Guisadong Munggo

Tamang-tama ngayong tag-ulan: "Mayaman man o mahirap, ang guisadong munggo ay gusto ng lahat," ika ng aming SPOT.ph blogger.

"Ang guisadong munggo ay may lugar sa puso ng lahat," ika ni Illem Guro.

 

 

Mayaman man o mahirap, ang guisadong munggo ay gusto ng lahat. Mula sa mga carinderia sa tabing-kalye at sa mga nakapilang Jollijeep na kinakainan ng mga empleyado sa labas ng kanilang mga opisina, hanggang sa mga natatanging restaurant tulad ng Chef Jessie’s sa Rockwell at Bistro Remedios sa Malate, ang guisadong munggo ay may lugar sa kanilang mga menu at sa puso ng lahat. Ibang klase ang demographics ng guisadong munggo, across the board talaga ang drama niya.

 

Nagmula sa bansang India ang impluwensya ng pagluluto at paggawa ng guisadong munggo. Sila ang nagdala sa Pilipinas ng mga iba’t ibang uri ng butil na mayaman sa protina tulad ng dhal, garbanzos, at lentejas, bago pa dumating ang mga Kastila sa ating bansa.



Noong bata pa kami, alam namin kung araw na ng Biyernes, dahil ang ulam namin ay guisadong munggo. Kahit hinahain ito linggo-linggo, hindi namin ito pinagsasawaan dahil iniiba-iba ng nanay ko ang kombinasyon ng sangkap at estilo sa paggawa nito.

 

Mga sangkap ng guisadong munggo: bawang, sibuyas, kamatis, hipon, tinapa, talbos ng ampalaya, lechon kawali

Minsan ay masabaw, minsan naman ay tuyo. Misan ay malunggay ang sahog, minsan naman ay talbos ng ampalaya. Minsan ay may tinapa at chicharon, minsan naman ay may hibi o sariwang hipon. Minsan ay maanghang, matamis na hindi maipaliwanag, pero lagi siyang malinamnam.



Ang laging kapares nito ay pritong galunggong, pritong tinapa na galing salinas, na karaniwan ay tunsoy at lawlaw, o di kaya, paksiw na isdang albakora o sapsap. Depende rin ito kung ano ang nahuli ng kapitbahay naming mangingisda. Laging maasim ang paksiw, kaya lagi kong hinahabol ang linamnam at tamis ng guisadong munggo.



Pero siyempre, iba-iba ang tawag nila dito, depende kung saang lugar ka kumakain: Mongo soup with moringa (munggo na may malungay); Filipino mongo soup with chicharon; Cream of mongo soup; Green native munggo beans sautéed with onions and tomato with chili leaves and topped with tinapa bits and pork; Munggo na may bagnet, tinapa at talbos ng ampalaya. Pero para sa akin, guisadong munggo lamang ito at bahala ka na kung anong style ang gusto mong gawin. Narito ang resipe ng guisadong munggo na galing sa nanay ko na maaari ninyong gawin sa inyong mga tahanan.




 

Guisadong Munggo

1 litrong tubig
250 gramong munggo
3 kutsarang mantika
4 na ngipin ng bawang, pinitpit
1 malaking sibuyas, hiniwa ng maliliit
3 kamatis, hiniwa na pang-guisa
100 gramong hipon, nilinis at binalatan (ihiwalay ang mga ulo)
Katas ng hipon (mula sa 3 kutsarang tubig na hinalo sa dinikdik na ulo ng hipon)
1 kutsarang bagoong alamang o hibi (pinatuyong maliliit na hipon)
2 katamtamang laki ng tinapa, prinito at hinimay
1 bungkos ng talbos ng ampalaya, tinangal ang mga dahon sa sanga
patis, asin at paminta, ayon sa panglasa
chicharon, bagnet o lechong kawali, na pang-ibabaw

Ibabad ang munggo sa tubig ng isang na oras. Pagkalipas ng isang oras, pakuluan hanggang ito ay lumambot. Ipa-isang tabi, kasama ang tubig na pinaglutuan. Sa isang malaking kawali, mag-guisa ng bawang, sibuyas at kamatis. Ihalo ang bagoong o ang mga hibi. Pagkatapos ng limang minuto, ihalo ang katas ng ulo ng hipon, ang mga hipon at munggo. Kapag nagsimula na itong kumulo, hinaan ang apoy at pabayaang sumubo. Kung labis ang tubig, hayaan ito matuyo ng bahagya, kung kulang naman, dagdagan ng sapat at muling pakuluin. Timplahan ng patis at idagdag ang hinimay na tinapa at ang talbos ng ampalaya, at muling initin. Lagyan ito ng chicharon, bagnet o lechon kawali sa ibabaw bago ito ihain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 



Sa mga tinatamad magluto ng guisadong munggo at sa mga maraming salaping panglustay, narito ang listahan ng mga kainan at restoran na nagsisilbi ng nasabing ulam na nagkakahalaga mula P20 hanggang P200 kada isang order.



Bistro Remedios
1911 M. Adriatico St.
Remedios Circle
Malate, Manila
(02) 523-9153

Benny’s Cafe
Rustan’s Supermarket Makati
Ayala Ave., Makati City
(02) 666-6682

CCP Buffeteria (Barbara’s)
Cultural Center of the Philippines
Roxas Blvd. Pasay City
(02) 833-0680

Milky Way
9900 Pasay Road
Makati City, Metro Manila
(02) 843-4124

Via Mare
Ground level, Greenbelt 3
Ayala Center, Makati City
(02) 757-4020

Wah Sun
741 Florentino Torres St.
Sta. Cruz, Manila
(02) 733-6709

Mangan
Robinsons Place Manila
G/F Padre Faura Wing, M. Adriatico St.
Ermita, Manila
(02) 400-4784

Cha Gio
Ramon Magsaysay Bldg.
J.Quintos cor. M.H. Del Pilar St.
Malate, Manila
(02) 404-3361

BG’s / Barbeque Grills
2/F 818 Bldg.
818 Arnaiz Ave.
(Pasay Road), Makati City
(02) 893-5278

Chef Jessie
G/F Amorsolo Square
Amorsolo Drive, Rockwell
Makati City
(02) 890-6543







Tell us your #feels!

Win
Yum
LOL
WTF
0
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!