Lourd de Veyra: P@#! Ina! Ang init!

In his first post written entirely in Filipino, our SPOT.ph blogger contemplates Manila's sweltering summer.

lourd_init_inside

Matagal na dapat tapos 'tong blog entry na 'to. Pero anung magagawa ko? Brownout lagi sa 'min. At hindi lang yun.

Ang init.

Hindi ko alam kung bakit parang nasosorpresa pa rin tayo. Alam na naman nating lahat na mainit sa Pilipinas, pero hindi pa rin nating mapigilang magsabing, "Whooo, &$#Q ! Ang init!" Ito na siguro yung init ng impyerno–kung saan kasalukuyang nagsi-swimming sa dagat ng basura, apoy, at asupre sila Marcos, Ver, Pol Pot, at pagdating ng araw, ang lahat na miyembro ng Black Eyed Peas and Jonas Brothers. Sobrang init, puwede ka nang mag-ihaw ng steak sa dashboard ng kotse. Hindi ka rin makaligo kasi tuyong-tuyo na yung gripo. Kung meron man, yung tubig kasing ligamgam ng ihi. Yung mga computer–kung may kuryente–nagha-hang dahil bumigay yung fan. Hindi ka rin makapag-surf kasi yung &$#*q   inang USB modem mo (iniskor mo ng P2,200 sa SM ngayon binebenta sa convenience store sa halagang P880), nilalagnat na. Yung tren sa MRT, amoy paa, at nagja-jabbar na yung underarm ng mama sa tabi at gusto mo siyang alayan ng Rexona kasi it won't let you down. Sobrang init, pati yung kili-kili ng mga Binibining Pilipinas contestants kitang-kita sa TV na kumikinang sa pawis. Yung ice cream na binili mo sa 7-Eleven, dalawang hakbang ka pa lang mula sa pinto, tunaw na–ang mahal pa naman. Yung halo-halo sa Razon's, paghatid sa 'yo ng waiter, parang gatas na lang. Yung mga adik sa kalye naming biglang napilitang magpakalbo–at maligo. Wala kang mabilhang yelo. Ang sagwa namang uminom ng beer pag hindi malamig–yung Red Horse, lasang jingle pag hindi na-ref. Sobrang init, nagtutuyuan na ang mga dam at palayan at nag-aaway na si Kris at Roffa (ayon sa pronunciation ng ermat).

Pag mainit ang panahon, umiinit ang ulo ng mga tao. Umiiksi ang mga pasensiya–mas maiksi pa kesa sa mga suot na palda ng mga sumasayaw sa Wowowee. Walang nagbibigayan sa intersection. Lahat gustong mauna. Lahat may right of way. Lahat mainit ang ulo dahil napaso sa mala-plantsang manibela. Lahat bad trip dahil andaming binabakbak na kalye. Lahat praning na dahil tatlong oras na hindi gumagalaw ang Edsa na parang pinakamahabang parking lot na ata sa buong mundo. Antrapik na nga, nakatutok pa sa 'yo yung higanteng billboard ni Dingdong Dantes na naka-brief lang. Masikip na masikip na brief.


Hottest recorded day of the year dapat nung February 24–pero hindi nagtagal, tinaob ito ng March 6 na may talang 35.8 degrees Celcius. Konti na lang, lalapit na tayo sa hottest recorded temperature in history: sa Al 'Aziziyah, Libya nung September 13, 1922, sa 57.8  °C (136.0  °F). Ang nakakatakot: Marso pa lang. Wala pa tayo sa kalahati ng taon. Tama si T.S. Eliot nung sabihin niyang, "April is the cruelest month" dahil mismong bahay ko nagiging amoy-kebab pag summer. Malupit talaga. Sabi ng Nathaniel Cruz ng PAGASA ("Mang Tani" na lang daw, pero hindi kami ganun ka-close), "Baka hanggang Hunyo wala pa rin ulan." Nagpa-Oratio Imperata na ang simbahan para magka-ulan.   Ayon sa Catholic Culture Dictionary: "Oratio Imperata: An ordered prayer. The prayer for a special intention, besides the ones prescribed by ritual, that the Pope or the bishop of a diocese may require to be said at Mass, e.g., for peace." Bakit kaya hindi tayo nagpa-Oratio Imperata na mawala na si Gloria dati pa lang?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano pa kaya sa May 10? Ano kaya ang magiging temperatura?

Paano kaya sa mga masisikip, mainit, at maalinsangan na polling precints? Magkakagulo kaya ang mga pila sa labas ng mga classroom na amoy-pawis? May mag-aamok kaya dahil wala ang mga pangalan nila sa voters' list? May maghuhuramentado kaya dahil sinusuka ng PCOS machines yung balota? O kaya nagkamali sa pagmarka dahil hindi pala natin lubos na naunawaan ang mga leksyon na tinuro ng Sex Bomb dancers tungkol sa pagmarka sa bilog na hugis bayag, este, itlog? May mababaliw kaya sa pagsabay-sabay na pagpapatugtog ng mga campaign jingles sa labas ng presinto, mga sanga-sangang banderitas at makukulay na tarpaulin ng mga na-Photoshop na pagmumukha ng kandidato? Sensory assault!

Naaalala ko tuloy yung mga last few months ng Cory administration. Nagkaklase kayo na may hawak na flashlight yung teacher. Hindi ko alam kung paano natiis ng mga Pilipino yung   mga panahon na yun–mga brownout na umaabot ng 8 hanggang 10 hours kada araw. Ang mas nakakabahala, dumating sa punto na parang nasasanay ka na rin. Nagbabasa sa tabi ng kandila, walang sounds, walang TV.

Ang init. Pinaparusahan na siguro tayo ng Diyos dahil sa Wowowee. Ang init. Hindi kaya dahil sa init ay hindi tayo umaasenso? Pero marami din namang sibilisasyon na umunlad kahit mainit, di ba? Bakit ang Singapore? Grabe din ang init dun. Pero tingin ko, kaya sila progresibo at mayaman ay dahil wala silang bubble gum. Yun siguro ang ugat ng ating kahirapan: bubble gum.

Mainit, brownout. Naaalala ko bigla yung dati naming kapitbahay na bigtime drug pusher. Ilang taon na siyang nagta-tap sa linya ng Meralco. Ibig sabihin, ilang taon na rin siyang nakakalibre ng kuryente. Pero isang araw–boing!– natiklo siya ng mga taga-Meralco, pinutulan (ng kuryente), at kinasuhan. Siyempre, dahil may matinding kaso siya, hindi siya basta-bastang puwedeng magpabalik ng linya.   Kung ikaw ay bigtime na drug pusher na hindi puwedeng mabuhay na walang ref (taguan malamang ng damo) at aircon, ano ang gagawin mo?

Eto ang ginawa ng walanghiya: bumili ng sariling generator. Pinuwesto sa labas ng gate. Blackout ang buong kalye, pero bahay niya lang ang may ilaw. Hanggang madaling araw, na kung kelan balot na dapat sa katahimikan ang paligid, may eskandalosong makinang ayaw tumigil sa pag-atungal. Ang buhay ng drug lord nga naman.

Sa ikauunlad ng bayan, droga ang kailangan.


Illustration by Warren Espejo


Tell us your #feels!

Win
3
Yum
LOL
WTF
3
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!