
(SPOT.ph) Maraming kababalaghan ang nangyayari sa Pilipinas araw-araw. Aminin mo man o hindi, isa na rito ang pagkabaon sa limot ng sarili nating wika. Kung ikaw ay lumaking matatas sa wikang Filipino, kapansin-pansin na ibang-iba na ang nilalaman ng ating pakikipagtalastasan sa kasalukuyan—hindi lamang sa kung ano ang pinag-uusapan, kundi pati na rin sa mga salita at terminong gamit natin ngayon. "Ano ba naman ang kabataan ngayon?" ika nga ng matatanda; "Mawalang-galang lang po, but we’re doing our best," sagot ng kabataan. Kaya para makatulong sa muling pagkabuhay ng ating pambansang wika, narito ang 10 paboritong bukambibig na dati ay maririnig mo sa lahat ng usapan.
Ito ang 10 bukambibig o "idiom" na dapat nating gamitin ulit:
Ni isang kusing
Ano nga ba ang kusing? Ayon sa Diksiyonaryo.ph, ang kusing ay baryang naghahalagang kalahating sentimo na ginamit noong panahon pa ng Kastila. Madalas marinig ang mga salitang ito sa mga pulitikong nagsasabi na wala silang nakuhang pera, "ni isang kusing," sa kaban ng bayan.
Maaaring gamitin tuwing: Nagmamakaawa sa paghingi ng baon kay nanay.
Pinagbiyak na bunga

Ito ang tawag sa mga tao o bagay na magkamukhang-magkamukha. Ikinukumpara ang tinutukoy sa biniyak na bunga na galing sa iisang puno. Madalas itong marinig sa mga family reunion—dahil nga namang madalas na magkakamukha ang magkakapatid—sabay kiss-and-hug ng iyong mga tito at tita.
Maaaring gamitin tuwing: Alam mong ayaw ng kaibigan mo na maikumpara siya sa kapatid niya.
Namamangka sa dalawang ilog
Kapag ikaw—o isang kilala mo—ay namamangka sa dalawang ilog, ibig sabihin ay sabay mong pinaglalaruan ang puso ng dalawang tao. Pero dahil imposible naman talaga ang literal na kahulugan ng pariralang ito, mas makabubuti sa lahat kung sa isang ilog na lang tayo mamangka bago pa tayo malunod.
Maaaring gamitin tuwing:Â Nanonood ng mga teleserye.Â
Tulog mantika

Siguradong marami kayong kakilala na ganito: Hindi magising-gising ang taong tulog mantika kahit anong gulo at ingay ninyo. Katulad niya ang mantikang mabagal ang pagtulo mula sa bote hanggang sa kawali, lalo na kung matagal na itong nakatago o nalamigan.
Maaaring gamitin tuwing: Kapag sinusubukan mong gisingin ang bunso mong kapatid sa umaga.
Panahon pa ni Mahoma
Bago pa lumipas ang "nineteen kopong-kopong" ay nauna na ang panahon ni Mahoma. Ito ay tumutukoy kay Muhammad, ang propetang nagtatag ng Islam noong ikaanim na siglo. Maaari mo ring sabihin ang pangalan ni Limahong, isang pirata na nagtangkang sakupin ang Maynila noong ika-16 na siglo.
Maaaring gamitin tuwing: May nagbabalita ng kababalaghan sa gobyerno.
Butas ang bulsa

Lalong mas madami ang makaiintindi nito. Kapag sinabihan ka ng kaibigan mong butas ang bulsa niya, ibig sabihin wala na siyang pera. Maaari mo naman siyang ilibre; pero kung pareho kayong butas ang bulsa, maghintay na lang ulit kayo ng sweldo.
Maaaring gamitin tuwing: Malapit na ang petsa de peligro.
Giyera patani
Nakain mo na ba ng lahat ng gulay sa kantang "Bahay Kubo"? Kung oo, malapit-lapit mo nang maintindihan ang pariralang giyera patani. Ang patani ay isang uri ng baging na kadalasang nakakain ang bunga. Sa sobrang gaan nito, walang epekto kung ibato mo man sa kaaway. Katulad ng away na hanggang salita lamang, wala talagang nasasaktan sa giyera patani.
Maaaring gamitin tuwing: May LQ na nangyayari.
Kutong-lupa

Madalas naririnig sa mga telenobela, ang kutong-lupa ay tumutukoy sa mga batang magugulo. Katulad ng mga kutong masarap tirisin, minsan ay mahirap na hindi magalit sa mga batang nakakainis. Pero salungat sa kuto, hindi natin sila pwedeng kurutin.
Maaaring gamitin tuwing: Iniwan sa iyo ang mga pamangkin at nakababatang pinsan.
Mabilis pa sa alas-kwatro
Kwento noon na ang mga trabahador sa Insular Ice Plant na dating nakatayo sa Lawton ay laging sabik sa pagdating ng alas-kwatro ng hapon. Madalas ay mahaba ang pila papalabas ng planta, kaya't naghahanda na agad sila bago pa man dumating ang oras ng pag-uwi. Kaya kung ikaw ay nagmamadaling umalis, mabilis ka pa sa alas-kwatro.
Maaaring gamitin tuwing: Ayaw mong abutan ng rush hour sa EDSA.
Sirang plaka

Siguradong ginamit na ito sa'yo ng mga magulang mo (o kaya'y ang kabaligtaran). Katulad ng sirang plaka na paulit-ulit ang sinasabi, minsan ay paulit-ulit ka na rin sa mga kwentong gustong-gusto mong ibinabahagi—kahit na madalas ay sawang-sawa na ang iyong mga tagapakinig.
Maaaring gamitin tuwing: Pang-apat na ulit na ng nanay mo 'yong utos niya sa'yo.