
Nakatrabaho ko na si Mideo Cruz dati. Sa isang performance art festival. Sabihin na lang natin na ang pagiging “subtle” ay wala sa mga katangian ng kanyang estetika. Actually, karamihan sa mga nagperform doon ay hindi matatawag na kimi at mahinhin. May nag-ahit ng bulbol. “No to Bush!” sigaw niya pagkatapos. Wala naman silang narinig na umangal na kinatawan ng US Embassy. May isang Eastern European na inuuntog lang ang noo sa pader nang mahigit 20 minutes hanggang may isang linya ng dugo na gumagapang pababa. May Hapon na hinampas ang sariling noo ng makapal na salamin at may sinulat na Japanese characters na hindi ko naintindihan. May mga nag-ingay gamit ang mga mixer/laptop na pinasakan ng kung ano-anong tunog na kinuha ata mula sa pinakamalapit na construction site at rumaragasang imburnal.
Sabihin na lang natin na ang personalidad ni Mideo ay malayo-layo naman sa imaheng Satanista o kampon ng impiyerno na ibinabato sa kanya ng mga senador. Hindi niya naman ako sinaksak ng burat na inukit mula sa matigas na molave. Wala naman siyang sinakripisyong sanggol habang tinatawag ang pangalan ni Lucifer.
Doon sa naturang performance art festival, si Mideo pa nga ang isa sa pinaka-subtle noon. “Subtle” meaning hindi siya nag-ahit ng bulbol. Isang statement laban sa imperyalisong kano ang kanyang ginawa. May dala siyang megaphone (nakalimutan ko na kung ano ang sinasabi niya). Nagbo-blow siya ng bubbles gamit ang pambatang laruan. Suot niya ay Uncle Sam costume pero may twist—naka-cycling shorts lang siya na may stars and stripes (At pag nakita mo ang katawan ni Mideo, ‘yun ata ang pina-shocking sa lahat.). Ang performance niya ay isang gumagalaw na simbolo para sa “American Dream” na yun nga—panaginip lang na parang bula, huwad, isang ilusyon na walang laman.
Maaring i-apply ang metaporang ito sa kanyang exhibit na “Poleteismo” na ngayon ay isa na lamang alaala matapos ipasara ng management ng CCP. Alam na siguro natin ang mga nangyari. Pero madaming tanong at argumento. Isa-isahin natin.













