Ang Tinolang Manok ni Padre Damaso

A Pinoy gourmand waxes gastronomical on the historical dish <em>du jour</em> and reveals the best places to eat it.

 

 

Tatlong linggo na ang nakaraan ng sapitin ni Carlos Celdran ang isang bangungot na hindi niya inaasahan, ang pagkapiit sa bilangguan ng Manila City Jail dahil sa isang kilos-protesta. Ang kilos-protestang ito, na alam nating lahat, ay nagsilbing mitsa upang magsiklab ang mainit na talakayan tungkol sa RH Bill.

Bakit nga ba si Crisostomo Ibarra ang napiling katauhan ni Carlos Celdran upang ipahayag ang kanyang damdamin sa nasabing isyu? At bakit sinangkot pa niya si Padre Damaso na matagal nang nananahimik?

Sa isang blitzkrieg performance, isang malaking paskil ang bitbit ni Celdran na may nakasulat na "DAMASO" ang kanyang winawagayway habang sumisigaw ng "Stop getting involved in politics."

Masalimuot ang mga nagdaang araw. Matapos ang malaking "bodabilya" at "moro-moro" ni Celdran at ng mga kaparian, halos naging laman si Celdran ng mga balita sa radyo, telebisyon at pahayagan. Kasabay nito ang paglipana ng mga Tweets, blogs at Facebook pages na parang mga paniking haliparot. Usap-usapan na parang trumpong kangkarot si Celdran sa mga coffee shops, sa opisina, paaralan at pati na rin sa simbahan. Mainit pa sa kumukulong sinaing ang debate. Kung maraming sumasangayon sa ginawa ni Celdran, marami din ang hindi sumasangayon. Pero iisa ang ang hatol ng inampalan. Ganoon kalakas ang impact ni Celdran.

Susong-susong at buntot-buntot ang sinapit ng isyung ito. Dahil halos nakalimutan na ng lahat ang tunay na layunin ng kilos-protesta ni Celdran, dahil imbes na ang RH Bill ang dapat pag-usapan, si Celdran mismo ang naging balita. Pero ang naging bituing nagniningning sa sa usaping ito ay ang pagsasabuhay ng isang pari ng Iglesia Katolika na akala ng lahat ay nabaon na sa limot, walang iba si kundi si Padre Damaso.

Sino ba si Padre Damaso? At bakit nagngingitngit sa galit ang mga kaparian kung ito ay kinukumpara sa kanila? Totoo nga ba na lumakas ang benta ng nobelang Noli Me Tangere dahil nagkaroon ng rennaisance at ibayong interes ang mga tao sa mapagpalayang nobela na halos sandaan taon nang nilimbag? Si Padre Damaso na siguro ang archetype ng karurukan ng korupsyon at kahayuk-hayukan, na nagmula sa panulat ni Dr. Jose Rizal, kaya siya nabaril sa Bagumbayan.

Sa ikatlong kabanata ng nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal, nagbukas ang eksena sa isang piging sa tahanan ni Kapitan Tiago. Dito ay pinakikilala ang pagtatagpo ng bida ng nobela na si Crisostomo Ibarra at siyempre ang kontrabida, sa katauhan naman ni Pedre Damaso. Nandoon din si Maria Clara, ang kasintahan ng ating bida, pero alam na nating lahat kung sino talaga ang ama nito.

Ang tampok na handa ni Kapitan Tiago ay ang Tinolang Manok. Dahil sa kapabayaan o sa di maipaliwanag na dahilan, napunta kay Padre Damaso ang gulay na papaya at leeg ng manok, samantala ang balunbalunan at pecho ay napunta naman kay Ibarra. Alam nating lahat na ang pecho at ang balunbalunan ang pinakasarap na parte ng manok. Matapos humigop ng mainit na sabaw si Padre Damaso, kanyang ibinaksak ang kutsara at inilayo ang plato dahil sa inis at inggit kay Ibarra.

Kaya ginamit ni Jose Rizal ang Tinolang Manok bilang tampok na putahe sa pangatlong kabanata ng Noli ay dahil nais ni Rizal na bigyang halaga ang mga pangunahing tauhan sa nobela. Sa putol ng manok matutunghayan kung sino talaga ang bida at kontra-bida. Ganoon kasimple lang yun.

Ang Tinolang Manok ay isang classic resipi ng mga Tagalog. Tanging hilaw o berdeng papaya lamang ang nagbibigay sarap sa tinolang manok. Maari din gamitin ang manibalang na papaya kung nais. At siyempre, hindi kumpleto ang rekado kung walang dahon ng sili at pinitpit na luya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Importante din ang manok na gagamitin sa tinola, dapat ito ay native o yung tinatawag ng mga Tagalog na labuyo (wild). Sa ibang lugar naman tulad sa Negros, ang kanilang tinola ay medyo maasim dahil ginagamitan nila ito ng batuan, isang bunga na nagbibigay asim sa sabaw, at tanglad, isang ma-aromatikong damo na halos kamukha ng talahib.

Mga Sangkap
3-5 kutsaritang mantika, na panggisa
1 sibuyas na may katamtamang laki, tinadtad
6 na ngipin ng bawang, pinitpit, binalatan, at hiniwa
1 luya na may sukat na 2 pulgada, pinitpit at hiniwa ng pahaba
Isang buong manok na labuyo, hiniwa sa maliit na piraso.
8 tasang tubig
1 maliit na hilaw na papaya, hiniwa ng maliit
20-25 dahon at talbos ng sili
patis, ayon sa timpla o panlasa

Paggawa
Sa isang malaking kaldero, sa katamtamang apoy, iguisa ang bawang, sibuyas at luya. Kapag mabango na ang samyo nito, ihalo ang piraso ng mga manok at walong tasang tubig.

Takpan ang kaldero, laksan ang apoy, upang mabilis itong kumulo. Pag nagsimula na itong kumulo, hinaan ang apoy ay pabayaan itong pasubuhin ng 20 minuto. Kung gumamit ng native na manok, pasubuhin ito ng 40-45 minuto sa mahinang apoy hanggang ang manok ay tuluyan ng lumambot at maluto.

Kapag lumambot na ang manok, ihalo ang papaya at timplahan ito ng patis. Hayaan kumulo pa ito ng 5 minuto. Iwasang ma-overcook ang papaya, dapat malutong pa rin ito sa kagat, at malalaman kung ito ay luto na kapag malasang manamis-namis at wala nang dagta sa panlasa. Idagdag lamang ang dahon ng sili sa mga huling sandali bago patayin ang apoy ng kalan.

Ihain kaagad na may kasamang mainit na kanin. Ang kapartner nito ay inihaw na liempo at may sawsawan na patis na pinigaan ng katas ng kalamansi.

Talagang walang tatalo sa sabaw ng tinolang manok sa panahon ng tag-ulan. Bukod na sa ito ay masarap, ito ay napapanahon, in other words, meron kang relevance, mga kuya at ate. Kalimutan muna ang mga alitan at ipa-isangtabi muna ang mga tampuhan. Tama na muna ang debate. Gutom ka na ba? Kung ikaw ay tinatamad magluto, tayo na at magkapit bisig upang hanapin at hatulan kung saan masarap kumain ng tinolang manok:

 

1. Amber’s Best Restaurant, Chino Roces
1173 Chino Roces Ave., San Antonio Village
Makati City, Metro Manila
Philippines
403-7777 to 78

2. Bagoong Club, Quezon City
122 Scout Dr. Lazcano, Sacred Heart
Quezon City, Metro Manila
Philippines
929-0544

3. Ristorante Pia y Damaso, Greenbelt 5
2/F Greenbelt 5, Legaspi St., Legaspi Village
Makati City, Metro Manila
Philippines
729-5511

4. Crisostomo, Eastwood Mall
2/F Eastwood Mall Veranda, E. Rodriguez Jr. Ave., Bagumbayan, Libis
Quezon City, Metro Manila
Philippines
710-1693

5. Floating Island Restaurant, Makati Medical Center
3/F MMC, 2 Amorsolo St., Legaspi Village
Makati City, Metro Manila
Philippines
892-4356

6. Sentro 1771, Greenbelt 3
2/L Greenbelt 3, Ayala Center
Makati City, Metro Manila
Philippines
757-3941

7. Kamay Kainan, Market Market
Market Market, The Fort
Taguig, Metro Manila
Philippines
889-9883

8. Ken Afford, Katipunan
B.Gonzales St., Loyola Heights
Quezon City, Metro Manila
Philippines
433-3575

9. Manong Pepe’s, Dela Rosa
Carpark 1, Dela Rosa St. Legaspi Village
Makati, Metro Manila
Philippines
331-1501

10. Via Mare,  SM Mall of Asia
2/Lvl., Entertainment Mall, Central Business Park
Pasay City, Metro Manila
Philippines
556-0812

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

 

Photo by Neal Oshima, Styling by Claude Tayag. From the book Kulinarya, A Guidebook to Philippine Cuisine Published by Anvil Publishing, Inc. and Asia Society

Tell us your #feels!

Win
Yum
LOL
WTF
0
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!