Chop suey Para sa Chinese New Year

Ang kwento ng chop suey ayon sa aming SPOT.ph blogger na si Illem Guro.

 

 

(SPOT.ph) Ngayong papalapit na ang Chinese New Year, siyasatin natin ang pinaka-sikat na lutuing Chinoy para sa puso nating mga Pinoy. Ito nga ba ay ang Chop suey? Mula sa pinakatanyag na restaurant, hanggang sa mga turo-turo’t carinderia, hindi mawawala sa kanilang menu ang Chop suey.


Dragon’s Gate sa Grant Avenue ng Chinatown, San Francisco, California, USA (ang ’tinaguriang’ lugar kung saan naimbento ang Chop suey).

 

Sa China nga ba nagmula ang lutuing ito? Sa pagkakaalam ng karamihan, ang Chop suey ay unang niluto at naimbento ng mga migranteng Chino sa Amerika. Ang paniniwalang ito ay kinatigan ng  awiting Chop suey na na pinasikat ng musical nila Rodger’s and Hammerstein, ang  "Flower Drum Song". Kasabay nito ng mga pelikulang may temang pag-ibig at kulturang Chino-Amerikano tulad ng "Love is a Many Splendored Thing" at "The World of Suzie Wong"

 

Panoorin ang "Chop Suey video" mula sa Rodger’s and Hammerstein musical  "The Flower Drum Song"



Sa katunayan, ang Chop suey, na ang ibig sabihin sa Cantonese ay "sari-sari at halo-halong sangkap" ay nagmula sa distrito ng Toisan, lalawigan ng Guandong (dating Canton), Katimugang China, kung saan nanggaling ang karamihan ng mga migranteng Chino na lumayag papuntang America sa huling bahagi ng ika-19 na siglo.

Dito rin nagmula ang isang uri ng "mise en place" na binansagan nating "lutong macau" o ang paghahanda at pag-hihiwa-hiwa ng mga sangkap bago ito lutuin. Ito ang basihan ng pagluluto ng Chop suey.



Iba’t-ibang uri ng chop suey. Click for more.

 

Global talaga ang Chop suey, naging bahagi na ito ng cuisine ng mga Chino-Americano, Filipino, Chino-Canadiano, Indonesian, Polynesian at kung saan merong diasporang Chino, naroon ang Chop suey. Sa Indonesia, kilala ito sa pangalang "Chap-chai" o halo-halong gulay.




Dahil napamahal na sa atin ang chopsuey, at talagang niyakap at naging parte na ng buhay hapag-kainan at kusina ng bawat Pilipino, narito ang pinaka-malapit na  Pinoy chopsuey na galing sa isang cookbook na nilimbag sa Amerika noong dekada 50.


Mga sangkap:
1 ulo ng bawang, pinitpit
1 sibuyas, hiniwa sa walong bahagi
3 sanga ng sibuyas na mura o leeks, hiniwa ng 2 pulgadang haba
2 sanga ng celery, hiniwa ng patagilid
1 carrot, hiniwa ng maninipis
1 pulang bell pepper, hiniwa ng pahaba
1 berdeng bell pepper, hiniwa ng pahaba
1/4 kilo cauliflower, pinigtas-pigtas
1/4 kilo green beans, hiniwa sa apat
1/4 kilo baby corn
1/4 kilo chicharo (snow peas)
1/4 kilo repolyo, hiniwa na pakuwadrado
1/4 kilo lomo (tenderloin) ng baboy, hiniwa ng maliliit at binabad sa toyo at kalamansi
1/4 kilo hipon (suwahe), binalatan at hiniwa sa gitna, dalawang bahagi
1/4 kilo atay at balunbalunan ng manok, hiniwa ng maliliit
2 kutsarang of gawgaw o cornstarch o sweet potato starch, na tinunaw sa 1/4 tasang tubig
1 tasang sabaw ng manok (maaari din gumamit ng 2 chicken cube sa paggawa ng broth)
2 kutsara ng sesame oil (ito ang sekreto ng mga restaurant kung bakit may kakaibang amoy ang chopsuey)
toyo, ayon sa timpla at nais, (iwasan na ang paggamit ng asin kapag linagyan na ng toyo ang lutuin)
mantikang pangguisa
itlog ng pugo, bilang palamuti

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Paggawa:
Ang sekreto ng masarap na chopsuey ay ang bilis na pagluluto nito. Lutuin lamang ang chopsuey kung ang lahat ng kakain ay nasa hapag kainan na. Dahil sa mabilisan ang pagluluto nito, siguraduhin na ang lahat ng mga sankap at nakapila na at ihuhulog nalang sa kawali-ito ang "lutong macau" na mise en place.


Sa isang malaking kawali, wok o karahay, sa malakas na apoy magguisa ng sibuyas at bawang. Ihalo ang baboy, atay at balunbalunan at sangkutsahin ito ng 3 hanggang 5 minuto. Pag nagsimula nang umusok ang kawali, banlian ito ng isang tasang sabaw ng manok at huwag hinaan ang apoy. Pabayaan itong kumulo.


Sa hudyat ng pagkulo, ihalo kaagad ang mga gulay at hipon . Halu-haluin at pag nagsimulang kumulo muli, ihalo ang tinunaw na cornstarch, timplahan ng toyo at sesame oil. Haluing mabuti at pagmasdan ang paglapot ng sabaw. Ihain kaagad.

Halos lahat ng Chinese restaurants, Pinoy at Chinoy foodcourt, carinderia, turo-turo, pares at jollijeep ay merong chopsuey. Para sa inyo saan ang may pinaka masarap na chopsuey?


Photos by Illem Guro

Tell us your #feels!

Win
Yum
LOL
WTF
0
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!