Ipako sa Krus Si Mideo Cruz!

"Madaming tanong at argumento," ika ng aming SPOT.ph blogger. "Isa-isahin natin."



Nakatrabaho ko na si Mideo Cruz dati. Sa isang performance art festival. Sabihin na lang natin na ang pagiging "subtle" ay wala sa mga katangian ng kanyang estetika. Actually, karamihan sa mga nagperform doon ay hindi matatawag na kimi at mahinhin. May nag-ahit ng bulbol. "No to Bush!" sigaw niya pagkatapos. Wala naman silang narinig na umangal na kinatawan ng US Embassy. May isang Eastern European na inuuntog lang ang noo sa pader nang mahigit 20 minutes hanggang may isang linya ng dugo na gumagapang pababa. May Hapon na hinampas ang sariling noo ng makapal na salamin at may sinulat na Japanese characters na hindi ko naintindihan. May mga nag-ingay gamit ang mga mixer/laptop na pinasakan ng kung ano-anong tunog na kinuha ata mula sa pinakamalapit na construction site at rumaragasang imburnal.



Sabihin na lang natin na ang personalidad ni Mideo ay malayo-layo naman sa imaheng Satanista o kampon ng impiyerno na ibinabato sa kanya ng mga senador. Hindi niya naman ako sinaksak ng burat na inukit mula sa matigas na molave. Wala naman siyang sinakripisyong sanggol habang tinatawag ang pangalan ni Lucifer.


Doon sa naturang performance art festival, si Mideo pa nga ang isa sa pinaka-subtle noon. "Subtle" meaning hindi siya nag-ahit ng bulbol. Isang statement laban sa imperyalisong kano ang kanyang ginawa. May dala siyang megaphone (nakalimutan ko na kung ano ang sinasabi niya). Nagbo-blow siya ng bubbles gamit ang pambatang laruan. Suot niya ay Uncle Sam costume pero may twist-naka-cycling shorts lang siya na may stars and stripes (At pag nakita mo ang katawan ni Mideo, 'yun ata ang pina-shocking sa lahat.).  Ang performance niya ay isang gumagalaw na simbolo para sa "American Dream" na yun nga-panaginip lang na parang bula, huwad, isang ilusyon na walang laman.



Maaring i-apply ang metaporang ito sa kanyang exhibit na "Poleteismo" na ngayon ay isa na lamang alaala matapos ipasara ng management ng CCP. Alam na siguro natin ang mga nangyari. Pero madaming tanong at argumento. Isa-isahin natin.


ARGUMENTO: Paano kung may kumuha ng picture ng magulang mo at biglang sinalpakan ng kahoy na titi at mga gamit na condom?

Siyempre, maba-bad trip din ako. Sasapakin ko yung gumawa n’un. Pero, importante bang alamin ko muna ang motibo niya? Bakit ba niya ginawa yun? May ginawa ba ako sa kanya? Ninakawan ko ba siya? Ni-rape ko ba ang utol niyang babae at pinakain ng betsin ang aso niyang pinakamamahal? Sinunog ko ba ang nanay niya at nilapastangan ang tatay niya a la Deliverance? Hindi siguro. Pero ano ba kaya ang pakay niya? Ganoon na lang ba kalaki ang galit niya sa Katolisismo? Bakit kaya?

Kung tunay ngang siya'y wala sa tamang pag-iisip, eh bakit pa papatulan ang baliw?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ARGUMENTO: Ang Cultural Center of the Philippines ay isang pampublikong institusyon na pinopondohan ng buwis ng taumbayan. At hindi dapat ginagamit para sa kung ano-anong kabulastugan na tutuligsa sa pinakasagradong sentimiyento ng mga tao.

Oo. Pero bakit walang umangal noong pinalabas ang isang Spanish film na pinakita na ang isang babaeng obviously ay kumakatawan sa Birheng Maria na nakikipagtalik sa makalaglag-panty na si Gael Garcia Bernal? Bakit walang umangal noong si Jojo Legaspi ay naglagay ng mga rosary sa urinal? (Sa Penguin Café nga lang na hindi pinopondohan ng taumbayan).

 


ARGUMENTO: Ang naturang pambabastos ba ay magpapabagsak sa matatag na institusyon ng Iglesia Katolika?

Ang kasaysayan ay punumpuno ng mga erehe at atheista na ngayon ay kinain na ng lupa. Mula kay Martin Luther hanggang kay Mao hanggang sa philosopher na si Bertrand Russel hanggang kay  John Lennon na hindi lang nagsabing "We're bigger than Jesus" (Sinunog ng mga relihiyoso ang mga plaka ng Beatles noon) ngunit kumanta pa ng "I don't believe in Jesus" sa kanyang piyesang "God" ("I just believe.... In me...") hanggang kay sa Briton na manunulat na si Christopher Hitchens na nagsulat ng librong God is Not Great.  Ngayon may kanser na si Hitchens. Kung ano ang magiging kapalaran ng kalusugan ni Mideo Cruz, eh Diyos na lang ang bahala sa kanya.

 

ARGUMENTO: Kalayaan ng pamamahayag vs. tahasang pambabastos sa paniniwala ng mas nakakarami?

Madugo talaga pag nag-krus ang landas ng sining at relihiyon. Manipis lang ang linyang humihiwa sa teritoryo ng freedom of speech at respeto sa pananampalataya. Masakit sa ulong pag-usapan ito. Sinabi dati ni Marx na ang relihiyon ay ang "opium of the masses." Sa kasong ng "Kulo" exhibit, hindi yata angkop ang drogang opium. Mas okey pa sigurong reference ang shabu. Dahil ang pagtira ng opium ay nagreresulta sa pagtunganga (Masdan ang mga larawan ng mga Chinese na bangag na bangag sa opium; nakahilata lang sila). Pero hindi pa naiimbento ang metamphetamine hydrochloride noong panahon ni Marx-1910 lang ito na-synthesize ng mga Hapon.

Kung totoong meron Diyos na may hustisya at poot (a.k.a ang Diyos ng Old Testament na super-pikon), eh di... ulitin natin: Diyos na lang ang bahala kay Mideo Cruz. Hayaan na lang natin siyang tamaan ng kidlatan, kainin ng bumubukang lupa, tamaan ng kulugo sa buong katawan.

 


ARGUMENTO: Hindi puputok ang kontrobersyang ito kung hindi pinalaki ng media.

Hinding-hindi. Kinalkal lang nang kinalkal ng isang programa sa isang network kaya umingay ang isyung ito. Tingin niyo ba ay regular na pumupunta ng CCP ang mga ngawngaw nang ngawngaw na mga relihiyosong rallyista? Parang mga asong ulol na galit na galit ang mga rallyistang ito.

Pero pansinin ang profile ng mga nagpo-protesta. Karamihan ay mga may edad. Bihira kang makakita ng mga kabataang umaatungal. Ang tanong: generational issue ba ito? Hudyat na ba ito ng pagkakahati-hati ng opinyon ng luma at makabagong henerasyon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 



ARGUMENTO: Kelangan pa ba ng senate investigation para sa isyung ito?

Andaming problema ng Pilipinas. Sarado na ang exhibit. Nagbitiw na sa puwesto ang curator. Nagpaliwanag na ang mga opisyal ng CCP. "Sining" lang yan. Walang installation art, walang tula, walang nobela, wala play, walang pelikulang nakapagpapigil sa massacre ng milyong-milyong tao sa kasaysayan ng mundo. Hindi sinagip ng We Are the World at Do They Know It's Christmas ang milyon-milyong nagugutom na bata sa Africa. Hindi mga akda ni Solzhenitsyn, Brodsky, Akhmatova ang nagpabagsak sa Komunistang rehimen ng Soviet Union. Levi's, Coca Cola, at McDonald's ang may gawa nun.

 

ARGUMENTO: Censorship ba ang nangyari sa exhibit sa CCP?

Malamang. 'Yun, o takot lang (sa parte ng mga opisyal ng institusyon). O para iwas-hassle na lang. Hindi ba okey na yun? Bakit bumubula pa rin ang bibig ng mga tao?

 

ARGUMENTO: Is it good art or bad art?

Hindi ko alam. Hindi ako kritiko ng sining. At bukod sa lahat, hindi sapat na makita ko lang ang exhibit sa mga footage sa telebisyon. Ang isang installation ay isang pisikal na experience. Kaya nga siya installation at hindi simpleng painting o larawan.


Sa isang senate hearing, tinawag ni National Artist for Literature na si F. Sionil Jose na "immature" daw ang gawa ni Cruz. Kilala ko si Manong Frankie ("Manong?" Close kami, eh. Lagi niya akong nilalasing sa itaas ng Solidaridad bookshop). Hinding-hindi mo siyang matatawag na  "prude" o konserbatibo. Tamod pa lang ang tatay mo, nakapag-eksperimento na siya ng LSD sa UC Berkley at humithit ng opium sa Thailand. At hindi ko na tinatanong kung paano niya ginawa ang pananaliksik para sa kanyang nobelang Ermita. Hindi ko napanood ang kabuohan ng senate investigation pero ang tiyak lang ay ang kanyang opinion sa gawa mula sa puto de vista ng pormalistang kritisismo. Walang kinalaman sa mensahe ni Cruz ang sinabi si Jose kundi sa estilo at pagkagawa.


ARGUMENTO: Subukan niya kayang gawin 'yan sa mga Muslim, kay Mohammed at Allah? Tingnan natin kung hindi siya pugutan ng ulo.

Bawal ang mga imahe at lahat ng representasyon ng mga buhay na bagay sa Islam. Pansinin ang mga drawings sa Islamic art-puro patterns at kulay lang. Kahit ibon o bubuyog, wala kang makikita. Lalo na imahe ng tao. Therefore, walang imahe si Allah at ang kanyang propetang si Mohammed.  Pero, tingnan na lang natin ang nangyari kay sa British-Indian na nobelistang si Salman Rushdie na pinatawan ni Ayatollah Khomeini noon ng fatwa para sa kanyang Satanic Verses. At ang pag-alburoto ng mga Muslim laban sa isang Danish na cartoonist na hindi kaayaaya ang pag-drawing kay Mohammed sa isang editorial cartoon. Pagdating sa ganyang mga bagay, walang sense of humor ang mga radikal na Muslim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 


ARGUMENTO: Akala ko ba ang Kristiyanismo ay isang relihiyon ng pagpapatawad at pag-unawa?

Kala ko rin eh.



ARGUMENTO: Bakit hindi tayo ganito kabangis mag-react sa ibang bagay? Gaya ng mabagal na pag-usad ng Ampatuan Massacre trial? Gaya ng mga patong-patong na kaso ni GMA at asawa niya? Gaya ng sunod-sunod na nauungkat na kabulastugan sa PAGCOR?

Kala ko rin eh. Kala ko ba: "Pag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay?"  

Saka hindi lang 'yun. Teka muna. Let us put things in perspective, ika nga. Hindi kaya dapat i-ayon natin ang init ng galit natin? Ang installation ba ni Cruz ay nagresulta sa pag-massacre ng 57 tao sa Maguindanao? Hindi. Ang likha ba ni Cruz ay naging sanhi ng kahirapan ng milyong-milyong kabataan? Ng pag-demolish ng tahanan ng libo-libong iskwater na pamilya? Ang sining ba ni Cruz ay kasing lebel ng mga torture at enforced disappearances na ginawa umano ng mga militar? Bakit hindi tayo ganito mag-react sa mga tulad nila Gen. Palparan?  Bakit hindi ganito ang antas ng galit natin pag may estudyanteng aktibistang biglang nawawala? Ang isang kahoy na titi sa noo ng isang imahen ay hindi gugutom at papatay sa mga batang iskwater. Mas malala ba ang "blasphemous" na sining kesa sa mga tarantandong politikong nagnanakaw ng pera mo?

Bakit? Kasi ordinaryo na lang ang ganitong balita? Ordinaryo na lang na may bagong kaso ang mag-asawang Arroyo? Pangkaraniwan na lang ang mga report ng korapsyon at  nakakabato na? Bakit, ano ba ang politika sa Pilipinas? Telenovela na paulit-ulit na lang ang conflict na pinagsasawaan natin? Wala bang direktang kinalaman sa buhay natin ang nalulustay na buwis na binabayad natin mula sa perang pinagpawisan natin?  

Bakit ba mas nagre-react tayo sa nakikinita nating Satanismo? Kung ganoon din lang, eh mukhang marami-rami ang kailangang puntiryahin ng mga sarado Katolikong panatiko. Unahin nila ang mga death metal bands sa Marikina (kung buhay pa sila at hindi pa tuluyang nilalamon ng lupa). Unahin nila ang mga nauusong bampi-bampira na nag-ugat sa pinaka-demonyong akda sa kanilang lahat: Twilight.  Kung tutuusin, ang kahoy na titi ay walang masamang gagawin sa 'yo. Pero ang bampira, siguradong sipsipin ang dugo mo.

 

Art by Warren Espejo

Tell us your #feels!

Win
Yum
LOL
WTF
0
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!