The Pope’s Guide to Metro Manila

SPOT.ph blogger Lourd de Veyra gives His Holiness a personal tour of the must-see sights around the city.

 

(SPOT.ph) Dear Pope Francis,

 

Welcome to Manila! Una sa lahat... Hayaan niyo lang muna kaming mag-Tagalog. Ipa-translate niyo na lang kay Cardinal Tagle na mahusay daw mag-Spanish at French (at tutal, hindi ka rin naman kagalingan mag-Ingles. Anyway, looking forward to hearing you recite the Apostles’ Creed in Tagalog. In the solemnity of it all, wait for that sea of humanity to go sheer bonkers).

 

Habang sinusulat ko ito, umaalingawngaw sa isipan ko for the 867th time ang "...We are all God's childreeeeen/We are all the saaaaame...He is calling us by name to help the poor and lame" ng "inspirational diva" na si Jamie Rivera (Wait, politically correct pa ba ang "lame?"). Ganito talaga dito, Father-lahat ng importanteng event may theme song. May hand gestures and choreography pa po. Andami na ring mga T-shirt, towels, mugs, at kung ano-anong souvenir items na may mukha ninyo (may isa sa Quiapo na katabi mo yung Nazareno). At ngayon sa TV ay may mga cooking segment na nagtatampok ng mga recipe ng mga ipapakain sa inyo sa Tacloban, gaya ng adobo at lechon (our idea of a simple meal). Alam namin na nagsabi ka dati na hindi ka magiging masaya ’pag nakakita ka ng mga "ostentatious displays" pagdating sa preparation. Pero, sorry, Pope Francis. Wala kang magagawa. Ganyan kami ma-excite.

 

Andami na ring nagpakuha sa mga standee mo na pinakalat sa iba't-ibang simbahan. Buti pa yung isang congressman na kapangalan ang empanada, nakapagpa-selfie na sa ’yo matapos brasuhin yung babaeng ambassador.

 

Una sa lahat, gusto naming sabihing lalo pa namin kayong naging idol dahil sa pagpapatutsada ninyo sa mga miyembro ng Curia. Tama! Kala nila eternal at high and mighty silang mga tsismosong Italyano sila? Yang mga yan ang simbolo ng pagiging amoy amag ng simbahan. Idol din namin kayo dahil tinabla niyo ang pulang Prada shoes at mga malalanding vestments. Idol namin kayo dahil sa pagpila ninyo sa carinderia ng Vatican. At kung si Pope Benedict ay mahilig sumakay ng BMW X5 at mga Mercedes Benz, ikaw nagbu-bus at may Ford Focus na mas matanda pa kay Daniel Padilla (sikat na batang artista po dito).

 

Gets ko naman ang ibig nilang sabihin, pero gusto ko lang kuwestiyunin ang pagtawag sa iyo ng ilang media commentators na "Rockstar Pope." Ano nga ba ang ibig nilang sabihin dito? Kahit yung mga taga CBCP-lalo na si Cardinal Tagle-sinabi sa isang interview na "kayong mga taga-media lang naman ang may pakana niyan." Ano nga ba ang ibig sabihin ng "Rockstar?" Rakstar si Mick Jagger, si Kurt Cobain, Jimi Hendrix, Jim Morrison, etc. "Rockstar?" Living an excessive lifestyle? Mayabang? Ang alam ko, ang rakstar ay laging naka-limousine at nangwawasak ng hotel room. Ano ba ang konsepto ng "rockstar" nitong mga 'to - si Engelbert Humperdinck?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Kung yung iba, may alay sa iyong song and dance number, hayaan niyo po akong bigyan kayo ng quick guide to Metro Manila.

 

Sa Villamor Airbase po pala kayo magla-landing. Suwerte po ninyo at hindi ninyo kailangang dumaan sa ilan sa mga international airports namin. Baka uminit lang ang ulo niyo at makalimutan ang mensahe ng "mercy and compassion." Lalo na kung dun ka sa airline na... Ay 'wag. Sila din pala ang may-ari ng website na 'to. Baka mawalan sila ng mercy and compassion sa akin. Si Jesus Villamor nga pala ay isang batikang World War II fighter pilot at spy versus the Japanese. Namatay itong Medal of Valor awardee noong 1971.

 

Alam niyo naman na may mga escort kayo. ’Wag malinlang, dear Father, dahil grabe ang trapik dito sa Metro Manila-how ironic lang na laging pinakamatindi ang trapik kapag malapit nang ipagdiwang ang kapanganakan ni Kristo. Nung isang buwan, halos magpalitan na ng mukha ang mga pasahero ng provincial buses. Andami ring naaksidenteng nagmaneho ng lasing, at nung New Year, andaming nagpaputok ng baril. Andami ring nagpalabas ng mga basurang pelikula at lalong mas maraming tumangkilik. Pagsabihan niyo nga ang mga yan, Pope Francis.

 

Tip lang: Alam namin na noong Arsobispo pa lang kayo ay gawain niyo talagang sumakay ng bus. Puwedeng puwede naman po dito yan-’wag lang kayong sasakay ng Nova Gen, Don Mariano, at Florida. Mabilis po kayong mapapalapit kay Lord.

 

’Pag nag-taxi ka naman, maliban sa maraming cash, magbaon din po ng maraming pasensiya. Dahil sa ugali ng maraming drayber na mamili ng pasahero, siguradong makakalimutan mo ang "mercy and compassion" kundi "hatred and brutality" ang gusto mong gawin sa kanila. Ingat din-baka maka-tsamba ka ng holdaper. ’Pag sa MRT at LRT naman... hatred and brutality ang naiisip naming gawin kay Joseph Abaya tuwing pumipila kami sa umaga. Ingat ka lang sa paglakad sa mga kalye namin. Saka sa EDSA, baka delikado ka. Isa na nga lang pala ang baga mo.

 

Kung dadaan kayo ng Roxas Boulevard, makikita ninyo na sa kahabaan nito ang kuwento ng buhay naming mga Filipino. Diyan sa may bandang Baclaran ay may simbahan: ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help a.k.a Redemptorist Church or simply known as Baclaran Church. Tuwing Wednesday maraming nagdadasal diyan-at ’pag gabi may mga artista na nagpapasalamat sa Diyos para sa kanilang Hummer at mansion sa Antipolo.

 

Diretsong Roxas Boulevard ka lang at may makikita kang ibang klaseng geometric structure na may fountain sa harap. Yan po ang Cultural Center of the Philippines-minsan nag-e-exhibit sila diyan ng mga blasphemous na mga artwork. Nilagyan nila ng condom ang mukha ni Kristo. Ang nagpagawa nga pala ng CCP ay si Imelda Marcos, ang tinuturing na Evita Perón ng Filipinas. Pero mali yun. Dapat sabihin na si Evita Perón ang Imelda Marcos ng Argentina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Diretso ka pa-naku, Holy Father-ang ganda sana ng sunset diyan kung abutan mo. World-class daw, sabi nila (amoy tae lang nga, kadalasan). 'Yang Roxas Boulevard pala ay ipinangalan sa isang dating presidente ng bansa (Lolo ng Interior Secretary namin ngayon, si Mar Roxas, na hindi lang presidentiable; marunong din siyang mag-traffic aide).

 

Diretso ka pa, you'll reach Luneta Park. In Philippine cartography, that's kilometer zero, where all points of the country start. Sa kanan ay may makikita kang malaking building na under construction. That's Torre de Manila. Pag-aari po yan ng DMCI, isang kumpanya na talaga namang may appreciation for cultural heritage. Manila is in desperate need of high-rise condominiums kasi, Father. May malaking flagpole pala diyan (mahal po 'yan-imported from China). Oh, that statue in the foreground? Ah, wala ’yan. Si Jose Rizal lang 'yan. BFF ng mga Heswita na pinabaril ng mga prayle.

 

Across the road, that's the Quirino Grandstand (Quirino, by the way, was President of the Philippines. Nagkaroon pa ng Senate Blue Ribbon investigation dahil sa kanyang alleged golden arinola). That's where you'll be celebrating Mass on January 18. Now imagine yourself standing in the middle of the grandstand: To your left is the historic Manila Hotel. Diyan dati tumira si Michael Jackson, Bill Clinton, at General Douglas MacArthur, ang Amerikanong may kasalanan kung bakit nadamay kami sa away ng Japan at US.

 

After Luneta and Manila, sa bandang kanan pa rin, makikita mo ang Intramuros-'yan yung kulay lumot na mga pader-pader. Diyan sa Walled City na ’yan nakasentro ang kapangyarihan nung Spanish era. Andiyan ang San Agustin Church, na isa sa mga pinakalumang simbahan sa Filipinas. Andiyan din ang Manila Cathedral, na ang tsismis ay karamihan raw ng kinakasal diyan ay naghihiwalay. Naku, ’yang Intramuros nga pala ang kuta ng mga Obispong papaligid sa 'yo. By the way, Pope Francis, baka puwede mo ring timbrehan yang mga Obispo na 'yan na mag-move on na: Hanggang ngayon RH bill, condom, at gay marriage pa rin ang angst nila. Paki-remind sa kanila yung sinabi ni Rizal dati sa isang sulat sa utol niya: Sa Europa daw, mga barometro at mga teoryang siyentipiko na ang kinababaliwan-samantalang sa Pilipinas, ang pinag-uusapan daw ay purgatoryo pa rin.

 

Ganun pa rin kaya kayo sa Argentina? Sa totoo lang, hindi magkalayo ang diwa ng Argentina at Filipinas. We have many things in common.

 

Pareho tayong napasailalim sa diktador. Kung ang Argentina, nagkaroon ng "dirty war"-kung kelan libo-libong maraming desaparecido o yung mga dinukot at nawala-kami may Martial Law.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Kung kayo, giniyera ng Britanya dahil sa Faulkland Islands, kami mukhang makakaaway namin ang Tsina dahil sa Spratlys. Kita mo? Marami tayong pagkakapareho.

 

Astig talaga ang Argentino. Nga pala, may kababayan kang sikat dito sa 'Pinas. Si Che Guevara, na naging simbolo ng rebelyon. Pero akala yata nila, si Che ang bokalista ng Rage Against the Machine. Yung iba naman, ang alam nilang Argentina ay... corned beef.

 

Nga pala, kung sa Argentina, nakabangga mo si Presidente Kirchner dahil sa gay marriage, ang mga Obispo naman dito na-badtrip kay P-Noy dahil sa RH Bill.

 

Pag tinuloy-tuloy mo yang Roxas Boulevard, tatagos ka ng North Bay Boulevard-and you will know sa dami ng mga dambuhalang truck. Dadaan ka ng Delpan Bridge. Kung dati ay nagagawa mong ibahagi ang salita ng diyos sa mga slums ng Buenos Aires, aba, magiging at-home na at-home ka dito. Sa ilalim niyan and the nearby areas (lalo na doon sa gawaan ng uling) ay makikita mo ang poorest of the poor ng bansang ito-mga natutulog lang sa kariton, sa ilalim ng mga pinira-pirasong karton at supot, nakasalalay sa basura para sa kikitain nila (minsan may ganoon din ang ilang mga topgrosser sa MMFF).

 

Mahirap o mayaman, isang bagay lang ang nagbubuklod sa lahat sa amin: ang basketball. Kahit na marami nang half-half na mga underwear model dito na may nag-uutog na mga billboard, di pa rin masyadong uso ang football dito, Your Holiness. Nababagalan kami. Sabi ng tambay sa amin, mas exciting pa raw tumaya sa karera ng pagong. Mga expat lang at mga feeling Kastila at Briton sa mga bar sa Makati at BGC ang nahuhumaling.

 

And speaking of mayayaman, pag bumalik ka pa-Roxas then kaliwa papunta sa Financial Road, madadaanan mo ang National Museum at Manila City Hall (sabi nila, korteng kabaong daw ito pag bird's-eye view). Across is the Lagusnilad underpass na nagiging swimming pool ’pag panahon ng tag-ulan. Wala na yatang pag-asa 'yan. Baka sakaling madaan niyo sa dasal, Father.

 

Idamay niyo na rin sa taimtim na panalangin ang España Boulevard-nagiging dagat din ’yan pag panahon ng Habagat. Andiyan pa naman ang Pontifical and Royal na University of Santo Tomas (diyan kayo magmi-misa sa January 18). May masarap na tapsihan diyan sa likod, na nabalita dati sa TV dahil sa poor sanitation (i.e., kaldero ng kanin na napapatakan ng tubig mula sa aircon, ipis sa kusina, etc).

 

Pero pag-aari ng mga Dominikano yan, Pope Francis-OP, hindi SJ. Kung gusto mong maka-daupang-palad ang mga ka-order mo, diretsuhin mo lang yang España hanggang Quezon Avenue. Ang bagsak mo, sa Elliptical Road. Nandiyan ang ilan sa mga government buildings, gaya ng National Housing Authority, Philippine Coconut Authority, Department of Agrarian Reform, at Department of Agriculture-mga ahensyang, kung tutuusin mo ay sa mata ng bayan ay fail lahat. Holy Father, pa isang ikot naman po at basbasan lahat. Baka sakaling ma-exorcise ang mga masasamang espiritu. Madadaanan niyo rin pala ang Quezon City Hall. Basbasan niyo rin ang meyor niyan na 'wag nang magpadala ng Gatorade sa kung sino-sino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

A few blocks away, nandiyan sa Agham Road ang PAGASA. 'Yan po ang official weather bureau namin. Paki-bless naman, Father. Na sana'y ipagpatuloy ng mga empleyado nila ang pagiging masipag at matiyaga kahit na ang baba ng kanilang sinasahod at ini-insulto pa ng mga nagmamarunong na netizens kapag may dumadating na bagyo.

 

Pagka-ikot, make a right towards Commonwealth, pero 'wag kang kakaliwa. Diretso kanan ka lang; dedmahin mo na lang ang UP. Puro mga atheist at Komunista ang nag-aaral diyan. Tagos ka na lang ng Katipunan, aabot ka sa Ateneo de Manila. Diyan makikita mo ang iyong mga kapwa Heswita. Pero hindi ’yan eskuwelahan ng poorest of the poor, ha. Diyan din pala nag-aral ang No. 1 Celebrity Endorser ng bansa ngayon na may pelikula sa MMFF horror entry na muntik nang maging "Akari: The Movie." Kapatid pala siya ng presidente namin, na gradweyt din sa school na 'yan.

 

***

Mami-meet mo nga rin pala si Presidente Noynoy Aquino sa Malacañang. To get there, babalik ka ng Maynila-may option kang mag-Quezon Avenue to Araneta to Sta. Mesa or via España to Lacson or Morayta. Very colorful ang kasaysayan ng Malacañang. Ilang gobernado-heneral na rin mula pa nung panahon ng mga Kastila ang tumira diyan, hanggang sa mga Amerikano. Pinalibutan pa ’yan ng mga Japanese guards nung World War II, nung si Jose P. Laurel ang pangulo, dahil ang mga universities sa paligid ay ginawang garrison. Mula kay Laurel may sampung presidente ang umupo sa Malacañang-lahat parang sablay ang administrasyon, walang nagawa para maiangat ang kondisyon ng mahirap. Parang puro kamalasan ang Palasyong yan. Sabi ng iba, masama raw ang feng shui. Puro tae daw kasi ang Pasig River sa likod.

 

Paki-bless ang Malacañang, dear Father, at magbaon ng maraming holy water-at para sa lugar na 'yan, galon-galon dapat. Nag-uumapaw ang mga huwes. Mapanghusga ang mga tao diyan sa Malacañang. Hinusgahan nila si Ate Guy-a.k.a Nora Aunor, our country's greatest actor-na adik daw. Ano ba ang alam nila sa sining? At lalong ano ba ang alam nila sa moralidad, silang mga nagpapanggap na malinis pero nini-ninja pala ang pondo ng bayan? Sino ba sila? And to paraphrase Your Holiness: Who are they to judge?

Tell us your #feels!

Win
27
Yum
Want!
1
LOL
1
WTF
5
34
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Scenes From the Streets During SONA 2017

Photos from outside Batasan during Duterte's second SONA

Get Up to 80% Off on Fujifilm, Canon, Polaroid + More Starting Today

Check out some of the deals you can score at Henry's Cameras Clearance Sale!

You'll Ditch Your Usual Breakfast After Steak and Eggs at Nono's

Nono's introduces new all-day breakfast meals and more.
Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!