ILLUSTRATOR War Espejo

Petisyon, petisyon, Mocha Uson, ang saya-saya!

Ano nga ba ang problema sa Facebook page ni Mocha?


 

(SPOT.ph) Sa pagitan ng mga GIF ng mga pusa at iba pang kababalaghan sa Internetz, nakita ko sa Facebook feed ko ’yong petition para hilingin sa FB na ipasara ang Mocha Uson blog. Hindi ako pumirma—not out of any strong belief, at that point, pero dahil mobile ako noon at walang pasensyang maghintay mag-load ng palipat-lipat na page. At nag-aantay ang mga pusa sa feed ko. At siguro na rin dahil, bagaman duda ako sa bisa ng ganitong mga petisyon, mahalaga sa aking pag-isipan nang masinsin kung ikakabit ko ang pangalan ko sa isang bagay, kahit pa ba in essence e sulat sa tubig lang naman ’yon.

 

Nakatulong din na, nitong mga nakaraang araw, kabi-kabila ang mga status update ng kinapipitaganang mga tropa tungkol sa isyu. Marami (hindi lahat) sa mga nagsalita, parang ganito ang sentimyento: Censorship ’yon. Bad ’yon. Kahit pa ba nagkakalat ng lagim at kasinungalingan at quota na sa contribution to the dumbing down of humanity itong blog na tinutukoy, hindi dapat sikilin ang karapatan ng kahit sinong magsalita. Kahit ano pa ba ang sinasabi niya. Human right ’yon e.

 

Hindi mahirap sang-ayunan ang sentimyentong ’yan. Sa mundong ine-encourage tayong mag-express ng sarili, ng komentaryo at pagshe-share ng insight tungkol sa mga bagay-bagay, di ba mas okey na lang na hayaang magtalaban ang mga ideya at pahayag—matira’ng matibay? May magpa-tattoo ng pentagram sa noo at ng dalangin kay Satanas sa likod niya at saka i-post sa Instagram? Balat mo ’yan, ’tol. Sige lang. May estudyante sa all-girls Catholic school na magbalandra ng bikini pic niya sa Facebook? Go lang.

 

Pero, dala na rin nga nitong isyu na ito, napapaisip rin ako. Ano ba talaga ang censorship? Ano ang hanggan ng mga depinisyon natin nito? Kung ako ’yong tatay nu’ng dalagang nagbalandra ng bikini pic sa FB, babawalan ko siya, e. More for her own safety than anything else; better safe than sorry, gawa ng mga naglipanang predator sa Internetz. Sa application ng pressure na ito para hindi niya maipahayag ang anumang gusto niya, sinikil ko ba ang karapatan ng anak ko? I guess, masasabing oo. Pero ito bang ganitong klaseng censorship, puwedeng tanggapin bilang risonable para sa isang pamilya, para sa relasyon ng ama sa anak, at kung i-eexpand ang kaisipan, para sa isang functioning society? Parang risonable naman, ’no?

 

Iniisip ko pa ang ilang halimbawa sa ibang konteksto. Sa ibang bansa, hypothetically, for example, paano kung may magturok ng Nazi flag sa bakuran niya? Mabigat ang amats niyan para sa maraming tao. Pero I guess, para sa kanila, kalayaan ’yong pagpapahayag na ’yon, na sagrado. Kung di mo trip, ikaw ang maglayo ng paningin. Kung magtanong ang anak mo kung ano ’yon, bigyan mo ng history book, ipa-Google mo, turuan mo siya ng mabuting asal. Hindi ako sigurado kung labag sa batas ang pagtuturok ng Nazi flag sa bakuran, pero maaasahan mo siguro na sa neighborhood ninyo e may magpepetisyong ipababa ’yun, o worse, paalisin ka sa komunidad. Dahil nagpapakalat ka ng hatred at bigotry at wala kang lugar sa sibilisadong lipunan. Itong social pressure na ito—censorship din ito, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Speaking of social pressure (at ano pa nga ba ang petisyong kumalat kundi anyo ng social pressure,) isipin natin ang halimbawang ito: Umaasenso ka nang kaunti sa buhay, nagkakaroon ng pitsa pambili ng bagong scooter, o may nagdeliver ng washing machine sa bahay mo. Itong kapitbahay mong tsismosa, ipinagkalat sa barangay na drug pusher ka, kahit pa ba araw-araw mong tinitiis ang inhuman hours ng overtime at ang spoiled brat na boss para lang makapagpundar ng scooter o washing machine. Lekat na ’yan, delikado ’yan, lalo sa panahon ngayon.  Kapag sinugod mo si tsismosa at pinagbawalan: Di ba, effectively, arguably, in a sense na relevant sa usapan natin ngayon, censorship ’yon?

 

O di kaya (nangyari na ito): Paano kung magpost ka ng isang attempt at sober and level-headed discussion tungkol sa isang bagay, at kinuyog ka sa comments section, pinuno ang inbox mo ng mga rape threat at death threat? Okey lang ba ’yun—dahil karapatan nilang sambitin ang mga salitang “Alam ko kung saan ka nakatira, humanda ka na?” Censorship din ang pagpigil dito e.

 

At kung sasabihin ninyong, “iba naman ’yun,” teka—how is this much worse than spreading lies about issues of national interest, tulad ng ginagawa ng Mocha Uson blog? Sino ang magse-set ng, “ito, censorship, ito hindi?” Dahil ba may threat ng bodily harm? Ilan na ang kinuyog at dineath- at rape-threat sa mga comments thread ng blog na ’yon? At di ba ito ring kawalan ng civility at regard for the truth e isang clear and present danger sa bansa natin? Paano kung nakaka-harm na nga sa national psyche, nakakaapekto sa pagtingin sa atin ng ibang bansa, nakakaturn-off sa investors, nakakabawas ng trabahong malilikha, nakakapagpatagal ng panahong wala kang mapagkakitaan kahit na kailangang kailangang kailangan mo na ng breds pambili ng gamot ng nanay mo? Walang hard limits sa usaping ito; mostly fluid ’yan at subject sa kani-kaniya nating pagka-suheto at konteksto.

 

Speaking of hard limits: Pag nakapila ka sa airport at sumigaw ka ng “may bomba!” at wala naman pala, asahan mo na ang posas sa braso mo. Hindi ako abugado, pero medyo sigurado ako na kapag nasa witness stand ka, bawal kang magsinungaling. Again, sabihin nang extreme, sabihin nang marahil nagpapakapilosopo, pero I would contend na ang lahat ng halimbawang nabanggit ko e nakapuwesto sa isang spectrum ng mga maituturing nating censorship. Samakatuwid: Hindi laging porke’t gusto mong sabihin, puwede na; may mga pagkakataong may karampatang consequences ang lalabas sa bibig mo o isusulat mo, perhaps justifiably so.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Kung gayon—kung hindi naman din pala risonableng asahan ang isang blanket say-anything-you-want-without-consequences na pilosopiya sa isang lipunang inaasahan din nating mag-function nang maayos—saan natin ilulugar ang Mocha Uson blog sa spectrum na ito? Para sa mga taong may natitira pang objectiveness at kakayahang mag-Google, hindi kalabisang sabihin, gaya nga ng sabi ko kanina, na nagkakalat ng lagim at kasinungalingan at quota na sa contribution to the dumbing down of humanity ang blog na ito. May layunin siyang isulong ang agenda ng mga nasa poder, at sinusubok niyang ipatupad ang layuning ito nang walang pakundangan sa kung ano ang makatotohanan.

 

Sa halip na maghanap ng commonalities sa publiko (di ba napakadali naman sanang mag-blast ng mga infographic at weather bulletin at donation drives nu’ng Bagyong Lawin, na iangat ang morale ng mga nasa Norte sa simpleng, “tama na muna ang away, we are with you, Norte!,”) curated at strategized ang content ng Mocha Uson blog para pasidhiin ang mga polarities: Tayo laban sa kanila, dilawan laban sa sagisag ng kamao, ang sinasabing disente laban sa mga sinasabing lumaki sa hirap o sa probinsya kaya gets ang pagmumura o pambabastos ng babae o rape jokes, “kayo na ang matalino” laban sa “kaming nakakaramdam ng tunay na kalagayan ng lipunan,” etc., etc. Sa pagbuo ng gayong polarities, gumuguho ang demokrasya; sa pagkukumpol natin ng mga kapwa at sarili sa isang panig, binabakbak natin ang kakayahang mag-isip ng publiko bilang indibiduwal, hinuhubad natin ang konteksto ng bawat-tao, lumalabnaw ang pampublikong diskurso, nauuwi ang pagninilay sa pakikisunod sa uso.

 

Sa madali’t sabi: Taliwas sa interes ng isang moderno, progresibo, at malusog na demokrasya ang agenda ng Mocha Uson blog. In a perfect world nga, siguro matatauhan siya at magbabagong-buhay; magigising isang umaga at maninindigang magpapalaganap ng totoo at makabuluhang impormasyon. E hindi e. Kaya: Ano ba’ng dapat gawin diyan sa Mocha Uson blog na ’yan? I mean, bukod sa huwag paniwalaan. Okey nga ba na ipasara siya? Sa interes ng pambansang katinuan? Parang oo, e, ’no?

 

That said: Hindi pa rin ako pumirma sa petisyon. At wala akong balak.

 

Hindi ako sadyang nagpapakalabo, ha. Naisip ko lang: I-game-out natin ang scenario. Ano nga ba ang maaaring mangyari kung pipirma ako sa petisyon na ’yun, at kung surprisingly e magkabisa ito?

 

Meron bang nasa matinong pag-iisip na umaasang “go quietly into the good night” lang ang magiging diskarte ni Ate? Kung maipasara ang blog, ano’ng pumipigil sa kanyang magbukas ng bago—at maging mas maanghang, mas rabid, mas lalo pang mawalan ng pakundangan sa katotohanan sa magiging bagong inkarnasyon niya? Sakaling maglaho nga siya, sa tingin ba talaga natin e magkukulang ang mga tulad niyang bubuo (o nakabuo na nga) ng malawak at agresibong following, at magpapatuloy sa pagpapalaganap ng kasinungalingan at katangahan at ng dumbing down of humanity?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Handa ba talaga tayong ibigay sa kanya ’yong alas na masabing, “kita n’yo! ’Yong mga matatalino, ’yong mga disente kuno, sinisiil ang karapatan nating magsalita?” Malamang sa alamang, kung ipipilit natin ang pagbusal sa Mocha Uson blog, lalo lang sisidhi ang nabanggit kong polarization ng publiko. At pag nangyari ’yon, saan tayo pupulutin? Scary ’yan ’tol. PM mo na lang ako kung curious ka sa mga scenariong ikinatatakot ko.

 

So, ano ang gagawin natin? Hindi pa buong-buo ang sagot ko dito; iniisip ko pa. Pero tiyak ko, hindi ito madadaan sa petisyon; mahabang proseso ito.

 

Siguro magandang magsimula sa pagbabalik ng kredibilidad sa mga media institutions na maagang tinarget ni Mocha upang ma-buttress ang sarili niyang kredibilidad. Let’s face it: Totoo namang may sakit ang media. Hindi ko nilalahat—may mga tao at institusyon pa rin akong pinaniniwalaan, marami—pero magbukas ka lang ng radyo sa umaga, magegets mo na ang sinasabi ko. Hindi mahirap maulinigan ang mga agenda na dagdag pa—o marahil, sa ibabaw pa—ng paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan: Personal, pinansyal, oligarkiko gaya ng iginigiit ng Pangulo at ni Mocha, politikal.

 

Siguro panahon pa para pagtrabahuhin ng malalaking media institutions ang sarili nilang mga ombudsman para imbestigahan ang mga alegasyon ng corruption sa hanay ng mga reporter at komentarista. Kung makita nating may pananagutan ang media institutions, na nagse-self-regulate sila, na interes ng publiko, palagi at walang duda, ang utos mula sa itaas, baka magkaroon ng mas mabisang counterpoint itong blog ni Mocha.

 

Naging advocate din ako recently ng pagpapasok ng media literacy sa curriculum ng mga paaralan. Gets ko kung bakit may kontra. Pero hindi naman kailangang buong subject ang ilaan para dito; masiguro lang na may ilang lesson sa textbook, nang maidiin, sa formative years pa lang, ang kahalagahan ng mapanuring pagbabasa sa iba’t ibang anyo ng media. Siguro rin panahon na para pag-usapan nang mas malawakan, at hindi itong small pockets of discussion lang sa mga de-aircon na forum o sa sari-sariling mga FB thread, ang ethics sa larangan ng social media. Siguro panahon na para i-articulate ito, at magbuo ng isang consensus in a sober, non-aggressive manner na kayang suportahan ng nakararami, nasaan mang panig sila ng namumuong polarity.

 

Isa pa: Hindi ba kayo nagtataka na lahat ng broadsheet natin—supposedly, sila ring mga maaasahang mag-adhere to higher journalistic standards—e nasa Ingles? At kadalasan, ang mga komentaryong nasusulat dito, at ineecho ng mga bumabasa nito, ay para bang hindi makatagos-tagos sa psyche ng mga non-troll followers ng Mocha Uson blog? May dahilan kung bakit nagkaroon ng ibang kahulugan ang salitang “nosebleed” sa kontekstong Pilipino. Alam kong maraming kayang magsulat sa bernakular pero pinipiling mag-Ingles, siguro dahil sa calcified belief na sa Ingles lang puwedeng magbigay ng nuance, ng konteksto, ng lalim. Kaya naman sa Filipino, di ba? At hindi naman bawal mag-Taglish paminsan-minsan kung kailangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Malamang, maraming mas matalino sa akin na may sariling mga ideya, na puwedeng magdagdag ng kaalaman o kumontra o anuman. Balang-araw, hopefully soon, mapapag-usapan ang mga bagay na ito sa paraan at sa volume na mas may talab sa mundong ginagalawan natin. Hopefully.

 

So, ayun. Madaling pumirma na petisyon; slightly more difficult ang magsulat ng Facebook status tungkol sa kung bakit ayaw mong pumirma sa petisyon; at slightly more difficult lang din doon ang magsulat ng 2000-worder tungkol sa kung bakit kahit pa ba nagkakalat ng lagim at kasinungalingan at quota na sa contribution to the dumbing down of humanity itong blog ni Mocha Uson, e hindi strategic para sa ikalulusog ng demokrasya natin ang sapilitang pagpapasara nito.

 

Ang totoong mahirap? ’Yong araw-araw na pagbabantay sa salita natin (guilty rin ako sa paglabag dito, madalas,) sa salita ng kapwa, sa mga institusyon at sa social norms na tila tinatalo sa karera ng ebolusyon ng teknolohiya at media. Nakakapagod, ’tol, ’no? Pero nasaang panig ka man, pumirma ka man sa petisyon o hindi dahil sa anumang mga kadahilanan, siguro naman agree ka: Wala naman tayong aasahang gumawa nito, kundi tayong mga Pilipino rin.

 

***

 

Pangunahing tungkulin ngayon ni Mikael de Lara Co ang mag-alaga ng dalawang pusa; yong isa, puti, yong isa, mataba. As of this writing, limang araw na siyang hindi umiinom.

Tell us your #feels!

Win
65
Yum
1
LOL
5
Yuck
7
WTF
5
83
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!