Lourd de Veyra: Wala Ngang Wang-Wang, Meron Namang...

Our SPOT.PH blogger says, "Sa kalye nakikita ang hindi pagkakapantay-pantay ng lipunan."

 

 

Kahit ’di mo siya binoto, aminin mong medyo na-elibs ka rin kay Noynoy Aquino nung nagdeklara siya: Walang wangwang. Alam mong maraming problema ang Pilipinas: korupsyon, extra-judicial killings, grabeng budget deficit, at kawalan ng host ng Wowowee. Pero patok ang "Walang wangwang." Wala na kasing mas nakakapikon pa, wala nang mas nakakapanginig pa ng laman, kesa sa sa isang Chevrolet Suburban na kala mo may disco sa bubong, na nagagawa pang humarurot sa gitna ng makapal na trapik.

Hindi ko alam kung wais si Noynoy na puntiryahin ang wangwang sa inauguration pa lang. Tingin ko, importante ang elemento ng mitolohiya sa pagka-presidente, at wala nang mas malapit pa sa realidad ng Pinoy kesa sa kalsada. Mahirap ma-imagine ang mga konseptong gaya ng "hustisya," "demokrasya," "pagbabago," etc. Masyadong abstrakto. Kaya nga nakakaisip lang tayo sa pamamagitan ng mga imahe. Sa kalye nakikita ang hindi pagkakapantay-pantay ng lipunan: ang isang batang babaeng may kargang mga bayong ng gulay na tumatawid sa overpass vs. BMW X5 na may matabang batang lalakeng nababato na sa kanyang PSP. Mga taong nagsisiksikan sa bulok na bus vs isang tropa ng mga mamahaling SUV na isa-isang tao lang ang nakasakay. Pulubi at sampaguita vendor na kumakatok sa bintana ng Porsche Cayenne. Ganun. Nabibili ng pera ang convenience at efficiency. Sa mayaman at makapangyarihan, walang red light, walang trapik-trapik, walang coding. Sa mahirap...magtiyaga ka na lang sa moshpit ng MRT. O kung naka-bus ka papuntang Novaliches, diyos ko po, magdasal ka na lang na Steven Seagal sana ang nakasalang na DVD.

Wala ngang wangwang, andami pa ring tarantadong drayber ng bus at trak (sama mo na diyan yung mga jeepney na walang ilaw). Kahit ilang libong batas ang gawin natin, kung hahayaan ng LTO na makakuha ng lisensya ang mga tanga at adik at lalong lalo na yung tanga, eh wala ring mangyayari sa mga daan natin. Bakit natin papayagang magmaneho ng limang toneladang sasakyan ang isang taong 35 lang ang I.Q? Wala na ngang wangwang, babanggain ka naman ng mga bwakanginang trak na walang preno, o kaya mga bus na nagkakarera sa gitna ng Edsa. Warning na dapat sa ’tin ang laman ng mga tabloids nitong nakaraang linggo: mga bus na nahuhulog sa bangin, sa Cebu, sa Cordillera, mga truck ng LPG (!) na nawawalan ng control at humahampas sa mga bahay, na nag-lechon sa isang buong pamilya, kasama ang isang two-year-old na bata. Ang matalinong drayber - na responsable sa buhay ng ilang daang tao - ay hindi magmamaneho ng 120 kph sa isang zigzag road sa kabundukan. Ang matalinong drayber ay hindi hahataw sa kalye kung alam niyang luma na ang 10-wheeler niyang dala. Alam niyang pag sumalpok siya sa concrete barrier, o bumale-balentong sa kanto ng Edsa-Connecticut hanggang Annapolis, eh masakit yun. Masakit na masakit.

Wala ngang wangwang, talamak naman ang mga motor at scooter na parang mas gago pa ata ang mga drayber (karamihan sa mga hayup na ’to, walang lisensya at walang rehistro ang mga sasakyan!). Bakit ba halos karamihan sa kanila, parang burat - kung saan masikip, dun pa gustong sumiksik? Ang hilig sumingit ng mga putangina, biglang na lang ka-cut mula sa blind side mo at ikaw pa ang iilag. Pag nabangga mo, ikaw pa ang may kasalanan (kahit anong sabihin mo kasi, mas malaki pa rin ang kotse mo kesa sa dalawang gulong). Akala yata nila, ililigtas pa rin sila ng helmet nila kung humarurot nang lasing sa Skyway. Wala ngang wangwang, parami naman sila nang parami. Parang mga bubuyog pag nagkumpulan sa pulang stoplight, at walang habas na haharangan ka pag nag-go. Hindi ako magugulot kung matutulad tayo sa Vietnam pagdating ng araw: hari ang dalawang gulong.

Wala ngang wangwang, andami pa rin namang kotseng iskandaloso ang tambutso. Sa totoo lang: ano ang kinaibahan ng wangwang convoy sa Honda Civic na lowered at may speaker na dumadagundong ng mga kanta ni Akon. Tingin ko dapat i-regulate din ang pagbenta ng mga dambuhalang sound system, at dapat ding tingnan muna ang playlist ng sinumang mag-a-apply. Dapat din sigurong ipakulong ang mga naglalagay ng blue na ilaw sa mga ilalalim ng sasakyan, at yung nagkakabit ng mga plakang may "LAWYER" o kaya "CUTIE." Isa sa mga matinding salot ng lipunan ang kabaduyan.

Wala ngang wangwang, pero sunod-sunod pa rin ang mga hukay sa kalye - mga hukay na pagkatagal-tagal gawin at takpan (Tangina, ano ba ginagawa nila sa baba? Nagmemerienda?). Kung kelan pa tag-ulan, saka pa maiisipang bakbakin ang lecheng kalyeng wala namang problema. Wala ngang wangwang, lubak-lubak pa rin ang mga daan, parang gago pa rin ang pagkakapuwesto ng mga concrete barrier at U-turn slots. Wala ngang wangwang, wala pa rin namang number coding ang mga bus - mga bus na naghahari sa Edsa pero wala namang sakay.

Wala ngang wangwang, wala rin naman matinong gamit ang PAGASA. Aanhin mo rin ang pagkakapantay-pantay sa lipunan kung sabay-sabay rin naman tayong nalulunod sa baha? Wala ngang abusado, pero wala ring paang walang alipunga, walang batang walang dengue, at walang bahay sa Provident Village na matitira.

Walang wangwang. Magandang simula. Dakilang halimbawa. Pero sabi nila, dapat daw mas pagtuunan ng pansin ni P-Noy ang sunod-sunod na pag-todas sa mga aktibista at media. Ika nga ng mga militante, bago ang wangwang, asikasuhin muna ang bang-bang. Tandaan: kahit sa karo ng patay na papuntang sementeryo, bawal na rin ang wangwang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.

Artwork by Warren Espejo.

Tell us your #feels!

Win
2
Yum
LOL
WTF
2
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!