10 Bagong Pampanitikang Aklat sa Filipino na Dapat Nating Basahin

Janus Silang author Edgar Calabia Samar shares his top picks.

 

(SPOT.ph) Una, hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa sa pamagat nito dahil ito ang hiniling sa akin: ang maglista ng 10 aklat na bago (nalathala nitong huling tatlong taon), pampanitikan, at nakasulat sa Filipino—dahil hiniling din ito sa akin bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikana mahalagang mabása ng mga Pinoy. Nagmumukhang pampalubag-loob sa mga akda sa Filipino ang mga ganitong listahan na lumilitaw lang halos kapag ganitong Buwan ng Wika. Pero para sa akin, kailangang patulan ang mga ganitong pagkakataon ng pagtatala upang hindi mapakawalan ang mga kakaunti nang natitirang sulok-sulok na espasyong popular. Pero hindi rin ibig sabihin nito ay magwawakas na rito ang lahat dahil marami pang ibang anyo na puwedeng paglunsaran ng pagpapahalaga sa mahuhusay nating akda—hindi lamang ang mga nasa anyo ng aklat at nasa wikang Filipino.

 

Sa ngayon, naniniwala akong kailangang magtulong-tulong ang iba’t ibang sektor upang hikayatin ang mga bata (at matatanda) na magbasa—at na magbasa ng panitikan. Marami nang pag-aaral tungkol sa halaga ng sining at pagbabasá, subalit kailangan laging igiit ang marahil ay pangunahin sa mga iyon: na malaki ang naitutulong nito sa ating kakayahang umalala, magsuri, magtaya, at manindigan. Marami sa ating mga kasawian bilang indibidwal at bayan ay bunga ng ating kahinaan at kawalan ng pagsisikap na patalasin pa ang kakayahan sa mga bagay na ito.

 

Noong nasa kolehiyo ako at nagsisimulang mangarap na seryosohin ang pagsusulat, sa mga gabi ng writer’s workshop at habang umiinom kasama ang mga kahenerasyong nangangarap ding makapag-ambag sa artsibo ng ating kolektibong kamalayan, nagsisimulang biruan pero hindi maiiwasang dumako sa seryosong usapan ang mga either/or na tanong tungkol sa buhay o panitikan. Tiyak na alam na ninyo’t nalaro na rin ito nang ilang beses. Bibigyan kayo ng dalawang pagpipilian at bawal ipaliwanag ang pinili kaya madalas na nauuwi na lang sa tawanan ang bawat pagpili—o sa makahulugang tinginan o katahimikan. Kuwento o tula? Magandang simula o magandang wakas? Unang pag-ibig o huling pag-ibig? Babasahin ka lang ngayon o babasahin ka lang kapag wala ka na? Bayan o daigdig? Simple o komplikado? Magsusulat o magbabasa?

 

Hindi ngayon ang pagkakataon para isiwalat ko ang mga isinasagot ko noon sa ibang mga naunang tanong, pero para sa huli, kung magsusulat ba o magbabasa, palaging magbabasa ang sinasabi ko. Sa kabila ng matinding pagnanasang patuloy at habambuhay na magsulat, pipiliin kong mas magbasa kung kinakailangan (salamat na lamang at hindi kinakailangang mamili). Hindi iilang beses na pinangarap kong magkaroon ng isa pang buhay na nakalaan lang sa pagbabasá.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Noong lumalaki ako sa dulo ng dekada '80 at bungad ng dekada '90, maaaring sabihin na limitado ang libangan noon, lalo pa kapag walang pasok o bakasyon. Pagkagising, bukás na ang radyo habang nag-aalmusal, at pagkatapos, habang naglilinis ng bahay. Kapag pinayagan, nagba-bike sa umaga bago magtanghalian. Nanghuhuli ng gagamba sa hapon kasama ang mga kababata, o naghahabulan o baril-barilan o taguan hanggang dapithapon. Kapag sinusuwerte at ibinili ng bagong battery, nakakapag-Game & Watch. Kapag mas sinusuwerte, pinapahiram ng GameBoy ng kapitbahay. Sa gabi, nakatutok sa TV. Pero sa pagitan ng lahat ng mga ito, naroon ang pagbabasá. Noong bata pa ako, binabása ko ang lahat ng madadampot sa paligid na basta-basta iniiwan ng mga mas nakatatandang naunang nagbasá sa mga ito: Sambuhay, Tempo, Remate, Jingle songhits, Pilipino Komiks, Hiwaga, Liwayway, Valentine Romances, Dekada ’70, The Best of Pupung, at marami pang iba. Hindi ko alam kung hahangarin ko ring makapagsulat kung hindi ko nabása ang mga nabása ko noong bata ako at kung hindi nagpatuloy ang pagkahumaling ko sa pagbabasá hanggang ngayon. At lagi kong ipinagpapasalamat na nabuhay ako sa panahong ito na napakaraming mga kahenerasyong sinisikap na patuloy na maging malikhain sa harap ng iba’t ibang kontradiksiyon at komplikasyon ng ating realidad. Mga kapwa-manunulat na hindi iginugupo ng tákot sa mga kasalukuyang karahasan at kawalang-katiyakan.

 

Narito ang 10 bago-bagong aklat (walang nalathala rito bago ang 2014) na sa tingin ko ay mahalagang mabása ng lahat na ibig makilala ang nangyayari ngayon sa atin at sa ating panitikan: dalawang koleksiyon ng kuwento, isang siklo ng mga kuwentong malanobela, dalawang nobela, dalawang aklat ng tula, dalawang akdang komiks, at isang aklat ng mga sanaysay. Marami sa mga ito ay nabása ko bilang manuskrito bago pa man nalathala ang mismong aklat. Kung nagbabasa talaga kayo ng panitikan, umaasa akong nabasa na ninyo ang marami sa mga ito (kung hindi man ang lahat ng mga ito). Pero binuo ko itong listahan nang kinikilala rin na nasa-gilid ang pagbabasa ng panitikan sa mas malawak na realidad at demographic ng mambabasa nitong website kaya ang kilala na ng nasa loob ng mundo ng panitikan ay maaaring kailangan pa lamang ipakilala sa iba. Anuman, nawa’y basahin natin ang mga ito bilang pambungad lamang sa napakalawak pang mundo ng kontemporaneong panitikan sa ating bayan, muli, hindi lamang sa Filipino, kundi sa lahat ng iba’t iba pang wikang bumubuhay sa atin at binubuhay natin sa araw-araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Sanga sa Basang Lupa at Iba Pang Kuwento (UST Publishing House, 2016) ni Jim Pascual Agustin

Narito ang mga taong muli’t muling kailangang isalaysay ang mga kuwento sapagkat nagpapatuloy pa rin ang pagsasaisantabi sa kanila. Sa koleksiyong ito, may pagbabalik sa tradisyon ng pagkukuwento na humuhugot sa bisa ng naturalismo upang maglatag ng tunggaliang panloob at panlabas. Sa “Bulaklak at Abo,” halimbawa, pinapasok natin ang kamalayan ng mga bata na sa burol ng pinsan at kalaro ay naghahabi ng mga kuwento na sasagot sa tanong ng kanilang murang isipan. Subalit bibitinin tayo ng kuwento sa kung ano ang maaaring nakita sa loob ng kabaong sa dulo. Subalit ano pa nga ba? Umaasa ba tayo ng kakaiba o kababalaghan? Isinasara ng kuwento ang kuwento bago pa man ito tumawid papunta sa ating mga inaasahan. May iba’t ibang anyo ng pagharap sa kamatayan sa mga kuwentong naririto. Karaniwa’y biktima ng karahasan. Kapamilya. Kalaro. Kapitbahay. Mga kababayan. Kahit ang hindi talaga kakilala nang personal. Naratibo ito ng mga pagtatangkang magpatúloy ang búhay, samantalang nagtatagisan ang totoong-totoong daigdig sa isang banda, at ang pahiwatig ng pantastiko sa kabila. Paalala ang mga kuwentong ito ng mga hindi kayang paslangin ng kamatayan, tulad ng mga multong kinakatha ng ating buhay na modernisado’t patuloy na naisasantabi.

 

 

Pilas ng Papel: Mga Sanaysay sa Tula (De La Salle University Publishing House, 2014) ni Mesándel Virtusio Arguelles

Sa koleksiyong ito ng mga sanaysay at panayam tungkol sa pagtula, pinupunit ni Mesándel Virtusio Arguelles ang kinasanayang “halos automatikong” paggamit ng linya para sa “ibig sabihin.” Nasa tuluyan ang mga ito—meditasyon sa kung ano ang malaya sa taludturan, ang pilas ng paksa, ang wala at ang naroon sa pagtula, ang hiwaga at grabedad: isa rin itong pagsipat at pag-awit sa mga binasang makata samantalang may pag-ako sa binitbit at binitiwan: sa sandali ng pagbubuo ng mga aklat, sa bawat panahong tinatastas at tinatahi ang sariling buhay para sa walang maliw na pag-asa sa papel na ginagampanan ng sining sa daigdig. Nangyari ito sa tula, sabi ni Ayer, sa isang panayam tungkol sa pagsasalin, at tinutukoy niya ang hindi maipaliwanag na pag-iral ng posible at imposible sa tula: ang lunan ng parang, ang gayuma ng ambisyon at ng kapangyarihan ng konsepto’t tala sa pagbubuo ng koleksiyon—samantalang may sapantaha ng paghinto sa pagtula sa hinaharap.

 

 

Colon (Balangiga Press, 2016) ni Rogelio Braga

Nabasa ko ang mga unang borador ng nobelang ito na ilalathala dapat namin sa Tapat Journal noong 2015 (isang bagay na ikinalulungkot ko pa ring hindi naisakatuparan hanggang ngayon dahil sa pagsasara ng journal). Noon pa man, lubos ko nang hinahangaan ang tapang ng nobela na paksain ang pang-araw-araw na realidad na tigib ng panganib at pag-ibig na nakalugar sa pinakamatandang lansangan ng ating imahinasyon at ilusyon ng pagkabansa, ang Colon sa Lungsod Cebu, samantalang nagtatampok sa lahat na yata ng tagisan at tunggaliang kumatha sa ating kasaysayan bilang watak-watak na mga kolektibo, pangunahin ang relasyon ng Muslim at Kristiyano. Subalit hindi dapat matabunan ng mga dambuhalang ambisyong iyan ng nobela na isa rin itong masinsin na pagkukuwento sa kung nasaan ang mga hanggahan ng pagiging Filipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Ang Banal na Aklat ng mga Kumag (Anvil Publishing, 2016) ni Allan Derain

Nabasa ko ang nobela nang dalawang beses bago ko ito nabasa bílang isang aklat: bilang MA tesis ni Allan Derain at bilang manuskritong isinalang sa palihan ng Naratibo. Subalit nasa aklat ang wala sa mga manuskrito: ang mga iginuhit ni Allan na nagsilbing ilustrador din sa salaysay na itong nagtatampok sa mundo ng mga mas maliit pa sa pinakamaliit—silang mga kumag, malakumag, at nagpapakakumag. Tulad ng alam ng bawat kumag, may sariling kuwento ang bawat mumunting nilalang na di madalas nabibigyang-pansin sa mga kasaysayan. Tulad ng mga langaw na eskperto sa demonolohiya, o ng budhi ng Dios na madalas mag-anyong kuliglig. Sa imahinasyon ni Allan ng mga sityo ng ating mga texto mula sa kamalayan at pananalig ng bayan, ang nakaraang hindi dumating ay susi ng lahat ng panghihinayang sa mundo, at ang hinaharap na hindi na darating ay reyna ng madilim na pook ng kawalang pag-asa at desperasyon. Subalit gaano kaliit dapat ang isang maliit para matawag na kumag? Nasa katawan at nasa isip din ang pagiging kumag, samantalang ipinapahayag na ang kuwento’y mas matanda sa alinmang wika ng tao kaya ito rin ang dinadala natin sa tuwing nagbabalik tayo sa mundo ng panaginip. Siya nawa, sabi nga sa pagtatapos ng ikatlo kong pagbabasá sa nobela.

 

 

Tabi Po Isyu 3 (Haliya Publishing, 2017) ni Mervin Malonzo

Kagaya ng marami, una kong nabasa ang Tabi Po ni Mervin Malonzo sa Internet. At tulad din siguro ng marami, nauna akong namangha (at nainggit!) sa magkakasabay na karahasan, katatawanan, at kapangahasan ng mga salita’t larawan doon. Nang lumabas ang unang dalawang aklat, makikita ang kagila-gilalas na pagbabalik ni Mervin sa mga tauhan at lunan ni Rizal na kilala na natin (o akala natin ay kilala na natin), at paglikha ng mga espasyo ng alinlangan sa mga naratibo ng Noli at Fili na pundasyon ng pagmamalay natin sa pagkabansa. Gayundin ang gayuma ng transposisyon ng mga estilo at larawan sa kambas ng tulad nina Amorsolo at Luna sa mga pahina ng komiks, upang yanigin ang romantisismo at klasisismo ng nakakuwadrong sining ng lagim ng nayon o ng banyagang realidad. Walang sagrado kay Mervin—lalo pa sa pagbulaga ng mga ikonikong larawang relihiyoso at kung paano niya ibinubunyag ang mga posibilidad noon sa depiksiyon ng krimen at rimarim. Walang sagrado kay Mervin—maliban siguro sa pagbabago, at sa kakayahan ng sining na patuloy na likhain at papangibabawin ang pagbabago. Kailangan tayong paminsan-minsang mayanig sa luklukan ng ating mga kinasanayan. Sa paglabas ng ikatlong aklat ngayong taon, naibubunyag sa atin na higit pa ang mga pangyayari at tauhan kaysa sa inakala na natin—tulad ng mahusay na manipulasyon ng bagong realidad ng mga pagkabuwang sa ating katinuan. Ito ang pagtatabi po na hindi natin basta dapat paraanin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Ang Nawawala (Visprint, 2017) ni Chuckberry Pascual

Kinatha ni Chuckberry Pascual sa Ang Nawawala ang mukha ng detective fiction na pinakamatapat sa ating imagined community na naiiwan sa barangay level at pinaiikot ng mga pakikialam at kawalang-pakialam sa buhay ng isa’t isa. Narito ang Talong Punay bilang panibagong Pugad Baboy na lokasyon ng katatawanan at kapangyarihan ng ating mga kuwentong-bayan—at nasa sentro ng mga kuwento si Bree, ang baklang receptionist sa barangay hall na sa iba’t ibang dahilan at paraan ay naitutulak upang maging “imbestigador” sa mga kaso ng pagkawala na susukat sa hanggahan ng ating mga inaasahan. Sentral sa mga kuwento ang marginal niyang buhay na kinatha rin ng nauna nang pagkadesaparesido ng kaniyang mga magulang. Mahalagang mabása ang aklat na ito ni Chuck sa mga panahong nawawala na tayo sa ating mga sarili, at nawawala rin ang kakayahang makita ang sarili sa mukha ng kapuwa, ng iba, habang pinagtatawanan natin silang nagtatawa rin sa kalunos-lunos at kaibig-ibig na mga buhay natin. Tawa ako nang tawa habang binabasa ang aklat na ito, at hindi ako makahinga, at kung bakit naiiyak din akong parang tanga.

 

 

Hunos (Ateneo de Naga University Press, 2016) ni Allan Popa

Mahirap halagahan ang kasalukuyang pagtula sa bansa nang hindi binabása si Allan Popa at ang naging ambag ng mga koleksiyon niya sa pagtula nitong nagdaang dalawang dekada. Subalit sa kabila ng pagkamangha sa pagbabagong-anyo ng kinasanayan nating wika sa pagtula sa Morpo, o pagkabagag sa mga dating niyayakap na katotohananan sa Kami sa Lahat ng Masama o Kundi Akala, o sa patuloy pagmumuni’t pagdanas sa pagkatao sa mga mas bago niyang koleksiyon, lagi’t lagi akong nagbabalik sa una niyang aklat na ito na palaging nagpapadama sa akin ng rubdob ng panahon na manahananan sa mga pagkabatà nating sinalanta ng mga bagyo at iba pang sakuna, sa mga alaala ng pinagmulan bilang lunan ng pag-asa sa kapangyarihan ng sining na lagi’t laging lumisan subalit hinding-hindi upang magpaalam. Kailangan natin itong muli’t muling basahin upang mapagnilayan ang mga nawawala’t nananatili sa bawat nating paghuhunos. May piling salin ng mga tula sina Gerry S. Rubio at Arnold M. Valledor sa Bikol-Katandunganon, na siyang unang wika ng kaluluwa ng mga tulang nasa aklat.

 

 

Meläg (Adarna House, 2016) ni Bong Redila

Ang Meläg ni Bong Redila ay salaysay ng mga musmos na pangarap, halos walang ingay subalit naghuhumiyaw ang rubdob na dalisay. Tinatangay tayo ng mga guhit sa masinsin na paghahangad ng daigdig na nagmumula sa personal na alaala ng may-akda mula sa kilala nating mundo—na hindi perpekto subalit inibiig—at inililipad ng haraya patungo sa higit-pa-rito. Naiiwan ako bilang mambabása na namamangha sa saysay at moralismo ng kagandahang matatagpuan sa realidad na may mga nagugutom at may mga may bihag, ngunit may paghilom din at pagpapatawad. Pinatutunayan ng aklat ng mga komiks na ito ni Redila na walang walang payak na guhit kung kaya nitong makasugat ng dibdib.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

Sa Ilalim ng Pilik (Librong LIRA, 2015) ni Charles Tuvilla

May pamagat na nagsisimula sa “sa” ang 17 sa 23 tula sa unang aklat ng tula na ito ni Charles Bonoan Tuvilla, tulad ng pamagat ng koleksiyon. Kung tutuusin, tatlo lámang sa mga tula ang walang “sa” sa anumang bahagi ng pamagat. Kung titingnan ang “sa” bilang pang-ukol na magkasabay na maaaring kumilala sa pinagmulan o patutunguhan ng isang aklat, o sa tao o bagay na pinag-aalayan ng talinghaga, o sa panahon o lunang sisidlan ng mga taludtod, ano ang ibig sabihin ng guwang sa pagitan ng “talukap" sa linya ng katukayo niyang Charles Simic na sinipi bílang epigrap ng aklat (“The truth is under your eyelids”) at ng “pilík” na piniling gamitin ng makata sa pamagat ng aklat? “Pangalanan natin ang mga pagitan,” sabi ng persona sa huling tula, tulad marahil ng paghinga ng laktawang taludturan ng tulang iyon, at tinatangay tayo sa alaala ng naunang mga tula na sa simula’t simula’y ibig “maglaan ng espasyo para sa kalungkutan,” at paglaon ay “naghabi ng sansaglit na silong sa kalawakan.” Pagtabi-tabihin natin ang tatlong iyon na pinaglaanan ng espasyo sa koleksiyon: kalungkutan, sansaglit, kalawakan—mga abstraksiyon, kung tutuusin, kung hindi nga lamang dumarating ang mga ito sa atin na tulad ng larawan ng isang amang marahang inilalapat ang tainga para sa bulong ng dibdib ng kaniyang sanggol na anak. Nasa gayong pakikinig at pagdama kung kaya’t may pinag-uukulan ang “sa” bilang puso ng mga tula ni Charles, o kung bakit may kulang sa “sa” kung “sa” lamang, tulad ng pagkapipi o pananahimik na para saan, sapagkat sa daigdig nating mas madaling pumikit kaysa magbasa ng tula, mananatiling isang hiwaga ang pagtula na tulad ng kamay ng nahihimbing na sanggol ay isang “nakakuyom [na] uniberso.”

 

 

Sangkatauhan Sangkahayupan: Mga Kuwento (ADMU Press, 2016) ni Alvin B. Yapan

Ito ang long overdue na unang short story collection ni Alvin B. Yapan (hindi kasama ang chapbook na At Nabulag ang Tagapagsalaysay na inilabas noong 2005 bilang bahagi ng Ubod New Authors Series). Hindi maitatanggi na napakalaki ng impluwensiya sa akin ng mga akda ni Vim noong nagkokolehiyo ako at nagbabása ng back issues ng Heights. Para sa mga tulad kong Heightser noon (kahit yata hanggang ngayon), kapag sinabing Atenistang kuwentista, si Alvin B. Yapan iyon. Dahil sa mga kuwento ni Vim kaya binalik-balikan ko sa University Archives ang kaniyang MA thesis na “Kamatayan sa mga Piling ng Lilang Nimpeya” na paglaon ay inilathala bilang Ang Sandali ng mga Mata. Pero bago ko nga siya sinubaybayan bilang nobelista at paglaon, bilang filmmaker na direktor ng mga pelikulang tulad ng Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, nauna ko siyang minahal sa kaniyang mga kuwento. Narito sa Sangkatauhan ang paborito kong “Apokalipsis,” na tungkol sa desperasyon ng unti-unting pagkaagnas ng modernong pamumuhay sa siyudad. Nasa mga kuwento sa aklat na ito ang pagbuno sa hiwaga ng totoong buhay, sa realidad na binabaka ng isip natin at katawan, na niyayakap ng mga takot natin at pag-aalinlangan at pag-ibig at paglimot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Si Edgar Calabia Samar ang may-akda ng Janus Silang Series na ang unang dalawang aklat ay pinarangalan ng National Book Award bilang Pinakamahusay na Nobela noong 2015 at 2016. Lalabas ngayong Setyembre sa Manila International Book Fair ang ikatlong aklat ng serye. Siya rin ang patnugot ng Santinakpan.com na naglalathala ng mga bago't orihinal na akdang Filipino.

 

More stories from Spot.ph

Tell us your #feels!

Win
11
Yum
Want!
2
LOL
WTF
13
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!