Para sa Buwan ng Wika: 30 Librong Pinoy Patungo sa Isang Maluwalhating Buhay

Hindi ito exclusive na listahan, mas magandang isiping ito ay mga mungkahi para sa mga sarili nating listahan ng "Books to Read Before I Die."

 

(SPOT.ph) Narito ang listahan ng tatlumpung librong mas mailap ang pagpapa-require sa mga classroom kung ikukumpara sa mga naisulat nina Jose Rizal o Amado Hernandez, mga obrang nakasulat sa Filipino na tungkol sa iba't ibang aspekto ng pagka-Pinoy natin.  Mga piyesang nagbibigay ng mga solusyon sa iba't ibang tanong, mga istoryang nagpapakilala ng mga panibagong problema, mga panibagong eksperimentong kukumbinsi sa atin na "oo, marami akong isyu at hinanakit sa mundo, pero masarap pa ring mabuhay at mamatay para sa bayang ito."

 

Hindi ito exclusive na listahan, mas magandang isiping ito ay mga mungkahi para sa mga sarili nating listahan ng "Books to Read Before I Die."

SELF-HELP

Mga librong sa kanya-kanyang paraan ay naglalatag ng mga popular na problemang Pinoy, at paminsan-minsan ay nagmumungkahi ng mga solusyon.

 

 

Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar (David Werner). Ito'y isang self-help na librong para sa mga pamayanang hindi nabibisita ng doktor.  Madaling basahin, may mga mungkahi sa kung paano gagawaran ng ligation o vasectomy ang sarili gamit ang mga karaniwang kasangkapan sa bahay.  Maaari ring i-enjoy ang iba't ibang madetalyeng ilustrasyon ng mga nabubulok na sugat, DIY contraceptives, at itsura ng mga taong nalalason ang dugo.

 

 

Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (Philippines Research Center). Mayaman sa mga kuwento tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, mga paliwanag sa kung paano inaabuso ng ibang bansa at ng mga Pilipinong nasa mataas na uri ng lipunan ang kapwa Pilipino.  Siguradong may ilan na  magdududa sa kredibilidad at bias ng librong ito, pero ang maganda'y nakapagbubukas ito ng mga argumentong maaaring hanapan ng kontra-argumento, kung gugustuhin ng nagbabasa.

 

 

Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma (Joi Barrios). Binubuksan ng mga tula ni Joi Barrios ang mga isyung umiipit sa kababaihan noon at posibleng hanggang sa kasalukuyan-pagtrato sa babae bilang gamit o object, paglagak sa mga tiyak na gawain gaya ng paninilbihan sa kusina, panghuhusga sa kakayahan ng babaeng lampasan ang mga papel na ibinigay sa kanya ng makalalakeng sistema ng lipunan.  May kaakibat na English translation ang mga tula.

 

 

Taguan Pung at Manwal ng mga Napapagal (Eros Atalia). Isang nakatutuwang pagmumunimuni tungkol sa halaga ng pag-iral ang double feature na aklat ni Eros Atalia.  Maaaliw at mapapaisip ang mga magbabasa sa mga mungkahing paraan ng pagkitil sa sariling buhay, tulad ng paglaslas ng pulso na susundan ng panonood ng favorite horror film.

 

 

Pagtatagpo sa Kabilang Dulo (Amado V. Hernandez Resource Center/ Desaparecidos). Koleksyon ng mga tula at naratibong testimonial ang librong ito.  Nagsagawa ang grupong Desaparecidos ng isang workshop para sa mga kamag-anak o mismong biktima ng enforced disappearances at torture.  Isang koleksyon ng mga karanasang may sakit at matinding kurot sa puso, pero nagbibigay din ng pag-asa na sa huli'y matatagpuan din ang lahat ng nawawala.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GROWING UP

Mga pagsesenti tungkol sa tamis at pait ng paglaki.

 

 

Ang Pambihirang Buhok ni Raquel (Luis P. Gatmaitan). Isang kuwentong para sa bata ang librong isinulat ni Dr. Luis Gatmaitan.  Para sa bata, pero nagsasalaysay ng isang sensitibong sakit-ang leukemia.  Nasa tradisyon ito ng mga kuwentong naisulat ng isa ring popular na manunulat sa Filipino, si Rene Villanueva (pwedeng hanapin ang Nemo, ang batang Papel/ Ang Unang Baboy sa Langit para matikman ang mga kuwentong pambata ni G. Villanueva)

 

 

ABNKKBSNPLAKo (Bob Ong). Isang penomenon ang librong ito.  Ang koleksyon ng mga karanasan sa eskuwelahan ay binabasa ng mga estudyante sa elementarya hanggang sa mga pinakasikat na iskolar ng panitikan.  Madaling basahin, may sipa ang bawat bahagi, may kabuluhan.  Sa librong ito at sa mga kasunod pa madalas ihinahambing ang ilang manunulat ng kasalukuyang henerasyon gaya nina Eros Atalia, Klitorika, Beverly Siy, at Yol Jamendang.

 

 

Kiko Machine Komix (Manix Abrera). Biro ng isang kaibigan, mas makaka-relate ang magbabasa ng Kiko Machine Komix pag taga-UP ka.  Taga-UP man o hindi, benta-benta ang mga maiksing eksena ng kulitan at kasentihan sa mga librong ito.  Parang sinasabing anuman ang hirap ng buhay ay maaaring idaan sa attitude at sa pagsigaw ng "rakenrol."

 

 

It's A Mens World (Beverly Siy). Mga salaysay ng paglaki ng isang babaeng manunulat na nakaranas ng iba't ibang hirap.  Ikinukuwento ni Bebang ang kasaysayan ng kanyang pangalan, danas ng pagiging dalagang ina, ang paghihiwalay ng kanyang magulang, sa isang tonong magaan na hindi, masaya na malungkot.  Pinaghalong tradisyon ng Bob Ong at Joi Barrios.

 

 

Edad Medya (Jose F. Lacaba). Nagtatapat ang mga tula ni Lacaba tungkol sa mga agam-agam ng isang lalakeng heterosexual na umaabot na sa punto ng katandaan.  Paborito ko ang kanyang tulang Ang Tipo Kong Babae, kung saan humihiling siya sa isang kunwari'y machong paraan (dahil hindi humihiling ang mga macho, nag-uutos sila) na kung sa umaga'y parang Vina Morales ang kanyang kausap, sana sa gabi'y maging Rosanna Roces na siya.

 

 

Personal (Rene O. Villanueva). Jack of all trades, master of everything si Rene Villanueva kung pagsusulat ang usapan.  Premyadong mandudula at kuwentista para sa bata, panalong-panalo rin si Sir Rene sa kanyang mga pagtatapat sa librong Personal, koleksyon ng mga personal na sanaysay.  Siya mismo ang umamin sa mismong libro na kahit ang sarili alaala ay sinungaling, na tayo ay nagsusulat n gating mga sariling bersyon ng "totoong nangyari."

 

 

Sa Labas ng Parlor (Honorio Bartolome De Dios). Kahit hindi lahat ng mga kuwento sa libro ni Nori de Dios ay nasa linya ng paglaki, matutuwa ang mga magbabasa ng librong ito lalo sa kuwentong Atseng, isang kuwento ng pagkilala ng batang bida sa kanyang seksuwal na pagkatao sa pamamagitan ng multo ng pinatay na parlorista, kasabay ng sikretong pinaghahatian ng bida at ng isang kamag-anak.  Itinuturo ng libro na nabubuhay at mabubuhay tayo sa mundong hindi iisa ang anyo ng kabaklaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Makinilyang Altar (Luna Sicat Cleto). Parang may dalawang bersyon ng kuwento dito sa nobela ni Sicat-Cleto: ang kuwento sa punto-de-bista ng amang manunulat, at ang salaysay sa pananaw ng anak na babaeng naging manunulat din paglaki.  Binibigkis at pinaghihiwalay ang isang pamilya ng piniling sining, na sa kaso ng nobela ay ikinakabit sa imahen ng makinilya.  Posible palang habang pinagsasalita ng makinilya ang isang salaysay, maraming kuwento rin ang kanyang pinapatahimik.

MABANGIS NA LUNGSOD

Mga babasahing naglalantad ng mga reyalidad sa likod ng makikinang na ilaw at matataas na gusali.

 

 

Mga Agos sa Disyerto (Efren Abueg et. al.) Ayon nga sa introduksyon ng National Artist na si Bienvenido Lumbera, bukod sa pagpapalitaw ng mga usapin ng opresyon sa uri at lahi, importanteng tandaan na sa panahon kung saan tinatrato ang Ingles bilang wika ng mga matalino, ginamit ang Filipino sa pagtampok ng mga isyung magpapalaya ng sambayanan mula sa itinuring ni Efren Abueg na "mabangis na lungsod."  Isa ito sa mga koleksyong kumakatawan sa esensya ng nasyunalismo noong 60s-70s.

 

 

Utos ng Hari at Iba Pang mga Kuwento (Jun Cruz Reyes). Laman ng napakaraming mga textbook ang kuwentong Utos ng Hari ni Jun Cruz Reyes, isang kuwentong matatandaan sa pagiging maangas ng bida sa gitna ng dikta ng mga hari-harian at reyna-reynahan ng Philippine School for Science and Technology.  Nararapat ding mabasa ang iba pang mga kuwento ni Reyes, na bukod sa artikulasyon ng reyalidad ng kanyang panahon ay mga ehersisyo din sa paggamit ng wika at sa pagkukuwento mismo (paborito ko sa koleksyon ang Mga Kuwentong Kapos)

 

 

Cubao Pagkagat ng Dilim (Tony Perez). Matutuwa ang mga kasalukuyang tambay ng Gateway at Shopwise sa mga halimaw na binuo ni Tony Perez mula sa lumang Cubao.  Matutuwa dahil parang napakarami nang nagbago, pero napakarami pa ring nanatili.  At ang mga halimaw, mga halimaw na baka  kamukha ng mga halimaw na makikita natin tuwing nananalamin sa CR ng SM Cubao o Araneta Center.

 

 

Corruptionary (Center for Philippine Empowerment and Governance). Tutal naman ay laganap ang korupsyon sa Pilipinas, bakit hindi gumawa ng diksyunaryo para sa mga salitang ginagamit ng Pinoy na kadikit ng pagiging corrupt?  Bilhin ang libro kung gustong malaman ang ibang ibig sabihin ng "ninong," "for official's use only," at "suyod."

 

 

Fastfood, Megamall, at iba pang Kuwento sa Pagsasara ng Ikalawang Milenyum (Rolando Tolentino). Isang librong relatable sa mga ipinanganak sa panahon ng MTV, Jollibee at Mcdo, VHS, cable, at Supermalls.  Ang mga eksperimentasyon ni Rolando Tolentino sa kanyang mga salaysay ay hindi nananatiling eksperimento lang; palagi siyang bumabalik sa kabulukan ng mga bakas ng progreso.  Sa mga kuwento ni Tolentino, mukhang maraming katotohanan pero may mga katotohanang mas totoo-iyong katotohanang may kaakibat na kapangyarihan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Mga Kuwentong Paspasan (Vicente Groyon, editor). Maraming nagsasabing sa panahon ng mabilisang Internet at maraming bagay na instant, wala na raw lugar ang Pilipino para magbasa.  Ang tugon ng Milflores Publishing-isang koleksyon ng mga kuwentong kayang-kayang basahin habang kumakain ng paboritong cup noodles, o habang nakaupo sa jeep o MRT (kung may bakanteng upuan o hindi pa kinukupitan ng kasiksikan).

HALO-HALO

Iba't ibang eskperimento tungkol sa iba't ibang mga pamilyar na ugnayan

 

 

Sa mga Suso ng Liwanag (U Z. Eliserio). Kaunti lang siguro ang nakabalita sa librong ito dahil sa pagiging self-published nito noong 2006, pero si U Eliserio ang tugon sa mga taong naghahanap ng nobelang pinagsama-sama ang mystery, sex, ututan, at lechong manok with coke sa UPLB, sa isang nobela.  Muling pinapasikat ng mga manunulat tulad ni Ricky Lee at Edgar Samar ang anyo ng nobela nitong nakaraang taon, saying at hindi napapansin ng marami ang mas maagang pagsisimula ni Eliserio sa ganitong direksyon.

 

 

Prosang Itim (Mike Bigornia). Para sa mga gustong malaman kung bakit nauuso ang magmakata, kung bakit may mga pangalan sa bawat nilalang sa mundo, at kung paano umuulit-ulit ang siklo ng pang-aapi, basahin ang libro ni Mike Bigornia.  Mga tulang parang prosa, mga prosing parang tula.  Lahat ay pagtitimbang sa pagiging tao ng isang tao.

 

 

Kami sa Lahat ng Masama (Allan Popa). Eksperimento sa pananampalataya  ang koleksyon ng mga tula ni Allan Popa.  Sa mundo na (mas) may halaga ang pisikal, ang napanghahawakan, ano ang papel ng mga nilalang na nasa ilalim o nasa ibabaw ng pisikal na katawan?  Naglalatag ng mga pagmumunimuni ang mga tula kahit na may duda sa halaga nito-paano ba magkakahalaga ang tula kung ang nahahawakan lang nga ay puro mga salita?  Magandang basahin kasama ng mga libro nina Joseph De Luna Saguid at Mesandel Virtusio Arguelles, mga kasama sa grupong High Chair.

 

 

Relasyon (Rolando Tolentino at Luna Sicat, mga editor) Eksplorasyon sa iba't ibang antas at anyo ng pakikipag-ugnayan ang antolohiya ng maikling kuwento mula sa grupong KATHA.  Relasyon sa sarili, relasyon ng magkapareho o magkaibang seksuwalidad, relasyong lampas sa harang ng espasyo, relasyong dinidiktahan ng presyo at negosyo.  Ihanda ang sarili sa pagkabaliw at pagkamulat sa mga kuwentong tulad ng Horoscope ni Eli Guieb, isang sala-salabat na mga kuwentong-relasyong nasa format ng week-long horoscope reading.

 

 

Batbat hi Udan (T.S. Sungkit). Ibinabalik sa librong Batbat hi Udan ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga magandang katangian ng tradisyong oral ng Pilipinas.  Bumubuo ng mitolohiyang may pagkilala sa kanyang katutubong impluwensya si T.S. Sungkit, magandang alternatibo sa mga mundo ng wizards at bampirang kinahihiligan ng marami sa mambabasang Pinoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ANG HINAHARAP

Mga librong nagbibigay ng magandang tanaw sa hinaharap ng pagsusulat sa Pilipinas

 

 

The El Bimbo Variations (Adam David). Isang ehersisyo sa mga laro sa wika ang librong ito, na nagwagi sa Madrigal-Gonzalez First Book Award ng UP Institute of Creative Writing.  Sa pagtatangkang hanapan ng iba't ibang iterasyon ang linyang "Kamukha mo si Paraluman noong tayo ay bata pa," isang linya mula sa kantang Ang Huling El Bimbo ng Eraserheads, nailalarawan ni Adam David ang mga posibilidad na kayang abutin ng wika-na bukod sa ano ang sinasabi, may halaga din kung paano ito sasabihin.

 

 

Gerilya (Norman Wilwayco). Naipasok ni Norman Wilwayco sa kanyang Palanca-winning na nobela ang upbeat, maangas, at astiging pakiramdam habang nagtatalakay sa mga isyu ng gera at rebolusyon.  Para sa mga naghahanap ng Trainspotting feel na nakaangkla sa Pinoy na karanasan, hagilapin ang librong ito.

 

 

Ang mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zaturnnah (Carlo Vergara). Nagtagumpay ang comics ni Carlo Vergara hindi lang sa pagpapakilala ng bagong pagtingin sa isang baklang tauhan, kundi sa pagtingin sa nakasanayan nang pagkilala sa Pinoy Superhero.  May agimat pa rin ang bidang si Ada, isinisigaw pa rin ang ibang pangalan at nag-iibang anyo, pero alam ng mga nakabasa na ng libro na sa bandang huli'y may halaga din si Ada sa pagliligtas ng kanyang mundo (kahit walang nakakita).

 

 

Kathang-isip: mga Maikling Kuwentong Fantastiko (Rolando Tolentino at Rommel Rodriguez, mga editor). Napagtagumpayan nan g mga manunulat sa Ingles katulad ni Dean Alfar ang popularisasyon ng mga kuwentong nasa linya ng fantasy at science fiction, kaya naman nakatutuwang napapasimulan na rin ang pagtatangkang gawin ito sa Filipino.  Sa antolohiyang ito ng mga kuwento, sinubukan ng mga manunulat na magtalakay ng mga isyung Pinoy gamit ang sariling wika, nang may paghahalo sa mga elemento ng mahika at agham.

 

 

Lansangan: mga Kwentong Kalsada (Piya C. Constantino). Hybrid na comics-photo essay-diary ang librong ito ni Piya Constantino.  Mula sa iba't ibang karanasan ng pagdalaw sa magkakaibang komunidad, mga paglahok  sa rally at mga katulad na okasyon, pagbalik sa mga lugar na kinalakihan tulad ng "Heartbreak Hill," naipapamalas ng proyekto ang halaga ng dokumentasyon ng alaala, sa anumang bago o lumang anyo na kayang gamitin.  Higit sa lahat, idinidiin ang halaga ng patuloy na pagbyahe, sa mga lugar na hindi pa napupuntahan.

 

 

Pektus (Various writers). At napag-uusapan naman ang mga lugar na hindi pa napupuntahan, narito ang koleksyon ng mga kuwentong ilulunsad pa lang sa pagtatapos ng Agosto.  Ang antolohiyang mula sa mga manunulat na nakabase sa UP pero naging bahagi rin ng ibang mga institusyon gaya ng PUP, buhay na buhay sa potensyal ang kanilang koleksyon.  Mga kuwento ng sex, drugs, rock and roll, sa panahon at lugar na magastos at kumplikado ang sex, drugs, and rock and roll.  Magaspang, matapang, kapana-panabik.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Art by Warren Espejo.

Tell us your #feels!

Win
2
Yum
LOL
WTF
1
3
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!