang at naging maagap ako. Uminom ako. Naparami sa vodka.
Lunes. Matinding hangover. Pero ito lang ang tanging estado ng utak sa isang makasaysayang araw. Paano ba nagiging makasaysayan ang isang araw? Historic sa 'kin yung nakapunta ako sa bahay ni Joey de Leon sa Green Meadows. May 10 Elections. Go out and vote daw. Good versus Evil daw. Sabi nila ako daw ang simula blah blah blah. Siguro. Pero iskor muna ako ng Tylenol. Sakit pa ng ulo ko.
Ang daming tao sa labas ng Quirino Elementary School. Parang karnabal sa ingay at aligaga. Ang baboy ng area, na nilamon ng masukal na gubat ng posters, banderitas, at leaflets. Nalulunod sa baha ng kalat ang bangketa. Halos takpan na ng mga krus-krus na banderitas at tarpaulin ang araw. Naghahalo ang amoy ng fishball, lechon manok, at pawis. Kanya-kanyang tent ang mga supporters (lahat mukhang goons) ng mga kandidato at nagkakalabasan na ng mga styro packs na may adobo at maraming maraming kanin.
Ang init. Tinanong ko sa PPCRV volunteer, "Miss… paano kung wala akong gustong ibotong presidente o konsehal? Paano kung ayokong pilitin ang sarili kong mamili mula sa hanay ng mga olats na kandidato? Hindi ba karapatan ko naman yun bilang isang mabuting mamayang nagbabayad ng buwis nagpakita ng katapatan sa Saligang Batas?"
"I-blanko niyo na lang po," sagot niya sabay takip ng ilong. Pinakamagandang payo na narinig ko in the past few months.
Nagpasalamat ako, pumunta sa assigned classroom, nagpakita ng I.D. at inabutan ng balota. Bigla kong naisip na dapat pala nagdala ako ng cooler na may lamang vodka tonic na maraming yelo at lemon. Initiman ko ang mga dapat itiman. Pinasok sa PCOS machine ang balota. Yun na. Ganun lang ka-simple. Walang drama.
Tinitigan ko ang PCOS machine. Hindi naman lahat ng made in China ay jologs ang kalidad. Pero nung nakaraang linggo, abot-lalamunan ang bayag ng lahat dahil pumalpak ang mga CF cards ng PCOS machines. Sa puntong ito, pagtri-tripan mo na lang ang tunay na ibig sabihin ng PCOS:
Precint Count Optical Scam; Piece of Crap, Outright Stupidity; Palpak CF card, Overpriced Shit; Philippines' Corrupt Operating System; Parang Comedy O Sitcom; Parusa, Cause of Suffering; President's Chance to Over-Stay; President Cory's Only Son; or…. Putangina Comelec, Over sa Suspense.
Pero kinilig ako nang sabihan ako ng makina "congratulations!" Kahit sa loob ng ilang segundo lang, kumislap ang tiwala ko sa Sistema–pero konti lang. Gaya nung una akong nakasakay sa MRT na lumulutang sa ibabaw ng trapik sa Edsa. Gusto kong maluha–hudyat na nga ba ito ng pagpasok ng Pilipinas sa modernong mundo? Simbolo ba ito ng paghinog ng kolektibong kamalayan ng sambayanan?
Pero inisip ko: baka lasing lang ako.







