Bakit nga ba laging nakaupo si Mabini?

Si Aguinaldo nga ba ang nag-utos na patayin si Luna? SPOT.ph blogger Lourd de Veyra elaborates.

 

(SPOT.ph) When forced to pick between truth and legend, print the legend.John Ford

 

Mas natutuwa ako na ang pinag-uusapan natin ngayon ay ganito—at hindi lang pinag-uusapan kundi pinupuri—pelikula, na walang superstar, walang celebrity endorser, walang nakakasulasok sa pagka-obvious na product placement, at higit sa lahat, walang kinalaman sa mga kabit, sirena, aswang, pilit na pagpapatawa, pang-iinsulto sa tao base sa kanyang pisikal na anyo o kapansanan ('wag lang sanang pagtripan si Mabini). Mabuti’t nagkataon na nagkaisa ang lahat sa opinyon at panlasa. Or at least until the next Star Cinema, uh, masterpiece comes along.

 

Puwede naman pala. Sa mga producers at sa direktor ng pelikula, congratulations at hindi ninyo pinilit na magpakita ng superhero movie. Walang kilig moments (puwera lang kung kinikilig ka sa ulong sumasabog), walang kinompromisong mga sitwasyon o mga pagkakataong mag-exploit ng eksena a la Seiko Films. Puwede naman pala.

 

Higit sa lahat, mas nakakatuwang isipin na nagkaroon ng panibagong interes sa history. Hindi siguro singlaki ng audience ng Aldub, pero we have to start somewhere.

 

Sa totoo lang, ang kasaysayan ng Pilipinas ay sumasambulat sa mga karakter at eksena na mas kontrobersyal, mas shocking, mas mahalay, mas madugo, mas nakakabaliw. Ngayon naiisip ko na lang: paano nagagawang tanggalin ng mga guro ang pawis, libag at libog sa pagtuturo ng history. Una siguro ay itigil na ang paghahanap ng positibong inspirasyon sa nakaraanmaliban na lang kung ang leksyon ay iwasang ulitin ang mga mali. Siguro 'wag na ring ituring na mga perpektong superhero o mga santo ang mga “bayani” natin. Pangalawa, 'wag ikahon ang kasaysayan sa pag-memorize ng mga petsa, pangalan, at lugar.

 

Pagkatapos manood ng pelikula at magpalakpakan, sana ang sumunod na hakbang ay ang magbasa ng kasaysayan.

 

Inamin naman ng pelikula sa simula: paghahalo-halo ng “fact” and “fiction.” Sa dulo naman ay may muling paalala na ang ilang bahagi ng pelikula ay kumuha ng inspirasyon mula sa aklat ni Vivencio Jose, The Rise and Fall of Antonio Luna (1972). Bago natin husgahan ang mga bagay-bagay, dapat sabihing ang aklat ni Jose ay isang bersyon lang ng mga pangyayari. Ang kasaysayan ay binubuo ng maraming kuwento, karamihan dito ay magkakasalungat.

 

Sukatin naman natin ngayon ang ilang eksena sa pelikula gamit ang ilang references, pangunahin dito ang libro ni Alfredo B. Saulo na Emilio Aguinaldo: Generalissimo and President of the First Philippine Republic (1983, Phoenix Publishing House). Bilang honorary Caviteño, obvious naman ang tono ng chapter na “Antonio Luna: Death by Invitation.” Sa chapter na ito rin ay isa-isang tinitibag ni Saulo ang mga salaysay ni Jose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Q. SI AGUINALDO BA TALAGA ANG NAG-UTOS NA PATAYIN SI LUNA?

 

A. Grabe, ganun pala si Aguinaldo!” Mukhang magkakaroon ng mga susunod na henerasyon na ganap na negatibo ang tingin sa taong ito—parang anak sa labas ni Lucifer ang unang pangulo ng republika. Bakit ka pa magpapaka-Tarantino? Sa totoo lang, dapat may gumawa ng gangster film na base sa buhay ng unang presidente ng Pilipinas na hindi si ER Ejercito. Mala-Michael Corleone na karakter si Aguinaldo (panoorin niyo rin ang El Presidente ni Mark Meily para may paghahambing).

 

At malamang, lalo pang titindi ang pagkamuhi pag nakita mo ito:

 

From Kasaysayan, the Story of the Filipino People: The Japanese Occupation by Ricardo T. Jose (Asia Publishing Company, 1998)

 

So sa mapanghusgang mundo ng social media, ang instant na hirit ay “COLLABORATOR!” Totoo na noong panahon ng Hapon, si Aguinaldo ang isa sa maraming Filipino na iprinesenta ang sarili na pamunuan ang puppet government (kasama dito si Benigno Aquino, Sr., lolo ni Kris at P-Noy; si Jose P. Laurel ang pinili ng mga Hapon).

 

Bukod pa diyan, hanggang ngayon, tingin ng kasaysayan na may bahid ng dugo ni Bonifacio ang mga kamay ni Aguinaldo. Sa Pact of Biak-na-Bato noong 1897, binenta niya rin daw ang Rebolusyon laban sa mga Kastila sa halagang 800,000 pesos (Kalahati raw nito ay kanya!).

 

1964 namatay si Aguinaldo. Isipin niyo na lang: inabutan niya ang Beatles.

 

Sabi ng isang historyador, isang malaking pagkakamali ni Aguinaldo ay ang mabuhay nang matagal. At higit sa lahat, apo niya si Joseph Emilio “Traffic is Not Fatal” Abaya.

 

Pahiwatig sa pelikula na si Aguinaldo talaga ang nag-utos ng pagpatay kay Luna. Pero mariin itong itinanggi ni Aguinaldo noong buhay pa siya (ibang usapan ang sa magkapatid na Bonifacio).

 

Sa isang panayam sa historyador na si Teodoro Agoncillo, depensa ni Aguinaldo: Kung gusto niya raw ipapatay si Luna, ang dali-dali namang mag-utos sa isang kawal na bumaril sa gitna ng digmaan at sisihin ang mga Kano. Nasa kumbento rin sa Cabanatuan ang pamilya Aguinaldobakit naman daw siya mag-uutos ng katayan dito? (Dapat ring banggitin na nagkasigawan si Vivencio Jose at si Teodoro Agoncillo sa isang conference dati.)

 

Argumento ng aklat ni Saulo: “After Luna had insulted Aguinaldo, the man whom all Caviteños idolized, uttering 'derogatory words' in the course of his verbal tussle with Buencamino, what could he expect from the Presidential Guards? Many of these guards had been with Aguinaldo since the day he became teniente abanderado of Kawit,  even before Luna was arrested and banished to Spain, and fought the enemy—the Spaniards in the beginning and later the Americans—continuously and most of the time without pay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Ano nga ba raw ang sabi ng imbestigasyon? “The result of the official investigation showed that the Luna killing was not 'premeditated' as alleged by Alejandrino, nor the result of a trap laid by the autonomists, as claimed by Jose, but a simple armed clash between Luna and the Kawit men who, acting on primitive instincts, fought back to repel the former’s aggression. It was an unfortunate case of indiscipline on the part of Kawit soldiers.

 

Sa totoo lang, wala ni isang record na nakakita ng notoryus na telegramang nagpapunta kay Luna sa Cabanatuan. Nag-deny din si Aguinaldo na nagpadala siya ng telegrama. Pero malaking bagay ang mga dokumentong ipinautos na kunin ni Buencamino mula sa bangkay ni Luna. Ano nga kaya ang nilalaman ng mga papel na yun?

 

Sino ang nag-utos? Maraming naging personal na kaaway ni Luna. Sandamakmak ang mga posibleng mastermind na may motibo. Hindi lang sila Felipe Buencamino at Pedro Paterno, hindi lang si Tomas Mascardo at Pedro Janolino.

 

Kung meron mang kailangang sisihin sa pagkamatay ni Antonio Luna, wala nang iba siguro kundi si Antonio Luna rin mismo. Sinulat ni Nick Joaquin sa A Question of Heroes, “If character is destiny then Antonio Luna was his own violent fate.”

 

Pero ayon sa interview ng historian na si Antonio Abad sa kanyang interbyu kay Pedro Janolino (played by Ketchup Eusebio) nagpanic lang daw siya kaya niya lang nataga si Luna. Akala niya ay sasaktan siya. Pero hanep din sa panic—hindi bababa sa 40 ang sugat ng heneral (kasi nga naman ay pinagtulungan siya ng mga taga-Kawit).

 

Siya nga pala, baka sakaling pag-initan niyo si Ketchup kapag nakasalubong ninyo, heto ang hitsura ng totoong Pedro Janolino alyas Pedrong Kastila.

 

"Si Antonio Abad habang kinakapanayam si Pedro Janolino ukol sa pagkamatay ni Heneral Antonio Luna. Mula kay Dr. Vic Torres." (From XiaoChua.net)

 

 

Q. GANOON BA TALAGA KA-HENYO SI ANTONIO LUNA?

 

A. “The Greatest general of the Philippine revolution” sabi ng historian na si Gregorio Zaide. “The best general ever produced by the war against the Americans,” sabi naman ng kapwa heneral na si Jose Alejandrino (na nakasama rin ni Rizal sa Belgium). Pero may pambasag naman si Teodoro Agoncillo: Si Antonio Luna raw ay “the hero who never won a battle.” Paano nga ba naman siya magiging “greatest” or “best” kung wala nga naman siyang ipinanalo kahit isa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Fifteen years old siya nang grumadweyt sa Ateneo with honors. Sa edad na 19 sa kanyang second year sa UST ay nanalo ng premyo ang kanyang scientific paper. Sa edad na 21 siya ay nag-aral sa Barcelona ng pharmacy. Habang nagsusulat para sa La Solidaridad sa alyas na “Taga-Ilog,” contributor din siya sa iba’t-ibang scientific journals.

 

Chemist sa municipal laboratory ng Maynila si Antonio Luna nung pumutok ang Rebolusyon nung 1896. Gaya ni Rizal, itinakwil ni Luna ang Rebolusyon ng 1896 at nag-chuchu pa noon sa mga sangkot sa Katipunan. Ang resulta: maraming nakulong at binitay (at damay din daw kahit mismong si Rizal). Pero ang kuwento ni Alejandrino, nagawa lang daw yun ni Luna dahil tinorture siya ng mga Kastila at sinabihan kunwari na ikinanta na rin siya ng mga kababayan niya. Eh pikon nga.

 

Pero dahil mataas ang estado sa lipunan ay ipina-deport—kasama ang utol na si Juan—sa Spain at doon ikinulong. Pero pagkatapos ay nagbasa nang nagbasa tungkol sa military science sa maraming library sa Europa. In short, self-taught military man si Luna. Wala pa naman kasing PMA noon.

 

Bukod sa pagiging siyentipiko, fencer, sharpshooter, at journalist, si Heneral Antonio Luna ay ang premyadong gitarista noong panahon niya. Walang henyo sa digmaan na walang sining sa katawan. Si Mao Zedong at si Ho Chi Minh ay mga mahuhusay na makata. May isang eksena sa pelikula nagpapakita ng dunong sa musika ng direktor: habang tumugtog ng gitara si Luna, at nakaharap sa bilog na bilog na buwan (“Luna” nga eh—get it?), kasabay ng kaskas at bagsak ng kuwerdas ay ang tila pagsabog ng kanyon sa kanyang imahinasyon.

 

Maganda ang metafora o metaphor na ginamit ng National Artist na si Nick Joaquin sa kanyang sanaysay kay Luna. Bilang mahusay na chemist, ang hangad niya ay hubog, porma, at synthesis o yung pagsasanib ng iba’t ibang sangkap at elemento. Malas lang niya: ang kemikal na sinubukan niyang hawakan ay maligalig at sumabog sa mismong mga kamay niya.

 

May mga tumawag kay Luna na baliw. Pero may kasabihan din nga: There is a thin line between genius and madness. Pikon at mainitin daw ang ulo ng Heneral at ang kanyang kapatid. Kung ganito nga naman ang mga sundalo mo—sino ba naman ang hindi masisira ang ulo?

 

Maraming napabilib nang i-recruit ni Luna para sa revolutionary army ang mga beteranong opisyal na nagsilbi sa ilalim ng mga Kastila, kasama na ang mga nasa preso. Nung mga panahong yun, sabi ni Nick Joaquin, ay wala pa tayong pambansang hukbo kundi mga pinagtagpi-tagping mga grupo na kung ngayon ay tipong private armed group sa iba-ibang rehiyon. Si Luna ang nag-ambisyong pag-isahin ang mga ito, isa sa mga unang hakbang ay magkaroon ng iisang uniporme para sa lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Q. KUPAL NGA  BA TALAGA SI LUNA?

 

A. Puwedeng sabihin na masyadong naro-romanticize ang pagiging strikto ni Luna. O sa mga panahon ngayon kasi na parang walang in control ay hinahanap natin ang isang maglalatag ng pangkalahatang disiplina. Pero sa dami nang mga binadtrip niya, hindi naman katakatakang may maghiganti sa kanya.

 

Pero heto ang ilan sa mga mga kuwento:

 

Maghagupit ka ba naman ng mga pamilya para pababain mula sa tren—sa harap mismo ng presidente.

 

Sinampal ni Luna si Felipe Buencamino, Secretary of Foreign Affairs, na 55 anyos na noong 1899. Si Luna ay 33 lang. Unang nilabag raw ni Luna ang kaugaliang Pinoy tungkol sa paggalang sa mga nakakatanda—at mas mabigat pa ito dahil ginawa rin sa harap ng Pangulo ng Pilipinas. Isipin mong si Antonio Trillanes o Alan Peter Cayetano na sinampal si Alberto del Rosario sa harap ni P-Noy (kung tutuusin, kung meron mang dapat sampalin sa kabinete ay si Joseph Abaya para sa kapalpakan ng MRT).

 

Dagdag pa: May pinabaril siyang Chinese sa Bocaue, Bulacan na walang paglilitis. May pinapatay daw siyang Frenchman na nagngangalang “Don Marrais.” Sabi ni Mabini ay nag-utos daw si Luna sinumang hindi sumunod sa kanyang utos ay babarilin na walang trial-trial. Marami rin siyang pinahuli at tinaggalan ng armas. Harsh raw talaga ang mga methods ng heneral.

 

 

Q. TOTOO NGA BANG NAGPIPISTA SI MASCARDO AT JUMA-JACKSON NG TSIKS SI JANOLINO NOONG HUMIHINGI SI LUNA NG REINFORCEMENTS?

 

A. Sa eksenang pagsuway ng hukbong Kawit ni Capt. Pedro Janolino a.k.a. Pedrong Kastila: May instructions daw na sa presidente lang mismo susundin—at sabi ni Saulo ay posibleng nagmula raw ito sa telegramang pineke ng mga espiyang bayaran ng Amerikano. Ang mga sundalo ni Janolino ay naka puwesto na sa area malapit sa bakbakan (totoong giyera, sa Tuliahan, sa may Balintawak, hindi bakbakan sa kama gaya ng pinakita sa pelikula). Ang resulta, dinisarmahan ni Luna ang mga taga-Kawit. Siyempre, malaki raw ang posibilidad na napahiya ang mga ito, na marami sa kanila ay beterano na (isang isyu din kasi na ang mga beterano ng unang phase ng Rebolusyon ng 1896 ay iba ang turing sa mga biglang sumulpot lang mula kung saan—isa na rito si Luna).

 

Kathang-isip din malamang ang eksenang pagpiga ni Luna sa etits ni Janolino.

 

Kay Tomas Mascardo naman (siya yung dinalhan ng kabaong), mas intriguing ang dahilan: posibleng babaeng taga-Pampanga raw ang tunay na ugat ng kanilang hidwaan. Guwaping daw itong si Mascardo at ang description ni Saulo sa dating school teacher ay “a young, energetic brigadier general” na may “charming personality that made him irresistible to the young ladies.” Bukod pa diyan, mahigit 25 na engkwentro na ang pinanalo niya laban sa mga Kastila at lagi pang sugatan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Samantalang ang tawag kay Luna ng mga kapwa Pinoy sa Espanya ay “cafre.” Hindi siguro dahil sa bigote niya pero dahil sa ugali niya.

 

Trivia: abroad, muntik nang magduwelo si Jose Rizal at Antonio Luna dahil sa isang tsikas na nagngangalang Nellie Boustead. Buti na lang at hindi natuloy. Kung hindi ay walang Luneta ngayon.

 

 

Q. TOTOO NGA BANG NAGPLANO SI LUNA NG KUDETA LABAN KAY AGUINALDO?

 

A. May nabanggit raw si Luna na mahina at indecisive si Aguinaldo—na totoo naman at ilang beses na itong napatunayan. Suggestion ni Luna bago pa ganap na pumutok ang Fil-Am War: bakbakan na natin ang mga Amerikano habang konti pa lang sila. Payo rin ni Luna na magtayo ng defense line mula Kalookan to Novaliches at humukay ng mga trenches. Walang nangyari. Pinakita sa pelikula na plano niyang magtayo ng baluarte sa hilagang Luzon at gumamit estratehiyang guerilla. Anyare? Nganga. Kung nakinig lang daw sila kay Luna noon pa lang, ay hindi na kinailangan pang kumaripas si Aguinaldo at sila Gregorio Del Pilar sa Cordillera na parang mga daga.

 

Kung nakinig lang sila Aguinaldo sa payo noon ni Luna na sagupain ang mga puwersang Amerikano habang puwede pang talunin, malamang ibang iba ang tadhana natin ngayon. What if? Sa ibang usapan, what if Aguinaldo captured Manila on that fateful period na puwedeng-puwedeng na sanang sakupin ng mga Pinoy ang Intramuros noong June-July 1898? What if Luna was not murdered? Puro "what-if what-if." Ika nga ng mga historyador: There are no ifs in history. There is no ‘I’ in team. But there is an ‘I’ in Aguinaldo and Cavite.

 

 

Q. MGA TRAYDOR NGA BA TALAGA SA BAYAN SINA PEDRO PATERNO AT FELIPE BUENCAMINO?

 

Tinawag si Buencamino ng isang historyador na “perhaps the Philippines’ foremost student activitist.” Nung siya ay 23 years old na law student pinangunahan niya ang isang kilusan na ilipat sa gobyerno ang pamamahala ng Unibersidad de Santo Tomas mula sa mga frayle. Clerk lang si Mabini noon sa isang opisina sa Maynila, ginagalang na abogado na si Buencamino. Noong 1928, nanumpa siya sa ngalan ng Diyos at kanyang mga magulang na wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Luna at nakiusap pa kay Aguinaldo na maglabas ng statement na si Buencamino ay inosente. Pero hanggang namatay na lang si Aguinaldo noong 1964 ay hindi ito nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Ibang usapan si Paterno. Tinawag dati ni Ambeth Ocampo si Pedro Paterno na numero unong balimbing. Todo-puri sa mga Kastila, kumita pa sa Pact of Biak-na-Bato (nagdemand pa na gawing duke ng Maynila plus pension), at nung dumating ang mga Kano, biglang nagbago rin ang allegiance.

 

 

Q. SINABI BA TALAGA NG NANAY NI AGUINALDO NA SI DOÑA TRINIDAD ANG “NAGALAW PA BA YAN?”

 

A. Pahiwatig ng napaka-insensitibong hirit na ito ay alam ng nanay ni Aguinaldo ang planong pagpatay kay Luna. Pero fair ba ang bersyon na ito? Grabe naman ang magiging tingin ng mga susunod pang henerasyon sa pamilya Aguinaldo—parang Manson family. Sa bersiyon ni Agoncillo, ang tanong ng matandang babae ay: “Bakit niyo pinatay ang Heneral? Hindi niyo ba siya kilala?

 

 

Q. TEKA NGA MUNA. SO SAAN BA TALAGA GALING ANG KUWENTONG SI AGUINALDO ANG MASTERMIND SA PAGPAPATUMBA KAY LUNA?

 

A. Si Aguinaldo ang nag-appoint kay Luna na Secretary of War na may ranggong lieutenant general. Tutol dito si Mabini. Parang lumalabas din na si Luna ang ikalawang pinakamakapangyarihan sa gobyerno, sunod lang kay Aguinaldo. Isa rin si Mabini na bumubulong kay Aguinaldo na 'wag magtiwala kay Luna. “If Luna is not good for the army, the less he will be for the office, because he is a despot,” sabi dati ni Mabini. Umangal din si Mabini na hindi raw kumukonsulta si Luna sa gobyerno tungkol sa mga plano niya. At dito rin malamang nag-ugat ang mga haka-haka na nagbabalak si Luna na magtayo ng sariling gobyerno. Marami pang hirit si Mabini versus the General, akala mo ay selosang misis ni Aguinaldo.

 

Pero three years after, mag-iiba ang tono ni Mabini sa kanyang La Revolucion Filipina na sinulat habang exiled sa Guam (iba pa ang Guam noon. Puro malaria). “Kalabisang sabihin na nagtagumpay sana ang Rebolusyon kung sa halip na pinatay ni Aguinaldo si Luna ay buong kakayahang sinuportahan na lamang niya ito...upang sirain si Luna, kinasangkapan ni Aguinaldo ang mismong mga kawal na kinastigo ni Luna dahil sa paglabag sa disiplina. Kung gayon, pinatay ni Aguinaldo ang disiplina, winasak ang kanyang sariling sandatahan. Bumagsak ang Rebolusyon sa pagbagsak ni Luna, ang matatag na tagapagtaguyod nito, at kay Aguinaldo nabubunton ang lahat ng kasiraang puri sa pagbagsak.” (Translation: Michael M. Coroza)

 

Sumama raw ang loob ni Mabini dahil nawala siya sa gobyerno ni Aguinaldo na pinaboran ang mga “autonomistang” sina Paterno et al. In short, bitter lang si Mabini, at sabi ni Joaquin, “was using the dead Luna to flog Aguinaldo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Q. SO ANONG GUSTONG PALABASIN NITONG NAPAKAHABANG ARTIKULONG ITO?

 

A. Puwede sigurong sabihin na walang bida at walang kontrabida sa Heneral Luna. At kadasalan, ganun din sa kasaysayan ng Filipinas, depende kung sino ang nagkukuwento. Lahat, puwedeng bida, lahat din puwedeng kontrabida. Ika nga ng imortal na kasabihan: “History is written by the victors.” Warning din ni George Santayana: “Those who do not remember the past are condemned to repeat it.” Maganda rin na pinag-uusapan natin ang mga ganitong paksa, na hindi lang sa loob ng classroom.

 

Sa sariling atin naman: Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan...mangmang.

 

 

Q. BAKIT NGA BA TALAGANG HINDI TUMATAYO SI MABINI SA BUONG PELIKULA?

 

A. Mabuti pa, manood na lang tayo ng Aldub.

 

Artwork by Warren Espejo

Tell us your #feels!

Win
430
Yum
5
Want!
4
LOL
12
WTF
22
473
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Sneakerheads, You Wouldn't Want to Miss Capital's Mid-Year Sale

Get up to 40% off on Nike, Adidas, New Balance, and more!

5 Essential Game of Thrones Apps Every Fan Needs

From guides to fun games that will keep you busy until winter comes.

DepEd Should Probably Take a Look at These Textbooks

Lessons for the day: Gender bias and discrimination
Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!