Suwerte ang mga tao dito sa Project 2. Walang sabit ang pagboto. Walang mahabang pila. Walang naghahampasan ng silya. Mas matagal pa ang inantay ko sa sukli ko sa 7 Eleven nung bumili ako ng malaking-malaking Slurpee. Balak ko sanang haluan ng vodka yung Slurpee pero natunaw agad bago pa 'ko nakalabas ng tindahan.
Nanood na lang muna ako ng TV pagkauwi ko. Dahil mainit sa labas, tumira pa ulit ako ng isang baso pa ulit ng vodka tonic. May lasa pa naman yung lemon. Masama lang loob ko dahil kagabi hindi ako nakanood ng Asian Food Channel para titigan yung crush ko na si Laura Calder.
Siyempre nakatutok ako sa balita. Ilang beses kong narinig ang salitang "kaganapan" na tiyak na magpapainit ng ulo ni Rio Alma.
Paangasan ng set. Kanya-kanyang yabangan sa pagka- high-tech ng mga gimik: mga 3-D graphics, higanteng TV na dinadaliri ang screen para galaw-galawin ang mga imahe, mga matatalinong political analyst na nagbibigay ng kuro-kuro, mga computerized na mapa na parang magic na biglang sumusulpot sa harap ng news anchor (hayup!).
Masarap ang vodka at tonic water na may lumulutang-lutang na hiwa ng lemon. Pero lumabas sa ilong ko ang vodka tonic at gumulong ako sa katatawa nang mapanood ko ang bagong gimik: dun sa isang network, kunwari lalabas ang field reporter sa harap ng host na parang eksena sa Star Wars. Ibang klase na talaga ang news ngayon, 'pre–may theme song na, may ispeysyal epeks pa. Pero wala akong nainitindihan sa report kasi manghang-mangha ako dun sa mala-teleportation effect: parang nasa multong nasa harap lang ni Ted Failon yung correspondent na nasa Abra.
Nang nahimasmasan na ako, pinanood ko ang sari-saring eksena sa iba-ibang lugar sa bansa. Mahahabang pila. Mga taong nagpapaypay at kumakain ng ice cream. Si Noynoy pawis na pawis ang bumbunan. Pumalpak na PCOS machines. Mga reporter na delayed ng 6 seconds ang sagot. May barilan sa Maguindanao at Abra. (Mukhang wala nang solusyon ang gulo diyan. Siguro dapat i-deklarang independent republic na ito. Kasama ang Maguindanao, Lanao, Masbate, at lahat ng "exciting" na probinsya. Hindi naman siguro ikamamatay ng kasarinlan ng Pilipinas kung mawala sila sa atin). May mga artistang tumatanggap ng mga sumbong at angal sa telepono–at pinupuri ang mga sarili nila dahil ginagampanan nila ang tungkulin nila para sa bayan at demokrasya.
Napainom ulit ako ng vodka tonic. Maraming yelo, siyempre.
Maraming boto si Acosta, na matagal nang na-disqualify ng Comelec. Either marami lang talagang mangmang sa mundo na no-read no-write, or talagang mahal lang ng taumbayan si Acosta. Napainom ulit ako ng vodka tonic.
Balita sa gabi. Medyo may amats na ako. Maliban sa nag-overheat na PCOS machines, kaunting alingasngas sa Maguindanao, Marawi, Lanao, at Abra, walang drama nung araw ng May 10. Walang pumutok na bulkan. Walang mga sundalong lumusob sa Malacanang. Walang kandidatong tinadtad ng bala. Walang brownout na nangyari sa mga headquarters ng Comelec at PPCRC. Walang sinunog na eskuwelahan at minasaker na mga titser. Inalog-alog ko ang baso para maghalo nang maayos ang vodka at tonic water.
Pero…. da magic of automation! May mga resulta na agad mula sa iba't-ibang parte ng bansa. Walang titser na nagro-rolyo ng Manila paper. Nangunguna si Noynoy at si Binay sa bilangan. At si Bong Revilla ang topnotcher sa senado. Ramon "Bong Revilla" Revilla!
Napasindi na lang ako ng yosi at nagbukas pa ng isang bote. Ubos na ang vodka. Pero may Red Horse pa. Putangina, si Lito Lapid number 9 sa tally. Uminom na lang ako hanggang mawalan ng malay.
Click here to read the "The PCOS Saga: Happy Ending or May God Help Us All?"

This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.
Artwork by Warren Espejo.




