Loyalista si Nanay

An Ilocano weighs in on Marcos' burial at the Libingan ng mga Bayani.

 

 

(SPOT.ph) Bilang Ilocano, bahagi na ng paglaki ko ang pamilyang Marcos. Noong bata ako, hindi ang Birheng Maria o ang Sto. Niño ang nasa gitna ng matandang tokador namin sa kusina, kundi ang litrato ng dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Nasa gintong picture frame, naka-side view, may konting dimple na nagpapakintal sa ngiti niya, nakatanaw sa malayo.

Paboritong pambahay din ni Nanay noon ang T-shirt na may silhouette ni Makoy, 'yong may patulis na bandila at mga naka-bold letters na KBL (Kilusang Bagong Lipunan) sa background. May poster din kami nito sa kwarto, nakadikit sa taas mismong aming kama. Maka-ilang beses din akong isinama ni nanay sa mga rally, ipinapabuhat sa mga kaibigan niyang nakapulang damit, pinapaypayan ng karton na may mukha ni Imelda. Kapag may umpukan ang mga kamag-anak namin, hindi limitado sa pagkanta ng "Twinkle, Twinkle, Little Star" at “Bahay Kubo” ang kaya kong gawin. Kapag sinabihan ako ni Nanay noong “mag-Marcos,” itinataas ko ang kanang kamay ko para gawin ang Victory sign, habang sumisigaw ng “Marcos, Marcos, Marcos pa rin!” Hagalpakan naman ang fans club ko. Proud na proud siyempre si Nanay.

Isang hatinggabi, dumating ang pinsan ni Nanay na dating pulis sa bayan namin, ang hitsura’y parang sampung araw na pinagdamutan ng sabon at tubig. Nilusob pala ng NPA at tinadtad ng bala ang munisipyo namin sa Bangui, at kailangan niya ng matataguan. Dahil sa takot na balikan, ilang linggo rin siyang tumira sa apartment namin sa Murphy. Galit na galit noon si Nanay. Galit sa NPA. Galit kay Cory. Kaya pala lumaki akong walang damit na kulay dilaw. Kaya pala kahit nang nagbinata na ako’t nangungupit ng barya sa Samsonite niyang lagayan ng mga abubot at alahas at pabango at kolorete, may nakapaskil pa rin doon na maliit na kalendaryo ng paborito niyang pangulo, ng paborito niyang Ilocano. Kasi loyalista si Nanay. Kasi, hardcore na loyalista si Nanay.

 

Dalawang taon bago ako mag-kolehiyo, pumanaw si Nanay. Sakit sa bato. Nalagutan siya ng hininga sa Batac, sa ospital na ipinangalan sa Ama ng dating pangulo: Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center. Apat na taon naman akong nag-aral sa Mariano Marcos State University, at tumira sa isang apartment/haunted house na tatlong kanto lamang ang layo mula sa Museo at Mausoleum ni Ferdinand Marcos. Ang kongresista namin noon ay si Imee, at ang gobernador, si Bongbong. Samakatuwid, mula kamusmusan, hanggang sa tubuan na ako ng buhok sa iba’t ibang sulok ng katawan, may tila hindi ako maipagpag na bahagi ng pagiging loyalista ni Nanay, ng pagiging taga-Norte ko. Matapos ang ilang dekada, animo’y sadyang nakakahon pa rin sa iisang apelyido ang mga tulad kong Ilocano: Marcos pa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Kasalukuyang nag-aapoy ang social media dahil sa usapin ng paglalagak ng labi ni Makoy sa Libingan ng mga Bayani. Kung buhay pa siguro si Nanay at nahilig siyang mag-online, isa rin siya sa mga may suplete sa Internet na makikipagsunugan sa sinumang kokontra sa pagkilalang sa tingin niya ay angkop lamang na ibigay sa idolo niya. Hindi kalabisan kung sabihin kong santo ang tingin ni Nanay kay Marcos, at kung may isang lugar na ginawa para paglibingan ng mga “Bayani,” tiyak kong makikipagbunutan siya ng namamagang ingrown para lamang mailibing si Marcos—ang Jose Rizal niya’t ang Superman ng maraming Ilocano—dito.

 

Matagal na akong nagtataka kung bakit hinayaang gawing tourist spot sa Batac ang bangkay ni Apo Lakay. Nakapasok ka na ba sa kanyang mausoleum? Ganito yan: Pagbukas ng higanteng pinto, sasalubungin ka ng malamig na hangin at ng dumadagundong na koro na katulad ng intro music ni Undertaker sa WWE. Madilim sa loob, at ang magsisilbing gabay ay ang mismong ilaw na nakatutok sa parihabang platform na hinihigaan ng dating Pangulo. Nasa loob siya ng glass case, at parang window shoppers ang mga turistang magbubulungan, ituturo ang kamay ng bangkay sa loob, tititigan ang mukha, magtutulakan konti para masipat sa ibang anggulo ang mga bahagi ng katawan na hindi natatakpan ng malutong na barong. Kapag naikot na ninyo ito, lalabas kayo sa kabilang pinto, bubuntonghininga, magpapalitan ng kuru-kuro kung bakit parang makintab ang mukha ni Makoy, at magpapasya kung empanada ba o bagnet ang gusto ninyong sunod na kainin.

 

Madalas, sarado’t personal na usapin sa loob ng pamilya ang mga detalye ng pagpapalibing: Anong damit ang isusuot, anong kulay at saan yari ang kabaong, sino ang bubuhat at magpapatong sa karo, saan ilalagak. Pero dahil nga umabot na ng halos tatlong dekada ang isyu sa kung saan dapat ilibing si Marcos, ang dapat sana’y matagal nang namamayapa niyang labi ay nagiging politikal na kasangkapan na lamang ng ilang pamilya’t taga-suporta niyang hindi yata napapansin na sila mismo ang umaantala’t nagpapaliban dito.

 

Gusto ko na lang siyang mailibing, period. Ang balita dati, hiniling mismo ni Marcos na mailibing siya sa tabi ng kanyang Ina. May balak din dating pagawan siya ng dambana sa isang bundok sa Batac. Hindi ko alam kung anong nangyari sa mga planong ito, pero hindi na ako magtataka kung may mga miyembro ng pamilya Marcos na ayaw naman talagang ilayo siya sa kinalakhan niyang lugar at sa mga taong sumasamba sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung may paraan siguro para makausap sa kabilang buhay ang dating pangulo, baka matagal na niyang sinigawan ng ukinnayo ang mga loyalista niyang ilang dekadang ginawang tourist spot ang bangkay niya. Sino ba naman kasi ang may gusto nito? Hiniling ba niyang araw-araw siyang titigan, at uriratin, at pagbulungan, at kilatisin, at inspeksyunin ng mga dumadagsang nagpapaka-Gus Abelgas na bisita ang kanyang bangkay? Nagbubukas din ito ng interesanteng tanong: Kung nasa kanya kaya ang pagpapasya, hahayaan kaya ni Makoy na umabot ng 27 years bago magdesisyong mamayapa ang katawan niya sa isa sa libu-libong sementeryong hindi Libingan ng mga Bayani ang pangalan? Ang malinaw sa akin ay ito: Ang pagpupumilit na pagmukhaing presko pa at hindi-pa-rin-naaagnas ang isang bangkay ay walang pagkakaiba sa pagpupumilit na tapalan ng magkahalong sariwa’t panis na kwento't alamat ang naging buhay ng dating diktador. Bahala na ang nakatitig dito kung paniwalaan niyang preskong laman at balat ang nakakapit sa buto, o kung panay wax na lamang ang nasa kanyang harapan.

 

Sa totoo lang, kakatwa na nakatutok ang ilan sa pagpapalibing ng isang tao, gayong panahon sana ito kung paano mapapanitiling masigla at produktibo—hindi nilalangaw, hindi nakabalot sa packaging tape, hindi nakatambak sa basurahan—ang buhay ng libu-libong Pilipino.

Sa tindi ng patuloy na paglagapak ng mga katawan na sinentensyahan ng kasalukuyang administrasyon, sana ay maitutok din ang diskurso’t usapan, hindi lamang sa kung anong gagawin sa labi ng dating pangulo, kundi sa kung paanong mababago’t mapapakinabangan ang humihinga, may lakas, at may pagkakataon-pang-baguhing buhay at katawan ng libu-libong kababayan nating pinapatumba nitong bara-barang kampanya laban sa sinumang maaaring kabitan ng duguang karatula—dawit man sa droga o hindi.

 

Kung buhay pa siguro si Nanay ngayon at napag-uusapan namin ang love-of-her-life niyang si Makoy, tiyak kong aalatan niya ng konti ang paborito kong pinakbet, iirapan ako ng matindi kapag magmamano ako sa kanya, o di kaya’y hihiritan niya ako ng pinakamalambing na bersyon ng “-tard” sa Facebook Wall ko. Kung buhay pa siguro ang loyalista kong Nanay, inaamag na siguro lahat ng ibang display sa tokador, pero sigurado akong hindi siya papayag na dapuan ng alikabok ang litrato ng pinakamamahal niyang pangulo—nasa gintong frame, naka-side view, may konting dimple na nagpapakintal sa ngiti niya, nakatanaw sa malayo.

Gayunman, alam ko rin na igagalang at hahayaan niya akong mag-isip at manindigan sa paniniwala kong mas matimbang ang pagiging Ilocano namin kesa sa pagiging kaprobinsya lamang ng isang pamilya. Dahil mailibing man bukas si Marcos, o abutin ulit ng tatlo pang dekada bago siya ilibing, kailangan nang magsimulang humakbang pasulong ang maraming Ilocano. Kailangan nang matapos ang pagiging synonymous ng salitang Ilocos sa apelyidong Marcos. Kailangan nang matuldukan ang pagkakahon ng buong kasaysayan at kadakilaan ng probinsya sa apelyido ng iisang pamilya. Dahil hindi ka lang basta isang kababayan ni Marcos. Dahil mas may higit kang dapat ipagmalaki kaysa lamang dito. May probinsya ka: Ilocano ka. Higit sa lahat, may bayan ka: Pilipino ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Tell us your #feels!

Win
72
Yum
Want!
1
LOL
WTF
7
80
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!