ILLUSTRATOR War Espejo

Ang Kabute Street, si Junjun, at ang Problema Ko Sa Komentong "Mamatay ka na"

Walang dadating na FPJ o Jet Li para ipagtanggol ka.


 

(SPOT.ph) Bukod sa iba't ibang klase ng mura at pandudusta, madalas kong mabasa sa mga comments section ngayon ang mga katagang "Mamatay ka na." "Puro ka kontra sa presidente. Imbes na tumulong, bumabatikos ka pa. Sana mamatay ka na." O kaya, "Sana magahasa ka at mapatay ng adik para malaman mo kung gano kahalaga ang ginagawa ni Tatay Digong para sa Pilipinas." Wala nang kumbinsihan. Kung hindi ka sang-ayon, mamatay ka na. O kailangan mong mamatay para makumbinsi ka.

 

Hindi lang simpleng Good Manners and Right Conduct ang pinaghuhugutan ng pagkabagabag ko sa tuwing makakabasa ng mga komentong ganito. Kung tutuusin, sanay na ako sa "Put***ina" at "Mamatay ka na." Lumaki ako sa Kabute Street ng Barangay West Rembo,  isang lugar kung saan harapan pa nga, imbes na anonimo, ang palitan ng maaanghang na salita. Pag may lasing na nagwawala at nagtatanong kung sino ang matapang, may sasagot sa kanya ng "Put***ina mo, kung ayaw mong matulog, magpakamatay ka na." "Kayong mga put***ina niyo, kung ayaw niyong maghugas ng plato, itapon niyo na yang mga put***inang platong yan," madalas kong marinig sa tiyahin kong si Aida pagkauwi ko galing eskuwela. Pag may nandaya sa teks o kaya tatsing noon, o kaya ayaw mamigay ng binili niyang chichiria, "Mamatay ka na sanang hayup ka" ang ibubuga sa kanya bago iwang mag-isa. "Mamatay na sana ang nagnakaw ng pencil case ko," sambit naman ng kaklase kong napagtripan.

 

Kahit hindi galit, meron pa ring mura, meron pa ring hirit tungkol sa kamatayan. "P*** ang ganda ng porma mo ngayon a. Saan ang burol?" "Bakla? Sinong bakla? Mamatay na lahat ng bakla!" tapos magkukunwaring namatay. "Ang bait mo naman, sana kunin ka na ni Lord." Kung natatakot mapalo, puwede nang makalusot ang "Tang inumin mo, wag Milo."

 

Sa mga pelikulang aksiyon na pinapanood namin ng mga kalaro ko noon, isa sa pinakakaraniwang bagay ang may mamatay. "Buti nga!'' ang karaniwang reaksiyon namin pag may binaril sa warehouse sina FPJ, Lito Lapid, Robin Padilla. Hindi pa namin naiintindihan masyado ang mga diyalogo noon, pero nagpapalakpakan kami pag ginawa na ni Van Damme ang pinakahuling sipa na tatapos sa kalaban niya sa martial arts tournament.

 

Pati sa mga telenobelang pinapanood ng nanay ko noon, kailangang may mamatay para makamit ang happy ending. Sa Mula sa Puso, nasunog ang buhok ni Selina bago siya nahulog sa building. Bumangon pa siya pagdating niya sa ilalim, pero agad naman siyang nasagasaan ng bus na kumaladkad sa kanya hanggang kamatayan. Sa ibang telenobela, o kaya sa mga romantikong pelikula, may kailangan ding mamatay para maresolba ang love triangle. Magkakasakit ng kanser o kaya maaksidente sa daan ang sagabal sa pagmamahalan ng dalawang bidang ginaganapan ng hottest love team.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Laman din noon ng mga balita ang iba't ibang masaker at karumal-dumal na pagpatay, na kinalaunan ay magiging pelikula ni Carlo J. Caparas. Hindi ko napanood lahat ng pelikulang ganito pero hindi ko malilimutan ang kanilang mga pamagat: Vizconde Massacre: God Help Us; Vizconde Massacre 2: God Have Mercy on Us (di ko alam kung bakit may part two ang massacre); Lipa Arandia Massacre: Lord, Deliver Us from Evil; at The Elsa Castillo Story: Ang Katotohanan, na tungkol naman sa chop-chop lady at directed by Laurice Guillen. Nakakatakot ang mga balita nang mapanood namin sa TV Patrol, pero sa di maipaliwanag na kadahilanan ay naging entertaining sila para sa amin nang maging pelikula at maging si Kris Aquino ang biktima.

 

Kaya nang magsimulang dumami  ang "put***ina," "mamatay ka na" at mga picture ng binalot ng packing tape na may kartong sinulatan ng "Pusher Wag Tularan," pamilyaridad ang naramdaman ko. Parang nasa Kabute Street ulit ako. Kumbaga, narinig ko na yan, napanood ko na yan. Pero bakit ako nababagabag?

 

Simple lang ang mga patakaran sa amin noon. Bawal ang tanga. Ang pikon at iyakin ay laging talunan. Kapag minura ka, murahin mo rin. Kapag ininsulto ka, balikan mo ng mas malupit na insulto. Kapag nasa tama ka, ipaglaban mo. Pero may isang patakaran na nangingibabaw sa lahat ng ito: Kung sino ang malakas, siya ang panalo. Walang dadating na FPJ o Jet Li para ipagtanggol ka. Kahit gano ka katalino o kahit gano katibay ang dibdib mo; kahit gano ka kahusay magmura o mang-insulto; kahit ikaw ang nasa tama, pag natapat ka sa mas malakas sa iyo, talo ka. 

 

Isang araw habang naglalaro kami ng holen nina Allan at Nonong, dumating si Nonoy, anak ni Junjun. Sa tuwing hihinto sa paggulong ang mga holen namin, sisipain ito ni Nonoy. Sa una at ikalawang beses, sinigawan namin siya. "Gago amputa!" sabi ni Allan. "Put***ina kang bata ka a!" sabi ko. Pagdating ng ikatlo, hindi na ako nakapagpigil. Binatukan ko siya. Umiyak nang pagkalakas-lakas si Nonoy. Dumating ang tatay niyang si Junjun. "Sinong nagpaiyak sa anak ko ha?" tanong niya sa amin. Tinuro ako ni Nonoy. Sinipa ako ni Junjun sa binti. "Ang tapang mo ha. Gusto mo saksakin kita ng icepick ha?" Pinigil ko ang luha ko. Tiningnan ko siya sa mata. Sasabihin ko sanang mamatay na siya pero tinulak niya ako sa pader ng bahay nina Bruce. Hindi ko alam kung saan ako mas nagalit at nasaktan: Sa pagkauntog ba ng ulo ko sa pader o sa ngiti ni Nonoy habang sinisigawan ako ng tatay niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Galit na galit ang tatay ko nang malaman niya. Pero wala siyang magawa kundi magmura sa eskinita. Hindi niya puwedeng lusubin si Junjun kasi wala siyang resbak; si Junjun naman ay may apat na kapatid na lalaking kilala sa Kabute Street bilang mga siga. Sa mga sumunod na linggo, puro parinig ang ginawa ng tatay ko sa tuwing malalasing siya. Nang mapikon ang magkakapatid, pinagbabato nila ng adobe ang pintuan at bintana namin. Hinamon nilang lumabas ang tatay ko. Habang naghahasa ng itak si erpats, dumaan ako sa likod ng bahay namin at tumawag ng pulis. Mabuti na lang at nakabalik ako bago tuluyang hindi nakapagpigil ang tatay ko. Inaresto ng mga pulis si Albert, ang pinakamatanda sa magkakapatid na Nepomuceno. Hindi ko alam kung bakit di nila isinama ang mga kapatid niya. Kinabukasan, dahil wala namang isinampang kaso ang tatay ko, nakalaya din si Albert.

 

Doon naging malinaw sa akin ang dalawang bagay. Una, hindi pala entertaining ang mga eksena sa Kabute Street kapag ikaw mismo at ang tatay mo ang kasali. Pangalawa, dapat na kaming umalis sa Kabute Street.

 

Matutupad naman yung ikalawa, pero hindi lang pala kami ang aalis. Di magtatagal ay dadating ang mga taga-City Engineer's Office ng Makati. Danger Zone daw ang lugar namin kaya dapat nang umalis lahat ng residente ng Kabute Street. Meron daw relocation pero walang tubig, walang kuryente, at walang malapit na lugar ng trabaho. Siyempre hindi payag ang mga residente. Matapos ang pagtatanung-tanong, may nahanap na abogado ang homeowner's association. Sabi ng abogado, kaya raw kami pinapaalis kasi may mall na itatayo sa lugar namin. May mga ipinasa siyang papeles sa munisipyo pero walang nangyari. Pagkaraan kasing ilang linggo ay na-stroke ang abogado dahil sa madalas na pakikipag-inuman sa mga taga sa amin. Naghandang pumalag sina Junjun at mga kapatid niya sa araw ng demolition, pero natameme sila nang makita ang armalite ng mga pulis na kasama ng bulldozer.

 

Wala na akong masyadong balita sa mga kapitbahay namin sa Kabute Street. Paminsan-minsan may nagkukuwento na patay na si Mang Melecio, bulag na si Pototo, lima na ang anak ni Rowena, nakakulong na si Joseph, pero hindi na ako nagtatanong ng ibang detalye. Ang importante sa akin, wala na ako at ang pamilya ko sa Kabute Street.

 

Malinaw na sa akin ngayon kung bakit ako nababagabag sa mga nakikita ko sa Facebook feed ko. Natatakot ako. Kasi alam ko na sa isang lugar na kaliwa't kanan ang "Put***ina mo!" at "Mamatay ka na!", entertaining lang ang lahat hangga’t hindi ka pa nadadamay. Natatakot ako kasi alam ko ang patakarang nangingibabaw sa isang mundong ganito. Kung sino ang malakas, siya ang panalo. Walang dadating na FPJ o Jet Li para ipagtanggol ka. Kahit gano ka katalino o kahit gano katibay ang dibdib mo; kahit gano ka kahusay magmura o mang-insulto; kahit ikaw ang nasa tama; pag natapat ka sa mas malakas sa iyo, talo ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Si Yol Jamendang ay guro ng Panitikan at Kulturang Popular sa Pamantasang Ateneo de Manila. Nakatira siya ngayon sa Anonas, na tatlong sakay ang layo sa Barangay West Rembo.

Tell us your #feels!

Win
96
Yum
1
Want!
4
LOL
2
Yuck
3
WTF
106
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!