"Patay" ang Diyos: Ilang Repleksiyon para sa Semana Santa

SPOT.ph blogger Lourd de Veyra reflects on the holy days


 

(SPOT.ph) Napaka-poetic ng ideya: "patay" ang Diyos. Kaya dapat nagluluksa rin ang Channel 7, 13, at 9. Hindi ka rin puwedeng maglaro sa labas. Walang "Diyos" para magbantay. Baka mapaano ka. Kung magalos ang tuhod, baka hindi na gumaling, habambuhay. Biglang papasok sa isip mo ang duguang bangkay ni Kristo.

 

Hindi pa ito ang "God is dead" ni Nietzsche. Medyo mas katutubo pa at tila literal pa ang intindi-sila rin siguro yung nakakakita ng mga mukha ni Kristo sa mga puno ng saging at sa loob ng siopao. Sa Pilipinas, noong mga panahong wala pang cable TV at Internet, talagang Holy Week na Holy Week ang pakiramdam. Alam ito ng mga taong lumaki na sa isang taunang tradisyon: sa isang linggo sa Abril ay Ten Commandments, Ben Hur, at Jesus of Nazareth lang ang napapanood-isama mo pa diyan ang mga madramang Lenten specials ng Eat Bulaga. Damang-dama ang pagtigil ng mundo. "Patay" talaga ang lahat. Garalgal lang ng static ang gigising sa iyo sa loob ng ilang araw. Sing-init ng hiningang nilalagnat ang hangin. Hapon na hapon nasa bahay ang dalawang magulang. Amoy kandila ang buong bahay. Kaya laking tuwa mo na lang kahit mga Chinese cooking shows na ang bumungad sa umaga ng Linggo ng Pagkabuhay.

 

Pero sa lipunang ginagalawan natin ngayon, bawal na yata ang dead air-ang ganap na tahimikan, ang paglasap sa kapangyarihan at karahasan ng kawalan.

 

***

 

Ang kulturang Filipino ay may horror vacui-fear of blank spaces. Repleksyon nito ang ating kapaligiran, mula sa komersiyo hanggang sa sining at popular na kultura. Walang bahagi ng canvas ang hindi puno ng kulay at imahen. Nababagabag tayo kapag kulang ng dalawang kabayo ang hood ng jeep at walang slogan na nakasulat sa mudguard. Lahat na fastfood at ukay-ukay shop na nagbubukas kailangan may malaking speaker sa labas, bumubuga ng "Gentleman" ni Psy habang kumakaway-kaway ang mga neon yellow na lobo. Lahat ng variety show dapat parang sinisigawan ka ng mga hosts.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Ayaw natin ng tahimik. Mortal na kasalanan ang dead air.

 

May mga taong hindi relihiyoso pero ispiritwal. Malaki ang kaibahan ng dalawang bagay na ’yan. Rosaryo, panata, simba, kumpisal-mga element ’yan ng relihiyon. Art, silence, contemplation-’yan ang mga posibleng eskinita patungo sa teritoryo ng espiritu. Ang relihiyon ay simbahan: kumplikado, may malakas na boses na nagmumula sa itaas, maraming ritwales, maraming batas, at sandamakmak ang distractions (lalo na pag nasa mall).

 

’Yung isa naman, monasteryo.

 

***

 

Ganun din sa isa sa mga pinakamahalagang panahon sa Kristiyanismo, ang Semana Santa. Hindi puwedeng tahimik at taimtim na meditasyon. Kailangan pang kumuha ng mikropono para kantahin ang pasyon. At para mas magka-interes ang bata, gawin pang rap.

 

***

 

In the same vein, iba rin ang tunay na katahimikan. Nakahiga ka nga, pero hindi ka makatulog dahil gusto mong magpost ng status sa Facebook na hindi ka makatulog.

 

Kaya kailangang pumasok pa, paloob. Lahat ng ginagawa natin ngayon tila nakaprograma bilang palabas, artipisyal. Hindi ako magugulat kung darating ang araw na magluluto tayo ng ulam at namimili na lang tayo ng damit ayon sa kung ano ang magiging rehistro nito sa Instagram gamit ang #OOTD. Sinasabi natin na "I'm writing my thesis right now" sa isang Facebook status at may kaakibat pang Instagram pic bilang patunay. Ano'ng katarantaduhang thesis naman kaya ’yan? Nagra-rally tayo para may ma-post na "selfie" na kala naman natin ay epektibo para sugpuin ang korupsiyon.

 

Ano'ng "Walang basagan ng trip?" Hindi ito pangamba sa magiging "trip" ng susunod na henerasyon. Pangamba ito sa kanilang magiging uri ng pag-iisip. Dahil darating ang araw na nasa kamay  nila ang buhay natin at ng ating mga anak. Sila ang mag-oopera sa atin, sila ang magmamaneho ng bus, magpapalipad ng eroplano, sila ang magluluto ng ating mga pagkain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Tandaan na wala pang maituturing na "great art" ang lumabas mula sa henerasyong lumaki sa Internet at social media. Unless ang pamantayan mo ng dakilang sining ay mga meme ni Mommy Dionisia.

 

 

"The silence before sound."

 

***

 

Lahat tayo'y may kuwarto, o opisina, o workshop at laboratoryo. Marami naman sa ating kuntento na sa WiFi connection at Facebook account. Pero merong tinatawag na "bliss station" ang mythologist na si Joseph Campbell. "You must have a room, or a certain hour or so a day, where you don't know what was in the newspapers that morning, you don't know who your friends are, you don't know what you owe anybody, you don't know what anybody owes to you. This is a place where you can simply experience and bring forth what you are and what you might be."

 

Ano ang "bliss station" mo? Sana nama'y hindi ang pinakamalapit na branch ng Starbucks.

 

***

 

Hindi mo kailangan maniwalang may Diyos. Marami diyan, relihiyoso pero hanggang dasal lang at rosaryo. Bibig at bunganga lang. Sakit lang sa tuhod ang pinaka-pisikal na karanasan ang meron. Hindi tumatagos sa kaibuturan ng kaluluwa.

 

Sa totoo lang, mas malalim ang antas ng moralidad kung nangyayari na walang pangako ng premyo o banta ng dagat-dagatang apoy.

 

***

 

Dahil ultimo ang kaloob-looban natin ay isang maingay na karnabal ng mga "likes," "views," at "comments." Kumbaga, ang iyong mga ligaya, lumbay, at pighati ay nakasalalay pa rin sa pag-click ng ibang tao ng kanilang mouse. Masaya tayo at may feeling ng validation kapag maraming likes, at secretly nalulungkot kapag may tatlo o dalawang hinlalaki lamang. Hindi tuloy natin mapigilang makaramdam ng selos, inggit, galit, inis, at kung ano-ano pang emosyon kapag tumitingin ng litrato ng ibang tao. Hindi natin mapigilang ikumpara ang buhay natin sa kanila. "Bakit siya may boyfriend na? Ako hanggang ngayon pusa at aso lang ang kayakap?" sabay upload ng pic ng take-home na box of cupcakes. Tapos maya-maya magpo-post ka ng postcard o Instagram pic na may inspiring message na "Your happiness does not depend on other people."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

"Monkey mind" ang tawag  ng mga Buddhist dito. Ang atensyon raw ng tao ay punumpuno ng mga lasing na unggoy, maiingay, patalon-talon parito't paroon, sumasabit sa kung anong sanga sa masalimuot na gubat ng makabagong mundo. Kung tutuusin, mahusay na psychologist si Buddha. Ginamit din ng writer na si Natalie Goldberg itong term na ito noong ’90s pa sa Writing Down the Bones-wala pang social media.

 

Paano pa kaya ngayon?

 

At least pipi at bingi ang telebisyon pag hindi na naka-plug. Hindi ganun ang social media. Kapag 'di ka makatulog, tinatawag ka-o akala mo lang na tinatawag ka. Ayon kay Joseph Campbell, matindi ang epekto ng heograpiya sa kultura at relihiyon-lalo na kung paano nabuo ang mga iba't ibang pananampalataya. Ang mga diyos-diyosan sa mga taga-disyerto ay iba sa mga diyos-diyosan ng gubat at kabundukan. Pero heto ang tanong: ano kaya ang magiging anyo ng diyos-diyosan ng isang kulturang nakasalalay sa mga larawan sa computer at sa haba o iksi ng pila ng MRT?

 

***

 

Kaya, ngayong Semana Santa, siguro'y maganda sana na bumalik tayo sa pagiging bata noong 1980s at hayaang "mamatay" muli ang kailangang mamatay, maging mga maling pananampalataya, o kung ano man. Patayin ang TV at Digibox. Patayin ang computer. Patayin ang WiFi router. Patayin ang cell phone.

Tell us your #feels!

Win
19
Yum
3
Want!
2
LOL
2
Yuck
2
WTF
1
29
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!