Â
(SPOT.ph) Hindi ako nang-aasar pag sinabi kong idol ko si Lito Lapid.
Â
Seryoso ako: idol na idol ko si Lito Lapid nung ako'y bata pa. Kung hindi ka lumaki sa probinsiya nung 1980s, hindi mo ito maiintindihan. Halos umiyak ako ng dugo at naglupasay sa harap ng nanay ko nung ayaw niya akong dalhin sa sine para manood ng Geronimo, ang pelikula kung saan siya gumanap na Indian ("Indian" as in Native American a.k.a. Indian Pana as opposed to "Bumbay"). Kung paano nagkaroon ng mga Indian at mga cowboy sa Pilipinas ayon sa pelikula, huwag niyo na akong tanungin-akala ko talaga noon ay may tribo ng mga Indian sa Pilipinas.
Hindi ko na rin masyadong maalala yung kwento. Pero ang tumatak talaga sa akin ay yung eksena na nakikipag-paluan siya ng palakol sa ibabaw ng isang net na naka-stretch sa dalawang magkatapat na dulo ng bangin. Wasak yun. Ang lalim pa ng bangin. At siguradong walang daya dahil hindi pa naman uso ang mga special effects dati. Pero ang taas nung pinaglalabanan nila na pag napunit o nabutas ang net, alam mong hindi sila mabubuhay pag nahulog sila sa putanginang bangin. Hayop din yung theme song ("Geronimo... Sikapin mooooo....") na parang opera tenor pa ang kumanta.
Ibang klase si Lito Lapid. Siya yata yung unang action star na kinabaliwan ko. Hindi ko masyadong trip si FPJ dahil natatandaan ako sa kanya (maliban sa idol siya ng erpat kong pulis). Ang angas ng tikas pero simpatico naman ang dating. Medyo bobcut ang buhok, may konting bangs at bahagyang tumatakip sa tenga ang gilid. May manipis na parang nagbibinatang bigote, na marka ng pagiging tunay na lalake. Mahilig siyang magsuot ng masikip na maong at leather boots na abot halos sa tuhod. At polong masikip na naka-rolyo ang manggas at bukas ang dibdib.
Hindi siya kaguwapuhan. "May hitsura lang," ika nga ni Jun Sabayton. Rugged na macho ang dating. Hindi siya mahusay na actor. In fact, medyo one-dimensional lang ang estilo niya. Hirap umiyak. Pero bakit kailangan mong umiyak kung kaya mo namang magpaikot-ikot sa baras habang paa mo lang ang nakasabit? Kung kaya mong tumalon at sumipa ng baril na parang sa sepak takraw? Kung kaya mong dumaosdos sa semento habang bumabaril-baril? Kahit sa Hollywood wala pa akong nakikitang gumawa noon. Ang kanyang kilos: ’yun talaga ang pinakamalupit sa lahat. Wala nang katulad niyang action star ngayon (To begin with, wala nang action star ngayon). Ika nga, they don't make 'em like they used to. Pero kahit sila Robin Padilla ay hindi ko nakitaan ng ganoong klaseng moves. Tingnan mo na lang ang choreography ng bugbugang ito sa Kastilyong Buhangin. Grabe.
Â
Â
Stuntman kasi siya dati-at noong kasikatan niya, siya rin mismo ang gumagawa ng mga delikadong stunts, sa panahon na hindi pa uso ang mga wire-wire na ginagamit sa mga kung fu movies ngayon. Walang double-double. Ang isang kilala kong ganun ay si Jackie Chan. Na idol ko rin matapos mapanood ang Snake in the Eagle's Shadow at Drunken Master.
Â
Ibang klase ang mga action films ni Lito Lapid. Kinakailangan ng suspension of disbelief, ika nga. Ine-etsapuwera ang lahat ng batas ng pisika at natural na mundo. ’Wag mo nang tanungin kung paano nahahati ng kutsilyo ang bala at tinatamaan ang dalawang taong tumatakbong palayo. ’Wag mo nang kwestiyunin kung paano siya nakakatumbling sa ere nang dalawang beses habang bumabaril. ’Wag itong tawaging absurdo. Mas bagay siguro kung "postmoderno"-sa mga panahon na hindi pa natin alam ito. Imposible raw mangyari sa totoong buhay ang mga pinaggagagawa ni Lito Lapid. Eh ano ngayon? Imposible rin naman ang mga nangyayari sa Shake, Rattle, and Roll, ’di ba? Wala namang nagtatatawa nung nagliliparan sa taas ng mga puno at ilog ang mga tao sa Crouching Tiger, Hidden Dragon. At hindi rin naman kapani-paniwala sa totoong buhay na mapapabagsak ni Bruce Lee ang isandaang karatista gamit lang ang isang chako. Katarantaduhan ’yun. Ang sinumang magsasabi na "Kaya talaga ni Bruce Lee yun!" ay ang mga uto-uto na naniniwalang philosopher din si Bruce Lee (Sinusulat ko ito habang naka-tune in sa Bruce Lee Lives sa NatGeo. May mga skateboarder at artista na nagpapakalalim. Magbasa naman kasi kayo paminsan-minsan).
Â
Lito Lapid as Julio Valiente
Noong tumanda na ako, naglaho na lang sa aking alaala si Lito Lapid. Nahumaling ako sa mga robot-robot at mga horror movies, at ’di nagtagal ay nagkaroon ng panlasa sa mga pelikulang nasa kategoryang "seryoso" (as in nakatitig lang sa malayo at parang walang istorya). Ang mga katagang "Julio Valiente," "Leon Guerreo," at "Julian Vaquero" ay naging laman lang ng mga kuwentuhang katatawanan sa eskwelahan.
Masuwerte si Bruce Lee at pumanaw siya nang maaga sa edad na 32-sa kainitan ng kanyang kasikatan. Ganun talaga ang kabalintunaan ng buhay. Ang mga namamatay nang maaga ay nabubuhay nang walang hanggan. Example: John Lennon (Sige nga, sino ang may gustong bumili ng latest album ni Paul McCartney?)
Si Lito Lapid ngayon ay 56 years old at pitong taon nang senador ng Republika ng Filipinas. Tinawag siya sa editorial ng isang broadsheet na "the pride and shame of Pampanga." May joke sa mga reporters na nagco-cover ng senado: siya raw ang chairman ng committee on silence dahil hindi siya nagsasalita (At apparently, hindi rin daw totoo ang tsimis na si Jeric Raval ang kanyang chief of staff). Sa larangan ng lehislatura, ang pangalan niya ay instant punchline. Dati sila Jaworksi at Ramon Revilla Sr. Si Lapid-kasama ang dalawang pangalang ito-ay ang sinasabing ehemplo ng "democracy at work" (Sa Tagalog: "nagkanda-leche-leche na."). Ito na ang kanyang ikalawang termino. Una siyang binoto noong 2004. Pangalawa noong 2010. God help us all.
Pero nung siya'y tumayo at nagtanong nung impeachment trial last week, tumigil ang mundo.
Â
Iilan lang ang mga ginintuang tagpo sa makabagong kasaysayan ng senado. Taong 1972, nang ibinulgar ni Sen. Benigno Aquino Jr. ang Oplan: Sagittarius, o ang balak ni Macoy na magdeklara ng Martial Law. Taong 1991 nang bumoto ang senado na sipain ang US bases, hudyat ng ating pagkalas mula sa mahigit isang siglo ng kolonyal na tanikala (charot!-ed.). Taong 2000 nang akusahan ni Teofisto Guingona si Erap Estrada sa kanyang "I Accuse" speech. At ’yung nangyari nga noong February 2, 2012, ika-sampung araw ng impeachment, nang bumuka ang mga bibig ng ginoo mula Pampanga at tanungin ang prosecution lawyer kung "loan" o "cash advance" ba ang hiningi ni Corona. Bago at matapos niya magsalita, maririnig ang bulungan at impit na tawanan. Pero naman: ang kanyang bruskong tanong: "Ibig niyong sabihin, kanina pa kayo tanong nang tanong, ilang oras na tayo dito...’yan lang ang gusto niyong palabasin? ’Yung 11 million...kung loan o cash advance?" Pinasimple nito ang punto ng prosecution na maghapon pa noon na puro cheche-bureche. Dapat mag-set ito ng bagong estilo sa pagtatanong. Ang abogadong karakter ni Denzel Washington sa pelikulang Philadelphia ay mahilig humirit ng, "Explain this to me like I'm a six-year-old." Sa atin, puwedeng, "Explain this to me like I'm Lito Lapid." Malaking ginhawa ito para sa mga kababayan nating may pag-unawa na kagaya ng kay Sen. Lapid-na tinawag dati ng isang kolumnista na "the most expensive piece of furniture the government has ever purchased."
Â
Pinakatahimik, pero panglima sa pinakamaraming napanukalang batas sa senado sa bilang na mahigit 239 as of May 2011. Sunod siya kina Miriam (882), Jinggoy (581), Manny Villar (539), at Trillanes (394). Talo pa niya si Enrile (40 lang) at si Joker Arroyo (17).
Hindi lang ’yun. Pagdating sa attendance, talo ni Lapid ang karamihan sa kanila-talo pa sina Villar at Miriam. Pero ito ang tsimis: pagkatapos daw ng roll call, dahan-dahan siyang naglalaho na parang ninja. Saan kaya siya nagpupunta? Sa Famfanga?
Pero pag-usapan natin ang ilan sa mga panukalang batas niya: Ang Meat Labelling Act of 2011, para siguro hindi malito ang tao kung aso o kalabaw ang karne. Comprehensive Unilateral Hearing Loss Research and Development and Rehabilitation Act, malamang para sa mga bingi. Nandiyan din ang Urban Agriculture and Vertical Farming Act ("Vertical?" Parang Banawe Rice Terraces?). Ang Corporate Social Responsibility Act, Kindergarten Education Act, and the Adopt-A-Wildlife Species Act. Siya din pala ang chair ng committee on Games and Amusement. Sakto, dahil sa napaka-boring na impeachment, siya lang talaga ang nagbibigay ng aliw at ligaya sa mga manonood.
So kung masipag at malikhaing mambabatas naman pala si Lito Lapid, bakit siya laging puntirya ng matinding pangungutya? Dahil bihira siyang magtalumpati? Dahil hindi siya sumasali sa debate? Sabi dati ni Lapid, "Hindi sanay ang dila ko. Unang-una kulang ako ng words dahil hindi ako nag-aral. Kulang din sa basa." Heto pa ang isang paulit-ulit niyang dahilan: hirap daw siyang mag-Ingles ("Bakit may triplets? Fourplets?" hirit niya nang tanungin tungkol sa RH bill). Pero wala namang batas na nagbabawal sa mga senador na mag-Tagalog. Presidente nga ng Pilipinas nagta-Tagalog eh. May mga gaya naman nila Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano na nagta-Tagalog tuwing may hearing. Ngayon, kung hindi lang pala basta lenggwahe ang problema, ’yan ang mas malaking problema (Problema niya rin si misis na nagtangkang mag-uwi ng sandamakmak na US dollars, pero ibang usapan na ’yun).
Pitong taon na siyang senador. Hindi ba sapat na panahon na yun para magsanay at mahasa ng kanyang kakayahan sa pakikipagbalitaktakan?
Pero di bale na. Marami pa siyang proposed bills, pero tinawag ang mga ito ng isang broadsheet editorial na "bizarre." Masyado naman yatang malupit ang salitang "bizarre." Mas angkop yata ang pang-uring "kakaiba." Gaya na lang ng Senate Bill 2179 o ang Children's Schoolbag Weight Regulation Act of 2010, ang panukalang batas na nagtatakda ng limitasyon sa bigat ng mga bag ng mag-aaral. Oo nga naman. Hindi lahat ng grade-schoolers ay hinahatid ng school van. Marami pa ring estudyante sa Pilipinas ang kailangang tumawid ng ilog at bundok at tumahak ng kilo-kilometro ng putikang kalsada makarating lang sa klase (Gaya nung mga napapanood sa mga nakaka-depress na TV documentaries).
Mas may sense naman ito kesa sa katarantaduhang Anti-Planking Law ng isang kongresman. Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, pero ang Senate Bill 2179 ay halimbawa ng isang batas na may puso. Importante ’yan sa politika. Dahil saging lang ang may puso. Saging lang ang may puso.
P.S..
Ay. Sorry. Linya pala ng anak niya ’yun.
Â
Artwork by Warren Espejo.