Philippine Fasyon Week

"Kakapiranggot lang ang alam ko sa fashion," ani ng ating SPOT.ph blogger, "pero alam kong may ilang mga bagay akong kinamumuhian."

 

Ngayon ay Philippine Fashion Week.

Hindi ko rin alam ibig sabihin n’un, pero alam ko maraming raket sa mga panahong 'to ang mga models (isang buwang nagdusa sa oatmeal at Skyflakes), designers (ngarag), makeup artists ("beautician" sabi ng ermat kong matanda), hairstylists, stylists, lighting directors, DJs, photographers, magazine editors, and lahat ng mga may mga kinalaman sa tumaganting na mundo ng fashion.

Isang misteryosong mundo sa akin ang fashion. Sa tinagal-tagal ko sa mundong 'to, hindi pa yata ako nakaka-attend ng kahit isang fashion show. Paano-walang nag-iimbita sa 'kin. Wala rin akong mga fashion magazines sa bahay, puwera na lang kung maituturing na fashion publication ang FHM. Bumili ako dati sa Booksale ng Esquire Book of Men's Fashion pero pagbuklat ko pag uwi, nakita kong luma na pala at puro kamukha ni Charles Bronson ang mga modelong lalake, maliban sa singlapad ng NLEX yung mga kurbata nila. Nakakita ulit ako ng 2010 edition at dun ko lang nalaman na dapat may Amerikana ka sa iyong wardrobe. Essential daw. Ayos. Eh naknampugo naman: mahingahan lang ako nagpapawis na kilikili ko, Amerikana pa kaya?

Eto lang ang alam ko sa fashion: 'Pag malaki ang tiyan, 'wag magsusuot ng horizontal stripes dahil lalo kang magmumukhang garapata. 'Pag payat at sintangkad mo naman si Bonel Balingit, wag magsusuot ng vertical stripes dahil pagkakamalan kang poste sa kanto. "Wear vertical stripes to give the illusion of slimness and length." Alam ko rin na hindi bagay sa 'kin ang slim-fit jeans dahil nagmumukha akong longganisa- not to mention na napuputol ang ventilation para sa longganisa. Para hindi magmukhang bundat, magsuot ng V-neck na shirt. "Wear dark colors" para magmukhang slim. Pag ikaw si Boy Abunda, magsuot ng ultra-sikip na pantalon. Pag ikaw si Lito Atienza, magsuot ng floral polo. Maliban dun, wala na.

Wala akong barkadang model o designer. Ang pinakamalapit na kakilala ko ay si Myrza Sison, ang editor-in-chief ng website na 'to at isang dating modelo (Isa yata siya sa mga girls dun sa TVC ng Pagoda Coldwave Lotion). Pero gusto kong magkaroon ng kaibigang mowdel (Yung Brazilian at medyo may problema sa visa at krisis sa cellphone load para matulungan namin ng kaibigan kong si Atty. Mike Templo. At siyempre, preferably babae).  

Alam kong importante ito-otherwise hindi siya magiging multimillion industry. Sabi nga ni Oscar Wilde, "Only shallow people do not judge by surfaces for the surface is the most mysterious of all." Oo nga naman. Hinuhusgahan tayo ng kapwa natin base sa hitsura. Ibig sabihin, sa pananamit. Wala siyang panahong malaman kung tunay na mabuti ang pagkatao mo, o kung disente ka at mahal mo ang mga magulang mo and you like puppies and long walks along the beach. Hindi ka seseryosohin ng kausap mo pag naka-brief ka lang (Mas malala pag kulay pula. O mala-bacon na ang garter). At lalong hindi ka papapasukin sa mall. Kaya importanteng manamit nang maayos para igalang ka.

Nga naman. Bakit nga ba hindi natin gustong mapaligiran ng magagandang mga bagay, di ba? Self-expression, ika nga. Paano ka naman magpapahayag ng iyong kalooban kung hubo't hubad ka, di ba? Palagay ko naman ay sinadya ng Diyos na maging maarte ang tao-otherwise, bakit niya tayo bibigyan ng buhok, di ba? (Sa kaso ko naman, masama ang loob ko sa Kanya dahil sinumpa niya akong bigyan ng buhok na gaya ng kay Spanky Rigor).

Inuulit ko: kakapiranggot lang ang alam ko sa fashion. Pero alam kong may ilang mga bagay akong kinamumuhian:

• Scarf. Lalo na sa lalaki. Nasa disyerto ka? Photojournalist ka sa Basilan? O miyembro ka ng Abu Sayyaf? O tinatago mo lang ang double chin mo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

• Bitin na pantalon at leather shoes na walang medyas.

• Leather shoes na patulis. Hindi ko maintindihan kung paano nasusuot ng mga lalaki 'to. Sabagay, kasi malapad ang paa ko- parang paa ng magsasaka.

• Extra large na T-shirt. Puwera na lang kung member ka ng isang hiphop tribe sa Tondo. 'Wag mo kong tirahin ng sumpak, ha.

• Clutch bag. Ano ka, DOM na may baril?

• Kahit anong damit na may mga higanteng brands. Mas nagmumukhang peke yung suot mo, sa totoo lang.

• Alam ko walang kinalaman 'to sa fashion, pero kelangan ko 'tong sabihin: Mga duktor na nagla-lunch break at suot pa rin ang puting lab gown. Ikamamatay niyo ba pag tinanggal yan? Unhygienic practice yan, di ba? Paano kung maraming germs na kumapit pa inyong paglabas at madala niyo pabalik sa ospital? Ewww di ba?

• Nakataas na kuwelyo sa polo shirt. Kaakibat nito ang spike na buhok na may kulay.

• Jeans na sinadya ang butas. Waw, dangerous at outlaw talaga ang dating mo.

• Black leather shoes, black pants, white socks. Patay na si Michael Jackson, pre.

• Lalaking labas na ang boxers sa sobrang baba ng pantalon. Alam naming na mahal ang Calvin Klein. Pero... hindi mo naman kasing-katawan si Mark Wahlberg.

• Sando. Self-explanatory.


Sa mga babae naman, ito ang mga kasuklam-suklam, ayon sa aking operadang bading na kaibigan na itago natin sa pangalang "Vivienne Escargot":

• Open-toed sandals na may stockings. "Two letters: S. M."

• Plastic heels. "Ano ka stripper?" mataray niyang hirit.

• Boots na may fur. "Sa Maynila?!" Isama mo na diyan ang....

• Trench coat. Wow, foggy day in Taguig town?

• Plastic na bra strap na sinasadyang ilabas. "See-through dapat siya, di ba? Para hindi bumakat. Bakit mo ilalabas?"

• Empire cut sa mga babaeng mataba. Talagang nagmumukhang "empire" yung tiyan niyo.

• High-waist pants. "Kelan day off mo, 'Day?"


Base sa mga napapanood kong fashion shows sa TV, ito ang ilan sa mga pinipilit kong intindihin:

• Bakit kailangang nakasimangot ang model pag naglalakad sa runway? Sabagay, kung hindi ka nga naman nagkakakain, iinit rin talaga ulo mo, di ba?

• Ano ang pinapalakpakan nila? Ang damit, of course. Pero ano sa damit? Yung kulay? Yung tabas? Yung tela? O yung model? Ano gagawin mo pag hindi maganda ang damit?

• Yung mga taong nanonood sa gilid na hawak na malalaking notebook: ano ang sinusulat nila?

• Talaga bang hindi mine-medyasan ang leather shoes? So, fashionista pala si Rico J. Puno? Hindi kaya ako murahin ng kalyo ko?

• Yung mga abubot na parang props sa mga fantaserye, talaga bang nasusuot sa totoong buhay? Ganun din ba sa mga buhok na parang tore mula sa bangungot ng mganagdo-drowing ng Heavy Metal magazine?

• Bakit karamihan sa mismong mga designer, hindi nila madamitan nang matino ang mga sarili nila? Bakit ilan sa kanila, mukhang mag-aabot lang ng tubig at tisyu sa mga model?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

 

This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.

Tell us your #feels!

Win
3
Yum
LOL
WTF
3
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!