Â
Okey. So alam na nating lahat ang nangyari. Hindi na ako nadagdag. Nasabi na ang lahat na kelangang sabihin-pati ang mga hindi na kelangang sabihin. Nuff said, ’ika nga. Nasabi ko na rin ang sentimiento ko sa mga bagay-bagay noon pa lang kaya prudence is the better part of valor. Sa Tagalog, mahirap tumanggap ng labada.
Nasa kamay na ng mga kinauukulan ang kaso. ’Wag na sumawsaw ang mga mahilig sumawsaw na may kasama pang performance art at mga placard-placard. Nakaalis na ang tren. Marami pang problema sa mundo-bukod pa sa mga batang sumasayaw nang mahalay.
Ayon sa isang pahayagan, nagkaroon daw ng matinding "soul-searching" ang industriya pagkatapos ng insidente. Ang lalim nun ha: "Soul-searching." Parang si Robin Padilla na nagmumuni-muni sa loob ng Bilibid? Parang Baron Geisler sa rehab? O Hayden Kho sa gitna ng pinyahan sa Cavite?
Pero senyales na ba ito ng panibagong buhay para sa telebisyon?
Lagpasan na natin ang usapin ng "child exploitation" at tingnan ang problema mula sa mas malaking perpsektibo. "Don't dumb down viewers," sigaw ng isang headline nung Sunday. Sa Tagalog, huwag niyong insultohin ang talino ng mga manonood. Tanong: sino ba talaga ang responsible? Sinong dapat sisihin? Mahabang kuwento. At hindi lang mahaba. Kumplikado rin.
Naaalala ko noon: Mga bandang 9 p.m. pa lang ay mapapanood mo na ang mga gaya nila Dong Puno, Teddy Benigno, Randy David, Louie Beltran, Winnie Monsod, Cheche Lazaro et al sa TV. Matalinong balitaktakan. Analysis ng mga importanteng isyu. Isang buong oras ng puro tokis lang- walang perang pinamimigay ng mga babaeng sumasayaw na naka-bikini, walang premyong bahay at kotse, walang special effects. Ngayon, hatinggabi na, tungkol sa lovelife nila Piolo at KC pa rin ang aabutan mo. Kung gusto mo makanood ng mga documentaries at mga seryosong paghihimay ng mga current events, dapat ata mag-Cobra Energy Drink ka. O kaya shabu. Para walang tulugan. At tirik na tirik ang mata mo. 'Wag mo kong hiritan ng "Eh di mag-ANC ka na lang!" ’Tol, hindi lahat may cable. Â
Lagi kong kinukumpara ang programming ng telebisyon-actually, kahit ng radyo, isama mo na rin diyan ang record and film industry-sa pagkain ng bata. Gusto ng bata ng tsokolate, Cheese Curls, corn chips, hamburger, fried chicken, candy, ice cream, hotdog. Pero iba yung "gusto" sa "kailangan." "Wants" versus "needs" ’ika nga. Gusto nga ng bata ang mga nabanggit, pero hindi yun nakabubuti para sa kanilang katawan-lalo na sa ngipin. Wala akong batang may gusto ng alugbati, saluyot, okra, ampalaya, sigarilyas, sitaw, bataw, at patani (Punyemas, teka: ano nga ba ang bataw at patani?). Kung itatrato mo ang viewers na parang batang paslit, ang mga sitcom, soap opera, tsismis shows, game shows, at reality programs ay parang junk food. Masarap nga, pero walang sustansya. Hindi lang walang sustansya: nakakapagpataba rin. Gaya ng tsokolate, ice cream, at hamburger, ang mga ganitong programa ay lumilikha ng mala-Juana Change na taba sa isipan ng tao.
Pero hindi tayo dapat humusga. Dahil sa isang simbolikong antas, hindi rin naman tayo lahat kumakain lang ng puro patani, bataw, at labanos. Kahit sabihin nating may mga alternatibong mga panoorin, hindi rin naman lahat ay nagkakandarapa sa mga bagong pelikula nila Lav Diaz, Raya Martin, at John Torres, mga pinagpipitagang independent filmmakers (Kahit ang mga "independently produced" na sine na huling pumatok gaya ng Kimi Dora at Here Comes the Bride ay may bakas pa rin ng "mainstream.") At... umamin ka: Kahit ilang PhD in Comparative Literature ang meron ka, pag may bagong putok na kontrobersya sila Kris Aquino o Hayden Kho, imposibleng hindi ka pa rin sumilip sa mga sandamakmak na Sunday tsismis shows (Na pinapalabas ng Sunday afternoons kung kelan kumpleto ang buong pamilya. Ayos ba?).
Pero ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa.
Chicken and egg, ika nga, ang sitwasyon. Kawing-kawing ang mga responsibilad. Sasabihin ng mga tao na, "Wala tayong magagawa. Ito ang gusto ng mga tao." May mga nagsasabi rin naman na "Paano ba naman kasi, basura ang binibigay niyo sa kanila. Eh di yun ang panonoorin nila."
Pag sinuri mo naman ang mga big boss ng mga TV network- hindi naman sila mga mangmang. Mga edukado ang mga 'to- mga producer, writers, at directors. Minsan- pag wala silang taping sa Tanay, Rizal- makikita mo silang nakapila sa mga European film fests. Naghihiraman pa sila ng mga art film na DVD. Yung iba ay may mga awards pa sa writing and filmmaking. Nagworkshop sila kay Ricky Lee at Bing Lao. Alam nila kung ano'ng pangit at nakakabobo. Alam nila ang maganda at ang nakakabuti sa isip at kaluluwa ng mga manonood. Pero dahil sa dikta ng industriya, wala silang magawa kundi ang gumawa ng mga palabas na talaga namang nakapapanindig balahibo. Kahit sarili nilang balahibo. At alam nitong mga inglesero't ingleserang ito na kahit sila'y hinding hindi manonood ng ganong klaseng palabas.
Pero alam naman siguro nila ang pinasok nila at alam din nilang mahirap nang tumanggap ng labada. Habang sa loob-loob nila'y nandun pa rin ang pangako nila sa sarili nila na gagawa sila ng indie film o kahit anong personal project na magpapagaan ng loob nila sa kanilang ginagawa. Pero may tawag din diyan- yung mga taong gumagawa ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Wala rin daw itong pinagkaiba sa pinakamatandang hanapbuhay sa buong mundo. But enough about all of us members of the working classes.
• Panindigan sana ng mga advertisers ang mga pasiklab nila. At 'wag lang basta magpadala sa mga buyo Maglagay ng mga ads sa mga shows na talagang may katuturan. Kung talagang may bayag ang mga advertiser, maglalagay sila sa mga programang gaya ng Ating Alamin ng idol kong si Gerry Geronimo at Paco Park Presents sa napakalungkot na channel 4.
Speaking of advertisers, masalimuot na isyu pa rin yan. Ang mga commercials ang "lifeblood" ng mga TV programs. Kahit ano pa ito, whether show tungkol sa sabong o mga ginang na bungi na nagsisigawan sa umaga, pag walang umeereng ads sa timeslot mo, maghanda ka nang tumanggap ng labada. Puwera na lang kung meron kang iisang major sponsor - o di kaya'y nasa IBC 13 or NBN 4 ka. O kaya'y pinuno ka ng malaking kulto.
Manok-at-itlog din ang sitwasyon para sa mga advertiser. Gusto ng mga kompanya na makita ang mga produkto nila ng milyon-milyong tao at natural lang na mamili sila ng show na maraming nanonood. Eto ngayon ang problema: kendi ang gusto ng tao at hindi pinakbet. Gusto ng tao na makakita ng mga sumasayaw na naka-bikini. Gusto nilang makakita ng iyakan, sampalan, barilan, at mga bampira. Ako rin naman, gusto ko ring makakita ng ganon. Pero minsan, kelangan din naman ng konting diskurso di ba? Kailangan ding i-angat- kahit konti lang- ang antas ng panonood ng publiko.
• Ibalik ang mga quiz shows. Ipakita ang tunay na tagisan ng talino- mga tanong na hindi lang basta, "Ilang letter 'A' meron sa salitang 'EAT?'" Naaalala ko noong '80s: tumitigil ang mundo pag-umere na ang quiz bee na sponsored ng Kilometrico ballpen. Lahat kami noon gumagamit ng Kilometrico dahil may ilusyon kaming tumatalino rin kami. Akala lang namin yun, siyempre. Pero hindi ba parang mas magandang impluwensya sa bata ang pagnanais na tumalino kesa sa ambisyong lumandi?
Naaalala mo ba yung Battle of the Brains noong '90s? Ini-spoof nila Michael V. at naging "Battle of the Brainless." Eto ngayon ang problema: ang totoong "Battle of the Brains," maagang namatay. Ang "Battle of the Brainless" mukhang nagkatotoo at ramdam pa rin ang diwa hanggang ngayon sa mga game shows na hindi factor ang talino sa pangarap na premyong house and lot. (I.e. "Q: Saang bansa galing ang mga Canadians?" A: Sa Canadia!"). Ang dating "ironic" na konsepto, naging pang-araw-araw nang realidad. Na nakakatawa pa rin, pero sa isang mas malalim na antas, nakalulungkot. Nakakatakot.
So ano na ang dapat gawin? Pagkatapos ba ng "soul-searching" na ito ay bigla na lang tayong makakanood ng mga ballet at mga dula ni Federico Garcia Lorca sa mga noontime shows? Mga tula ni Rio Alma at excerpts sa nobela ni F. Sionil Jose sa primetime?
• Mali rin namang i-asa ang lahat sa telebisyon. Lalo na ang pangangalaga sa ating mga tsikiting. Ang Changhong TV set ay hindi si Yaya Inday. Ang problema, si Yaya Inday ay hindi nanonood ng BBC 4. At hindi ka rin laging nasa bahay. At kahit nasa bahay ka rin lagi, malingat ka lang-mapunta ka lang sa kusina o sa banyo kahit ilang minuto lang- pagbalik mo, makikita mo na lang si Baby na sumasayaw na parang malanding starlet sa Grand Inihaw. Â
.
Pero, heto ang tanong: kung mas malaki pa ang impluwensiya ng TV sa anak mo kesa sa iyo, anong klaseng magulang ka?
Ay, sorry, oo nga pala. OFW ka.
Â
Â
Â
This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.
Â
Illustration by Warren Espejo.