Back to top
Karl Roy, R.I.P.
Paalam mula sa aming SPOT.ph blogger: "Mabuhay si Karl Roy. Patay na si Karl Roy."
Published on: Mar 15, 2012 - 8:41am


 

Puwedeng sabihin na si Karl Roy ang unang funk-rock superstar sa Pilipinas (Puwede mong singitan ng “rock” pagkatapos ng “funk”). Bakit ko nasabi ito? Dahil ang pinakasikat na hit na binosesan ni Karl ay isang funk na awitin, ang “Yugyugan Na,” isang revival ng komposisyon ng ‘70s band na The Advisors. Ang lupit ng kanta: isang dinig lang, parang sinisiliban ang talampakan mo. Parang gusto mong sunugin ang disco floor. Opening bass line na parang dinaan sa wah-wah pedal na parang sumusuka. Susunod ang pag-uudyok: “Sige na, peeeepowl….” Impeksyon sa tenga, kuryente sa ugat. Usok sa entablado.

 

Walang masyadong binago ang bandang P.O.T mula sa orig na 1977 version ng The Advisors—isang testamento sa taas ng panlasa ng supergroup na ito (Ang kakayahang kumilala kung ano ang maganda at kung ano ang makasisira sa areglo).

 

Importanteng pagtuunan ng pansin ang elemento ng “funk.” Magkaiba pa rin ang estetiko ng funk sa estetiko ng rock. Hindi pareho ang talbog nila, kahit pareho ang metro. Kadalasan pag sinabi mong “soul” ang imaheng naiisip ay isang Afro-American na ‘70s, nakaputi, bell-bottom pants, at may afro na hairdo. Si Karl ay mukhang punkista— burdado ng tattoo ang buong katawan halos, payatot, mukha na parang inukit sa kahoy. Nanlilisik ang mata pag kumakanta. Pero pasok na pasok ang boses sa funk-soul. Tailor-made para sa kanya ang “Yugyugan Na” at ang “Hanggang Magdamag” ng Soul Jugglers na kinover ng Kapatid.  Hindi anachronistic ang dating. Si Karl Roy isang tunay na funky brother na lumulutang sa ibabaw ng panahon at kalawakan.

 

Una kong nakilala si Karl Roy noong.... Leche. Hindi ko na maalala. Importante pa ba yun? Sabihin na lang natin na pag ikaw ay may banda, ang mga detalyeng gaya ng petsa at lugar ay nababalot sa hamog ng limot. Puwera na lang kung ang banda mo ay yung tumutugtog sa El Shaddai. Labo-labo na sa isipan ang mga ganun. Nagiging Twilight Zone. Depende sa iyong nalagok. Pero sigurado akong mga late ‘90s yun. Nga ba?

 

Animal si Karl sa stage, pero sa totoong buhay, wala siyang kaangas-angas.  Wala ring ka-ere-ere, kahit sinong tanungin mo. Hindi siya naging malupit kahit kanino— siguro sa sariling niyang atay lang. Napaka-gentle niyang tao.

 

“Icon” ang salitang walang pag-aalinlangang ginamit ng mga headlines sa social media.  Kadalasang ginagamit lang ang salitang ganito sa mga ka-edad nila Pepe Smith at Mike Hanopol. Pero angkop na salita yun para kay Karl Roy, kahit edad 43 lang. Wala tayong debate dun, at mukhang alam na rin ng lahat kung bakit. Sa kronolohiya ng rak en rol— na may casualty rate na 27, kung susundan sina Hendrix, Joplin, Morrison— ito’y overdue na. At may mga magsasabing himala na nagtagal pa si Karl sa ganung edad. Ang biro nga, mas maraming nagulat na umabot pa si Karl sa edad na 43. Wag na nating ungkatin kung ano ang ibig kong sabihin— alam na yan ng sinomang sumusunod sa rock community. Sabihin na lang natin na hindi siya enrolled sa zumba classes sa Gold’s Gym.

 

Ano ba ang leksyong kapupulutan sa buhay ni Karl Roy? “The road of excess leads to the palace of wisdom?” Todo sa buhay, todo rin sa tugtog? Wag naman. Hindi naman patas na makilala lang si Karl dahil sa rock and roll lifestyle. Masyado nang maraming ganyan sa mundo— yung iba pa nga kumakanta pa ng Backstreet Boys at cha-cha. Hindi kailangang rak en rol ang tugtugin mo.  Hindi naman rak en rol ang mga kanta ni Whitney Houston. Yung isyu ng pagmamalabis sa katawan ay hindi dapat bigyan ng timbang na kaparehas sa trabahong iniiwan sa altar ng musika.  Hanggang sa huli, musika pa rin.

 

Maraming sumubok gumaya sa boses niya— buong buo, pero may tamang angas.

 

Ngunit pag kinakailangan, bumubulwak ang kaluluwa, may sapat na damdamin. Gaya ng maririnig sa “Prayer,” “Piece of This,” at “Ulitin,” lalo na sa bridge na biglang tumahimik ang lahat. Pag kailangan naman ng bagsik at poot, wala ring problema. Exhibit A: Kapatid’s “Sunday Shining.”

 

Ligtas na si Karl Roy. Hindi na siya tatanda. Hindi na siya makikitang inuuban o nakakalbo, uugod-ugod, at kinakanta pa rin ang “Yugyugan Na” sa edad na 85 sa entablado ng isang madilim at malungkot na bar sa gitna ng kawalan. Mahirap-hirap palitan si Karl Roy. Mabuhay si Karl Roy. Patay na si Karl Roy.

 

Pero eto ang mas kamangha-mangha sa lahat: si Pepe Smith buhay pa.

 

Check out our favorite Karl Roy hits here.

 

Art by Warren Espejo. Photos from incrediblethots.multiply.com (Karl Roy) and Cosmo.ph (Lourd de Veyra).

TAGS:
How do you feel about this article?
Win  
20
Yum  
0
Want!  
0
LOL  
0
Yuck  
0
WTF  
1
21
Total Votes
Related Articles
Username   * required
Security Code Security Code  * required
 
NOTE: SPOT.ph editors reserve the right to moderate and delete comments, without notice, that contain abusive or threatening behavior, contain advertising, spam, profanity or malicious comments.
25 Comments
1 to 20 of 25