The Big Sleep

SPOT.ph blogger Lourd de Veyra pays tribute to Pinoy showbiz legend German Moreno

 

(SPOT.ph) Don’t tell me: Kung wala si Kuya Germs ay dapat napuno ang telebisyon ng mga classical violinist, coloratura soprano, ballerina, at mga makathang nagre-recite ng Shakespeare. 

 

Wala akong kakilala na kaedad ko na pag nasa grupo ay tumatawa pag pinag-uusapan ang mga play ni Eugène Ionesco o ang mga atonal piano compositions ni Pierre Boulez. Kahit pa mga theater or music majors sila. Pero pustahan tayo, may isa lang na magbanggit ng Monday o Wednesday Groups ng That’s Entertainment mag-uusap sila ng dalawa hanggang tatlong oras habang humahalakhak, na lalong lumalakas pag binabanggit ang mga pangalang “Michael Locsin” o “Ronnel Victor” o “Jovit Moya.” Mas obscure na pangalan from the original batch, mas nakakatawa at mas humahaba ang usapan. 

 

May mga bagay, pangalan, kanta, at impormasyon na kahit sa sarili mo ay nakakahiyang aminin na alam mo—at bilang isang nakapag-aral, nakapagtapos, at isa nang propesyonal ay nagi-guilty ka pa rin na alam mo. Ang That’s Entertainment ang shared guilty pleasure ng isang henerasyon. Testingin nga natin: “Brylle Mondejar.” “Fatima Alvir.” Kaya mo pa? Sinong Garcia ang nakabuntis kay Jean Garcia? Sinong mga artista ulit ang nag-duet ng “Wrong Heaven?” Anong group si Lilet? 

 

Kung ako ang presidente ng GMA, i-uupload ko ang lahat ng episode ng That’s Entertainment

 

***

 

Ngayon, German Moreno has been reduced to a mere punchline: Walang tulugan. Hindi maiintindihan ng Millennials ang impact ng That’s Entertainment sa henerasyon namin. Ngayon, maraming silang options— kahit itapon pa nila ang TV sa Pasig River. Pero noong ‘80s, wala pang cable. Iilang households lang ang may Betamax o VHS. Kung hindi kayo mayaman at iisa lang ang TV sa bahay, ang panonood ng telebisyon ay pinagmumulan ng away ng pamilya. Malamang, pagdating ng takipsilm ay mas maraming bahay ang pipiliing pihitin ang dial (iilan lang din ang may remote noon) sa direksiyon ng channel 7.

 

Ang tatay ng kaibigan kong si Norman Wilwayco dati ay nangako sa sarili: hinding-hindi siya bibili ng telebisyon hanggang nabubuhay pa si German Moreno. Matagal-tagal rin ang hinintay ni Ginoong Wilwayco (As of this writing, nasa mall na raw siya, nagka-canvass). Hindi na rin siguro maiintindihan ng Millennials kung bakit may taong ganoon na lang ang pagka-badtrip kay Kuya Germs—gayong si German Moreno ay napapanood lang sa TV sa Sabado ng gabi—super-late na Sabado ng gabi, we should say (Ang joke nga: mga nagsha-shabu at mga taga-Hawaii na lang ang nakakanood ng Walang Tulugan). 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Halos naging insignificant presence na sa telebisyon si German Moreno, although walang taga-showbiz na diretsahang magsasabi nito, lalo na yung mga tinulungan niya, his closest fans, at mga katrabaho sa network. 

 

Pero there was a time na si German Moreno ang taong napapanood mo every single day of the week: That’s Entertainment from Monday to Saturday. Pag Sunday naman, sa GMA Supershow habang nanananghalian kayo ng pamilya (Pero lagi na lang pinapalipat ni erpats sa Ating Alamin ni Gerry Geronimo para sa mga modernong paraan ng pagpapakasta ng baboy). Ikaw man ay punk, new waver, thrasher/skater, metalhead, mod, goth, rude boy, B-Boy, o kahit na call boy, sa isang bahagi ng ating kolektibo alaala, andun si German Moreno, nakaputing tuxedo na tadtad ng sequins at namimigay ng gift pack na may Birts Tri at Das Diswasing Peyst. 

 

***

 

To paraphrase Voltaire, if German Moreno did not exist it would be necessary to invent him. 

 

Aanhin mo ang counterculture kung wala kang kinokontra? Paano ka magiging cool kung hindi mo alam kung ano ang baduy? Para sa maraming tao, si Kuya Germs ang front, left, right, center, and epicenter ng kabaduyan

 

Actually, hanggang recently, nung bago siya ma-stroke, kahit madaling araw na pag napanood mo ang suot niyang radioactive orange na suit ay magigising ka talaga—sunugan ng retina. At hindi ako magugulat kung pinaninindigan niya ito. Baduy kung baduy. Ano’ng bahagi ang hindi mo naiintindihan sa mga salitang “entertainment” o “showman?”

 

Pero hindi lang sa mga kasuotan maaaninag ang aesthetics ni German Moreno. Sino ba ang kilala mong nakaisip kumuha sa Bellestar Dancers? Dito pa lang ay makikita mong ito pala ang konsepto niya ng entertainment. Las Vegas. Liberace (kahit hindi naman siya nagpa-piano). Peacock. Maliwanag. Makintab. Makulay. Masaya. Maingay. At higit sa lahat, devoid of irony. Taimtim at masaya sa ginagawa niya. 

 

In short, what German Moreno represented was the entertainment establishment. Totoo ito, for several decades. Isang matanda purporting to understand youth culture kahit anachronistic na ang depinisyon niya ng aliw? Why not? Siguro para kay German Moreno: entertainment is entertainment. Malaking DNA strand ng contemporary showbiz ay mate-trace kay German Moreno. 

 

***

 

Pero past tense na ang lahat. Dahil ang mga kinatawan ng youth establishment noon ay mga gurang na rin ngayon. Habang nagsusulat ay nakatingin ako sa isang litrato ng original lineup ng That’s. Ambabata pa nila noon, pero ngayon ay mga tito roles na lang. Iilan sa kanila ang aktibo pa rin hanggang ngayon, pero kung hindi mga nanay-tatay-tito-tita roles, mga character actors a.k.a goons. Dalawa ang nagladlad na ng kapa at hayagang miyembro ng LGBT. Isa, bading na adik. Yung isa, adik na iniwan na ng pamilya. Dalawa na ang patay. Yung iba, patay lang ang career. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Pero mautak German Moreno the host, producer, and talent manager/star builder—at hanggang ngayon, siya lang ang naka-isip na i-subdivide ang mga talents niya into groups (On average mga 15 names sa isang grupo/araw). Nga naman—iwas-sawa, iwas-umay. Smart move. Naglalagay siya ng poposteng love team kada-Linggo. Itong strategy na ito ay sinusundan padin ng henerasyon ngayon sa pagcacast ng kahit anong pelikula o teleserye.  

 

***

 

Nainterbyu namin si German Moreno three years ago. Malakas pa siya noon. Ang claim niya, “Bago pa ang mga American Idol at mga X-Factor na yan, ang That’s Entertainment ang original na reality show.” Napaisip ako. May mga talent portion nga ang programa na nagbibigay si Mr. Moreno ng mga critique sa pag-arte ng mga alaga niya. At on the spot ay pinapangaralan sila, on a wide range of issues, from punctuality to the nuances of performance. Sinesermonan ang late, ang makulit, at binubuko ang mga nagkaka-developan, etc. Dinidisiplina sa ere kumbaga. Parang tatay  ‘ika nga. 

 

May nagsabi: Kuya Germs daw gave a sense of hope to showbiz wannabes. Baduy ba yun? Siguro, sa mga “snob” na kagaya mo. Pero malamang ay matter of life and death sa mga naghahangad na makita ang pamilya nila na magkaroon ng matinong bahay. Pero mukhang isa yata ito sa mga pinag-ugatan ng nakakainis na cliché: mag-aartista para matulungan ang pamilya. To which may instant sagot ang mga direktor: “Kung gusto mong tulungan ang pamilya mo, hija, tapusin mo na lang ang pag-aaral mo.”

 

Halos parang sunod-sunod ang mga teenage pregnancies sa That’s. May biro noon si Joey de Leon: sa lahat ng mga nahihirapan magka-anak, “huwag na kayong sumayaw sa Obando. Sumali na lang kayo sa That’s Entertainment at siguradong mabubuntis kayo.” Ang kuwento: na-badtrip daw si Kuya Germs kay Joey. 

 

***

 

Sa showbiz, hope springs eternal, or at least may ganoong illusion. Pero ewan ko ang kung napaliwanag ni Kuya Germs sa kanila na ang kasikatan minsan ay nakaguhit sa palad. Merong mga taong mahuhusay kumanta, sumayaw, at umarte at magaganda naman, pero walang nangyayari, kahit anong gawin. Meron namang walang talent at walang interes pero sila pa ang sumisikat. 

 

Pero kung may leksiyon na paulit-ulit na pinapaalala si Kuya Germs, heto yung tema: Wag lalaki ang ulo, ‘wag yayabang, ‘wag makakalimot sa pinanggalingan, lagi dapat nakatapak sa lupa. Pero, mukhang iilan lang ang nakinig sa kanya.  

 

Ngayon, bumabaha ang papuri, ang mga pasasalamat. Pero ang kuwento ng relasyon ni Kuya Germs sa industriya nung last few years ng buhay niya ay sumusunod din sa naratibo ni Dolphy: Na-appreciate lang nung pumanaw na. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Ilang taon din akong naging accidental viewer ng Master Showman, na inaabutan ko pa pagkauwi mula sa gig (Heto yung mga panahon na wala akong cable). Maraming episode na hindi ko mapigilang maawa sa programa: walang A o kahit B-list stars man lang. Unless ang turing mo kay John Nite (Sorry, Dr. John Nite) o Shirley Fuentes ay A-list. Lalo na ang mga bisita—dios na mahabagin—kung hindi yung mga C-listers na wala na talagang career at nagpo-promote na lang ng concert nila sa isang kambingan sa Taytay, ay mukhang mga semifinalist sa mga dance contest sa Barangay Potatan, Muntinlupa at nangutang pa ng pambili ng hair gel. Lahat nangangarap maging next Piolo Pascual (Or, kung pa-machohan lang ang usapan, Jovit Moya). 

 

For some reason, the impression that you get is: parang wala nang Big Star ang gustong mag-guest sa kanya. Kasi naman di ba, sino ba namang ang gustong kumanta o sumayaw ng alas dos ng madaling araw? Parang napaka-desperado mo na kung mag-guest ka pa—kahit na may libreng gift pack ng dishwashing paste, gatas, at DVD. May mga episodes pa nga ng Master Showman na nag-announce: “Our special guest...Martin Nievera!” Sabi ko, “Aba, buti nakuha nila ha.” Yun pala, isang lumang clip ni Martin Nievera na kumakanta sa GMA Supershow...noong ‘80s. 

 

Kaya nga, sa mga napanood ko, ang naging typical hirit ni German Moreno kapag may bisita: “Naku mabuti ka pa, (insert name of guest) hindi ka nakakalimot... Hindi gaya ng iba, na nakatikim ng konting kasikatan..." Alam mong nagpaparinig siya sa mga tinulungan niya dati. Which also begs the question about the network’s priorities: sa dinami-dami ng timeslot, bakit Sabado ng hatinggabi pa ang binigay sa kanya? Minsa nga, natanong ko siya sa isang interbyu three years ago kung bakit may time na sa steps ng network siya nag-programa. “Eh sabi sa akin… wala raw available na studio.” The show must go on. 

 

Sa lahat ng mga showbiz celebrity na tinulungan ni German Moreno na ngayon ay humahagulgol sa camera habang ini-interview, pero kahit minsan ay never nag-guest sa kanyang extreme late night show, kilala niyo kung sino kayo. 

 

Ganito yata sa industriyang ito. Pag namatay ka, sasabihin nilang ikaw ay “Malaking kawalan sa industriya.” Pero pag buhay ka pa, dedma. Dadaan-daanan ka lang ng mga tinulungan mo at nagmakaawa sa iyo dati. Kung may kailangan ka, ipapakausap sa ‘yo ang manager nila. Kilala niyo kung sino kayo.  Sasabihin ko sana: multuhin sana kayo, pero masyadong mabait ang mama. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

At baka kahit mula sa kabilang buhay, naka-bright yellow na tuxedo pa rin si Kuya Germs. 

 

Artwork by Warren Espejo

Tell us your #feels!

Win
477
Yum
2
Want!
2
LOL
14
Yuck
1
WTF
4
500
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!