Ang Mundo (at Katakawan) ni Padre Damaso

Sa talaan ng mga putahe ng <em>Noli Me Tangere</em>: Salsa de las monjas, tinolang manok, afritadang atay ng manok, at siyempre, ang Chocolate Eh at Chocolate Ah.

 

 

Au Pays des Moines (The Land of the Monks) ang titulo ng Noli Me Tangere noong isinalin ito sa wikang Pranses ni H. Lucas at R. Sempau noong 1899. Samakatuwid, parang lumalabas na ang bida dito ay ang mga prayle! At hindi si Crisostomo Ibarra. Tama naman ang mga Pranses, dahil ang mga prayle naman talaga ang naghahaharian dito sa Pilipinas noong ika-19 na siglo.

 

Kahit likhang isip lamang ni Dr. Jose Rizal ang karakter na Fray Damaso Verdolagas, ito’y nag-iwan ng malalim na sugat na hanggang sa ngayon ay atin pa ring iniinda ang kirot, kahit ito’y isang peklat na lamang.

 

Bakit ganoon na lamang ang hapdi ng latay na idinulot ni Padre Damaso? Dahil ba siya ay matulis sa larangan ng pambababae? Tandaan ninyo, nasalisihan niya si Kapitan Tiago at naanakan ang kanyang kabiyak na si Doña Pia Alba, na sa kasawiang palad ay namatay sa panganganak noong isinilang si Maria Clara. At dahil sa sunud-sunod na kasawiang palad, nalulong si Kapitan Tiago sa bawal na gamot at naging laman siya ng fumadores o mga bahay na nagbebenta ng opiyo sa Binondo.

 

Maiba tayo sandali. Hindi ko maubos isipin kung bakit hanggang sa panahong ito, si Maria Clara pa rin ang pinipili nating mga Pilipino bilang simbolo ng kagandahan at kariktan ng isang Pilipina? Hindi ba dahil maputi ang kanyang kutis dahil isa siyang mestiza? Hindi niya kasalanan na siya ay anak sa labas at anak siya ng isang prayle. Ang tinatanong ko lang ay bakit tayo masyadong nahuhumaling sa mapuputing kutis?

 

Pero bumalik tayo kay Padre Damaso. Maangas din ang walanghiyang pari sa larangan ng kainan. Masahol pa sa damulag at isang patabaing baboy kung kumain ito, gayun na lang ang paglalarawan ni Rizal kay Damaso. Sa kanyang kumbento, mayroon siyang mga kusinerang madre na nagluluto ng kanyang pagkain hindi lang tatlong beses isang araw, kun ’di, kasama pa riyan ang dalawang meryenda at piging na pang-hating gabi. Ganoon katakaw si Padre Damaso. Dahil sa katakawan niya sa pagkain at sa babae, nasa lupa pa siya, pero sinusunog na ang kanyang kaluluwa sa impyerno. Narinig na ba ninyo ang lutuing salsa de las monjas? Ang sarsa na gawa ng mga birhen ng Diyos? Ipapaliwanag ko ito mamaya.

 

Buti na lang hindi totoong tao si Padre Damaso. Isa lamang siyang kathang isip ni Jose Rizal, subalit binase kaya sa isang totoong pari ang kanyang buhay? Iyan ang nakakatakot. Kung naging totoong tao si Padre Damaso, isa lamang ang panalangin ko: Sana’y limampung taon na siyang nasa langit, bago pa ito malaman ni Satanas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

 

Ang pagkain sa Restaurante Pia y Damaso sa Greenbelt 5 ay pinukaw sa Noli at Fili

 

Sa araw ng kapistahan ng San Diego, ang mga banda ng musiko ay tumugtog ng kanilang maingay na obra sa pagkagat pa lamang ng bukang-liwayway. Naglipana ang mga tao suot ang kanilang magagarbong kasuotan. Nagniningning at nagsilabasan ang mga alahas mula sa kanilang sisidlan. May engrandeng misang naganap. Naghalu-halo ang amoy ng mga sariwang bulaklak, insenso, pabango at pulbura. Samantala, walang tigil ang kalembang ng mga kampana at putok ng kwitis sa hudyat ng pagtatapos ng misa.

 

Sa mga pangunahing tahanan, sari-saring minatamis na mga bungangkahoy ang nakalagay sa magagarang dulcerang cristal na may masasayang kulay na inayos ng mga dalaga sa isang mesita na natatakpan ng puting burdadong mantel.

 

Sa patio naman ay sumisiyap ang mga sisiw, kumakakak ang mga manok, humahagukhok ang mga baboy, samantala, naghaharutan at nagigitla sa katuwaan ang mga tao. Panhik-panaog ang mga utusan at katulong na may bitbit na vagilias at mga pilak na kutsara, kutsilyo at tinedor.

 

May mga serbesa, champagne at ibat ibang uri ng likor, mga alak at pagkaing nagmula pa sa Europa, mga bagay na hindi kailanman at natikman ng dukha. Laging marangya ang nilalaman ng mesa ng mga pangunahing tahanan, kahit ang mga ito’y inutang lamang.

 

Sa dakong gitna ng hapag-kainan ay isang pinya-pinyahang gawa sa tanso at pilak  na may nakatusok na maririkit na pananggal-tinga ("toothpick" sa Ingles). Ito ay nagtataglay ng sari-saring anyo tulad ng abaniko, pinagsalit-salit na bulaklak tulad ng rosas, dahon ng anahaw, mga tanikala, isang ibon. Ang mga ito’y inukit mula sa isang pirasong kahoy lamang, na gawa ng mga bilanggo sa pilitang pinagtatrabaho tuwing oras ng kanilang pamamahinga.

 

Sa magkabilang tabi ng mga pinya-pinyahan ay mga bungang-kahoy na naka-ayos na parang piramido sa mga cristal na frutera tulad ng mga kahel, lansones, atis, chico at mangga. Ang mga tampok na bandeja o malalaking pinggan ay may mga papel na nagtataglay ng burdang inukit at may dibuhong makikinang ang kulay. Dito naka-ahin ang mga hamon na nagmula pa sa Europa at China, isang malaking pastel na sa anyo ng Agnus Dei o kaya isang kalapati na sumisimbulo sa Espiritu Santo, pavo rellenado at iba’t ibang klaseng lutuin.

 

At sa may bandang harapan naman ay ang mga pampagana tulad ng frasco ng achara na may disenyong iba’t ibang hugis, tulad ng mga bulaklak na gawa sa sari-saring gulay na idinikit ng almibar sa tagiliran ng garapon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Pinadala ng mga hermano ng parokya ang mga alila ng kumbento upang anyayahan ang mga tao upang makibahagi sa mga pamatid-uhaw at inumin tulad ng tsaa, kape at tsokolate. Para sa mga taong mataas ang antas sa lipunan at may katungkulan, "chocolate, eh" ang ipinapamahagi. Samantala, kapag ang isang tao ay pangkaraniwan lamang at di gaanong mahalaga, "chocolate, ah" lamang ang para sa kanya.

 

Ano nga ba ang pagkakaiba ng "chocolate eh" sa "chocolate ah"? Ang "chocolate eh" (o espeso), isang mainit at malapot na inuming tsokolate na karaniwang isinisilbi sa isang demitasse o maliit na tasa. Samantala, ang "chocolate ah" naman ay aguado-sa madaling salita, malabnaw o higit na marami ang tubig kay sa tsokolate. Sa inuming tsokolate pa lamang, malalaman mo na ang katayuan at kalagayan ng isang tao noong panahong iyon.

 

 

 

Ang Chocolate Eh at Ensaymada sa Restaurante Pia y Damaso

 

Sa gabi ng bisperas ng kapistahan, masama ang pakiramdam ni Padre Damaso. Nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib dahil pagkatapos niyang maghapunan, kumain siya ng tatlong tasa ng sorbetes. Magbibigay pa naman ito ng matinding sermon sa isang misa kinabukasan, pero namamalat ang lalamunan nito. Bago ito matulog, pinainom siya ng salabat at inumin na gawa sa katas ng dayap,minasahe ang dibdib, pero wala itong bisa.

 

Kinaumagahan, uminom si Padre Damaso ng hilaw at binating itlog na hinalo sa alak ng simbahan. Mabisang paraan daw ito upang manumbalik ang kanyang sigla at boses. Hindi ito nagsalita upang mapangalagaan ang kanyang tinig.

 

Sa umaga ding iyon, hindi siya kumain ng kanyang karaniwang almusal: isang basong gatas, isang tasa ng chocolate eh, mga biskwit na galing sa pasteleria na hinurno ng mga monja ng kumbento ng Santa Clara. Inayawan din niya ang pritong manok at ang kalahating rasyon ng kesong puti, na lagi niyang kinakain araw-araw. Dahil ayon sa kanyang criada de la enfermera, ang manok at kesong puti ay nagtataglay ng sebo at asin na nagdudulot ng kati sa kanyang lalamunan na nagiging sanhi ng kanyang pag-ubo.

 

Nanumbalik ang kanyang sigla at nagsimula si Damaso mag-alay ng Santo Misa at kasama nito ang mahabang sermon sa wikang Latin at Kastila na walang nakakaunawa, at sa wikang Tagalog, ngunit ito’y baluktot at hindi maintindihan ng madlangbayan. Ang lahat ay inantok at nainip sa pagkabagot.

 

Laging nagsasanga ang landas nina Crisostomo Ibarra at Padre Damaso sa maraming pagkakataon, at laging may handaan kapag sila ay nagtatagpo. Sa una nilang pagtutuos, tinolang manok ang sanhi ng kanilang pinag-awayan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Hindi imbitado sa isang piging si Padre Damaso na hinanda ni Crisostomo Ibarra. Sa taginting ng mga kupita na may bumubulang champagne at matatamis na panghimagas, nangahas na sumugod (o mag-"gate crash") si Padre Damaso upang alipustahin si Ibarra sa kanyang planong pagpapagawa ng isang paaralan sa San Diego.

 

Sa inis at poot ni Ibarra, kumuha siya ng kutsilyo at tinangka niyang gilitin ang leeg ng pari upang tumahimik na ito sa kanyang pang-iinsulto. Ngunit napigilan si Ibarra ng ibang mga bisita. Doon nagsimula ang masalimuot na pakikipagsapalaran ni Ibarra sa kanyang kapalaran. Ito ang naging mitya ng ekskomunikasyon ni Ibarra.

 

Sa epilogo ng Noli me Tangere, ipinaliwanag dito na si Damaso ay namatay dahil sa sama ng loob. Pero sa palagay ko, ito ay dahil sa pagkabangungot. Dahil biglaan ang kanyang pagkamatay, nilasaon kaya siya ng kapwa niyang pari dahil mayroon siyang nalalamang lihim?

 

Ang "Salsa Monja" ng La Cocina de Tita Moning

 

Tulad ng lihim ni Maria Clara at ni Padre Salvi. May mga matalinhagang tagpo na sinulat ni Jose Rizal na akala mo ay tugkol sa kusina ang usapan, ngunit hindi pala. Ito ay tungkol sa mga bantog na lutuin ng mga madre ng Santa Clara, ang afritadang atay ng manok na may salsa de las monjas o ang sarsa na gawa ng matalinong tagapagluto ng mga Birhen ng Panginoon.

 

Ang sikretong sangkap ay hindi talaga sarsa, kundi, ito ay isang eupemismo para sa mga kakila-kilabot na mga pangyayari sa loob ng kumbento ng Santa Clara, kung saan si Maria Clara ay pinagsamantalahan at ginawang palipasang-puta ng walanghiyang at walang-kasing libog na Padre Salvi. At doon siguro nanggaling ang katagang: "Dapat ay makatikim din ako ng luto ng Diyos."

 

Nakakakilabot mang isisipin, ngayon ang panahon upang basahin nating muli ang Noli Me Tangere, ngunit siguro ang piliin ay iyong maayos na pagkakasalin at hindi yung aklat na binasa natin noong na sa mataas na paaralan pa lamang tayo. Ang Noli Me Tangere ay mayaman hindi lamang sa pagsasalarawan ng mga pagkain, maraming iskandalo at chismis din.

 

 

Maaring magustuhan niyo rin ang 10 Best Tsokolate Spots for a Rainy Day.

Tell us your #feels!

Win
Yum
LOL
WTF
0
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!