ILLUSTRATOR Warren Espejo

Kasalanan ko kung bakit naghiwalay sina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga

Sa tuwing hindi ako magkokonduktor sa dyip, may napapahamak. Umaatake ang mga bubuyog sa Ortigas. Hindi gumagamit ng interpreter si Maxine Medina. 'Yong hiwalayan nina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga? Kasalanan ko 'yon. Sorry.


 

(SPOT.ph) Noong bata ako, paborito kong libangan ang magbuhos ng mainit na tsokolate sa mga natutulog na pusa. Hahahaha! Tawa ako nang tawa sa tuwing makikita kong tumatalon ang pusa bago tumakbo palayo. "Hahahahaha!," sabi ko. Tapos isang araw, binuhusan ko ng tsokolate ang pusa nina Tata Ote. Hindi naman natutulog 'yong pusa, pero wala kasi akong mahanap na natutulog na pusa kaya sa kanya ko na lang ibinuhos 'yong tsokolate ko.

 

Imbes na tumakbo, sinigawan ako ng pusa nina Tata Ote. Sinabi niya sa akin ang pinakamasasakit na salitang narinig ko sa buong buhay ko. Sabi niya, "Animal ka, hayop! Adik! Pusher! Dilawan! Bayaran! Presstitute! At dahil diyan isinusumpa kita! Magiging konduktor ka ng jeep!" Tapos kumulog at kumidlat, at nakakita ako ng boksingerong magiging recording artist bago maging senador balang araw. Nawalan ako ng malay.

 

Magmula noon, sa tuwing sumasakay ako ng jeep, lagi akong napapaupo sa ikalawa o ikatlong upuang pinakamalapit sa driver. Pagkaupo ko, sinumang kaharap ko ay biglang magiging matandang hukluban at makakatulog. O kaya makakatanggap siya ng text mula sa nagbebenta ng condominium unit at kakailanganin niyang tumingin sa telepono niya. O kaya bigla siyang magkakaroon ng kargang baby o groceries. Minsan naman, biglang lilitaw ang girlfriend niya at matutulog sa kanyang kandungan. At dahil doon walang ibang mag-aabot ng bayad sa driver kundi ako.

 

Hindi ko pinipili ang pagpunta sa upuang 'yon. Kusa akong dinadala ng paa ko doon. Kahit nakaupo sa dulo ng jeep si Jessy Mendiola o nakasabit siya, hindi ko siya magagawang tabihan. Painumin mo ako ng Ativan at ihagis sa loob ng jeep, doon at doon sa upuang iyon ako babagsak. Kahit puno na ang jeep at sumakay ako, mahahawan ang landas patungo sa upuang iyon. Ang jeep na pituhan, magiging waluhan. Ang jeep na waluhan, magiging siyaman. Nakaguhit sa palad ng paa ko na dalhin ako malapit sa driver para mag-abot ng bayad ng ibang pasahero.

 

Kapag nakaupo na ako, magsisimula nang magbayad ang mga pasahero. Una si Passenger 4, right center. Tapos si Passenger 1, left corner. Tapos si Passenger 2, left side. And so on. Basta 'yong tatlong iyon ang laging nauuna. At isa-isa silang nagbabayad, hindi sabay-sabay para isang abutan lang. Laging isa-isa.

 

Kusang lumalapit ang kamay ko sa nagsabing "Bayad po!" Ganoon rin ang nangyayari kapag sinabi ng driver ang "Sukli o!” Kapag pinipigilan ko ang kamay ko, may nangyayaring hindi maganda. Noong unang beses na hindi ko iniabot ang bayad ng kapwa ko pasahero, sumabog ang bulkang Pinatubo. Kinabukasan paggising ng lahat, natatabunan ng abo ang mga bubong, kalsada, at mga halaman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Naisip ko, baka naman coincidence lang. O baka sa panaginip ko lang nangyari ang pagsasalita ng pusa nina Tata Ote. Hindi totoo ang sumpa. Inimbento ko lang para pagtakpan ang isang traumatic na pangyayari sa aking kabataan.

 

Pero walang palya e. Sa tuwing hindi ako magkokonduktor sa jeep, may napapahamak. Nagkakasunog sa Trinoma o kaya umaatake ang mga bubuyog sa Ortigas. Natatalo ang team ng Ginebra San Miguel. Bumababa ang halaga ng piso o kaya tumataas ang presyo ng pamasahe. Hindi gumagamit ng interpreter si Maxine Medina. 'Yong hiwalayan nina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga? Kasalanan ko 'yon. Sorry.

 

Kung sino man sa inyo ang nakakakita sa pusa nina Tata Ote, sabihin niyo naman sa akin. Hirap na hirap na ako. At marami nang nadadamay. Gusto ko na siyang kausapin para mawala na ang kanyang sumpa. Minsan nakita ko siya sa TV, pero hindi ko nalaman kung paano siya matatagpuan. Ganito ang kanyang hitsura:

 

 

Kapag nakita niyo siya, pakisabi bawiin na niya ang sumpa. Kung hindi siya papayag, ituro niyo sa akin kung nasaan siya. Nakahanda akong lumaban hanggang kamatayan.

Tell us your #feels!

Win
36
Yum
LOL
44
Yuck
2
WTF
5
87
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!