SONA: Ang Bansa Ay Tila Isang Relihiyon

Mula sa unang SONA hanggang sa mga pagbabago nito makalipas ang ilang taon.

ILLUSTRATION Jico Joson

Tuloy ang SONA… pero bakit sa panahon ng pandemya?

Kasi ang State of the Nation Address (o SONA) ay itinatadhana ng ating Saligang Batas na bigkasin ng pangulo bilang itinalaga ng bayan sa mga naghalal sa kanya, ang taumbayan, na kinakatawan naman ng mga kongresista at senador.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
CONTINUE READING BELOW
Recommended Videos

Ngunit inaasahan ang ilang pagbabago. Bagama’t nauna nang sinabi na gagawin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang talumpati sa Palasyo ng Malacañan at ipapalabas na lamang [na] live sa Batasang Pambansa, binawi naman nila ito at sinabing ang pangulo ay tutungo sa bulwagan kaya naman kabi-kabila ang testing na ginagawa ngayon sa kamara para sa COVID-19 at nang masigurado na hindi magkakaroon ng hawahan. 

Gayundin, binawi ang unang pagpayag sa pagkakaroon ng protesta at tuluyan nang ipinagbawal ito. Pinayagan man ang protesta sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, mawawala kaya ang kontra-SONA sa Commonwealth Avenue ngayon taon? 

Bagama’t pihadong isang social distancing SONA ang ating masasasaksihan, abangan natin kung magiging fiesta at fashion show muli ito sa mga papayagang makadalo, baka ito ang SONA na pati ang face mask ay lalagyan ng fashion statement

Ang sigurado, ang taon na ito ay mamarka sa kasaysayan bilang isa sa mga makasaysayang SONA sa bansa. Isang pagpapatuloy ng pag-inog ng kasaysayan na sinimulang isulat at iwasto nina Undersecretary Manolo Quezon at ng kanyang mga kasama sa Presidential Communications noong administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino gamit ang mga historikal na batis at mababasa sa aklat na Official Calendar of the Republic

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinag-angkupan ng SONA

Ang terminong “State of the Nation” ay pag-angkop sa ulat na “The State of the Union” na binibigkas ng Pangulo ng Estados Unidos ng Amerika sa kanyang kongreso. Ginagawa rin ito sa Europa, halimbawa sa Gran Britanya, kung saan ang sovereign ng bansa, ang Hari o ang Reyna, ay magbibigay ng talumpati sa parliyamento na kinatha ng Primer Ministro upang buksan ang sesyon nito at nagtataglay ito ng mga prayoridad na mga isasabatas sa taong iyon.

Ang unang nag-SONA:  Ang mga ulat sa bayan ng Pangulong Manuel Quezon

Sa 1935 nasasaad na isa sa tungkulin ng Pangulo ng Pilipinas “from time to time” ay ang pagbibigay ng ulat ukol sa “State of the Nation,” at una itong isinakatuparan ni Pangulong Manuel Quezon noong November 25, 1935 sa harapan ng Pambansang Asembleya. Nakasaad din ito sa ating kasalukuyang saligang batas, ang 1987 Constitution.

Kung gayon, mayroon na ngang SONA noon pang dekada 1930s. Ngunit isinulat ko sa isa sa aking mga lathalain na isinagawa pa rin ni Quezon ang mas direktang ulat sa bayan sa kanyang talumpati tuwing anibersaryo ng pagpapasinaya ng Komonwelt, Nobyembre 15 mula 1936 hanggang 1941. Sa pamamagitan ng mga lumang pahayagan aking naipakita kung paanong hinihintay ng bayan ang mga talumpating ito sa paligid ng kanilang mga radyo o sa mga plaza at kung paanong ang mga ito ay sumasalamin sa magandang pakiramdam o optimismo ng kanyang mga unang taon na napalitan ng pagtanggap sa reyalidad ng hirap na mamuno, hanggang sa takot na nadama sa papalapit na digmaan. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang SONA na hindi naganap sa Kongreso: Pangulong Quirino, sa ospital

Tanging si Pangulong Elipidio Quirino lamang ang nag-SONA na wala sa kongreso. Noong January 23, 1950, ang maysakit na Quirino ay iniradyo na lamang ang kanyang SONA sa kongreso mula sa John Hopkins Hospital sa Baltimore.

Kung nagkaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa Kongreso sa taong ito, si Pangulong Duterte na sana ang magiging pangalawang pangulo na hindi magso-SONA sa Kongreso.

Pinakamarami at pinakamahabang mag-SONA: Pangulong Ferdinand Marcos

Si Pangulong Ferdinand Marcos, liban sa may hawak na record na pinakamaraming SONA na naibigay—20, ang nagbigay rin ng pinakamahabang SONA noong 1969, na may 30,427 words at inilathala bilang isang libro: New Filipinism:  The Turning Point, na may salin pa sa Filipino, Bagong Pilipinismo:  Landas Tungo sa Kaunlaran.

Ang SONA at ang Kontra-SONA 

Noong January 26, 1970, nagkaroon ang malaking rally ang mga kabataan sa harapan mismo ng Kongreso at matapos na magtalumpati ang Pangulong Marcos, pinaulanan siya ng bato. At dito nagkaroon tayo ng dalawang SONA, ang SONA ng pangulo at ang tinatawag na “SONA ng Bayan” na nagpapakita ng dalawang mukha ng bayan, ang mga tagumpay at kabiguan ng pamahalaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong gulo sa SONA noong 1970 na mas kilala ngayon bilang Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter Storm, mayroong ginamit sa protesta na kabaong na kumakatawan sa kamatayan ng demokrasya. Tila si Pangulong Marcos ay itinuturing na bagong Hitler, na may tendensiyang diktatoryal, dalawang taon bago niya iproklama ang Batas Militar. Mayroon ding Papier-mâché na buwaya na may nakasulat na “FM” at simbolo ng dolyar. May hawak din itong pera.  Mula noon, nag-evolve na ang mga tinatawag na effigy ng pangulo na sinusunog sa kada SONA.

Ang kilos protesta na ito ay inilalayo ng inilalayo sa venue ng SONA sa paglipas ng panahon. Noong 1970, ang mga demonstrador ay nasa harapan na mismo ng gusali ng kongreso, ilang dipa mula sa kotse ng pangulo. Noong unang taon ng Pangulong Gloria Arroyo, na nagso-SONA mula sa Batasang Pambansa, ang protesta ay umaabot pa sa Sandiganbayan. Subalit inilayo ito hanggang sa Simbahan ng St. Peter sa Commonwealth Avenue at sa mga nakaraan taon hanggang Ever Gotesco Commonwealth na ito. Anuman, gaano man ito ilayo sa Batasan, dahil sa modernong teknolohiya, tila nagiging mas malapit ang SONA.  Sa telebisyon, habang nagsasalita ang pangulo sa Batasan, nasa tabi nito ang inset ng nagbabagang SONA ng Bayan kung saan siya ay sinusunog ng mga militante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong SONA ng 1971, nagbabala ang Pangulong Marcos, “So I come to speak of a society that is sick, so sick that it must either be cured and cured now or buried in a deluge of reforms.” Tila nagbabala na siya 1971 pa lamang na kung hindi magagamot ang sakit ng lipunan ay ililibing niya ang lipunan sa isang delubyo ng reporma—Bagong Lipunan?

At gamit ang kadahilanan ng mga kaguluhan ng protesta liban sa iba pang mga dahilan, ipinroklama ni Pangulong Marcos ang Martial Law noong 1972.  Natigil ang SONA sa Kongreso at napalitan ito ng Ulat sa Bayan tuwing Thanksgiving Day o Anibersaryo ng Martial Law, September 21 hanggang ibalik niya muli ang praktis ng SONA noong 1978 at mula noon sa Batasang Pambansa na ito ginawa.

Ang SONA ay isang piyesta

Noon, isa lamang simpleng talumpati ang SONA na pinakikinggan sa radyo ng mga mamamayan sa isang wikang banyaga. Mahahaba ang mga SONA ng Pangulong Marcos sapagkat kailangan niyang isa-isahin sa mga nakikinig ang bawat numero ng natamo ng kanyang administrasyon. Tapos naipakilala ang telebisyon, at kinailangan maging mas presentable sa pamamagitan ng infographics ang presentasyon. Mula sa mga VTR, human props (tulad ng Bangkang papel kids), Power Point presentations, ngayon, isa nang malaking produksyon ang SONA, kapana-panabik at madrama. Ang huling SONA ni Pangulong Noynoy Aquino ay tumagal nang dalawang oras at 13 minuto na pinakamahaba sa mga nagdaang taon sa dami ng mga bidyo na ipinalabas.  At bakit hindi, ito ang tanging talumpati ng pangulo na pinakaaabangan at pinakikinggan ng buong mamayan!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At dahil sa media attention na ibinibigay sa SONA, pinagkakagastusan ng mga kongresista ang SONA. Nagsimula na silang magsuot ng mga mamahaling mga trahe na tila tutungo sa isang fashion show o dancing ball. Gayundin, ginagamit ito ng iba’t ibang kongresista upang ipakita ang kanilang mga adbokasiya sa kanilang mga kasuotan.

Ang isang simpleng tungkulin ng presidente ay naging isang malaking piyesta.  Ang tanong, kaninong pera ang ginagasta?

Ang SONA sa wika ng bayan

Mahalaga ang unang SONA ng Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 sapagkat ito ang unang SONA na ibinahagi halos sa Wikang Pambansa. Sa wakas, may nakaisip na dapat nakikipag-usap ang pangulo hindi lamang sa iilang mga kongresista at mga diplomatiko kundi sa buong bayan. Siya rin ang unang nag-SONA na may kasabay na pagsasalin na ginagawa sa wikang Ingles para sa mga diplomat. Lahat ng anim na SONA ni Pangulong Aquino ay nasa Wikang Filipino. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bumalik naman sa Ingles ang pangunahing SONA ni Pangulong Duterte noong 2016.

Nasabi ng aking ina na si Vilma Briones Chua, ang sarap palang pakinggan ng SONA kapag naiintindihan mo. 

Tulad ni Pangulong Joseph Estrada na sa magkahalong Ingles at Filipino nagso-SONA, gayundin ang Pangulong Duterte.

Ang makasaysayang pagbabago sa mga SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte

May mga pangulo na sa kanilang pagkaupo, nagpapakitang-gilas pa na sila ay nakikinig sa kontra-SONA, bahagi marahil ng honeymoon period. Noong unang SONA ni Pangulong Estrada noong 1998, pinapasok nila ang ilang kinatawan ng mga rallyista upang mag-abot mismo ng mga hinaing sa pangulo sa harap mismo ng gusali ng Batasang Pambansa.

Tila ginawa rin ito ni Pangulong Duterte sa kanyang unang SONA noong 2016.  Una, hindi lamang niya pinayagan ang mga rallyista na umabot sa gate ng Batasang Pambansa, lumabas pa siya noon at pinuntahan ang mga rallyista at nagsalita at hinarap sila sa kanilang entablado. Noong panahon na iyon ay sinuportahan ng ilang mga progresibong grupo ang kandidatura ni Duterte dahil ito ay nais magsulong ng usaping pangkapayapaan. Subalit kalaunan ay napunta rin sa hindi pagkakaunawaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung noong dati ay ang mga batikang direktor ng government station ang namumuno sa coverage ng SONA, tulad ng alamat na si Direk Ed Finlan, kay Pangulong Duterte ay mga sikat naman na direktor sa pelikula ang kanilang kinuha. Sa kanyang unang taon ay si Cannes-winning director Brillante Mendoza ang namahala, na sinundan naman ng blockbuster director na si Bb. Joyce Bernal. Maging ang mga paglalakad ng pangulo papasok ng bulwagan ay may drama sa saliw ng awitin ni Freddie Aguilar. Nagsimula na ring maglagay ng mga katutubong mga disenyo sa mismong likuran ng dais ng pangulo. Bagama’t noong una hindi hinihinkayat ang pagkakaroon ng magarbong mga kasuotan, hindi rin ito napigilan.

Ang saysay ng SONA

Ayon sa Polakong historyador na si Krzysztof Gawlikowski, ang bansa ay parang isang relihiyon din, kailangan nito ng mga rituwal na nagpapaalala sa atin na nasa iisang bangka tayo, na isang bansa tayo anuman ang mangyari sa atin.  Sa ganang akin, ang SONA ang okasyon na kung saan ang pangulo, bilang punong saserdote ng bansa, ay magsasalita. Ang lahat, magkakalaban man at magkakakampi, nagiging isa sa pakikinig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang panalangin ng taumbayan, sana ang mga pangako ng SONA ay hindi mananatiling SANA. 

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Kasaysayan sa Pamantasang De La Salle Maynila at senior lecturer ng Broadcast Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. 

[Editor's Note: This is a revised, updated version of an essay that was published on GMA News Online on May 20, 2015.]

Hot Stories You Might Have Missed

Tell us your #feels!

1
1
Total votes
View more stories tagged

Read more stories about

Latest Stories

Load More Stories