Lourd de Veyra: PCOS of You

Lourd de Veyra on the PCOS machines, the lack of election drama and the partial results of the automated elections.


 

Masarap ang vodka pag may tonic water at ilang hiwa ng lemon. At maraming-maraming yelo. Bagay na bagay ang timpla ng dalawang inuming ito: binabalanse ng bula at tabang ng tonic water ang tapang ng vodka. Suwabe sa dila at lalamunan. Lalo na pag natuldokan ng asim at bango ng lemon. Hindi puwede ang Sprite kasi masyadong matamis. Pag juice naman, nagiging lasang gamot.

Dahil liquor ban nung Sabado hatinggabi, nag-stock na ako ng, ehem, refreshments. Mahirap ang walang alak pag mainit ang araw. Mahirap din ang walang alak sa araw na tinuturing ng lahat na makasaysayan. At pag binabasa ko minsan ang comments section sa blog na ’to, laging sumasakit ang ulo ko, napapainom, at naghahanap ng Valium.

Madugo ang nakaraang Sabado at Linggo sa Project 2. Hindi-wala namang nagpatayan, pero madugo dahil ubos na ang yelo sa mga tindahan. Wala nang laman ang freezer ng 7 Eleven. Kahit sa katapat na bakery, mainit na rin ang mga ulo ng tindera (siguro kasi malapit sa pugon, at kinukulit sila ng mga lasing na tricycle drivers). Walang kwenta ang alak pag walang yelo. Lalo na pag mamahaling vodka ang titirahin mo.

Linggo ng gabi. Marami nang stock ng yelo sa 7 Eleven at ang katapat na bakery. Pero bawal na ang alak, buti na lang at naging maagap ako. Uminom ako. Naparami sa vodka.

Lunes. Matinding hangover. Pero ito lang ang tanging estado ng utak sa isang makasaysayang araw. Paano ba nagiging makasaysayan ang isang araw? Historic sa ’kin yung nakapunta ako sa bahay ni Joey de Leon sa Green Meadows. May 10 Elections. Go out and vote daw. Good versus Evil daw.   Sabi nila ako daw ang simula blah blah blah. Siguro. Pero iskor muna ako ng Tylenol. Sakit pa ng ulo ko.

Ang daming tao sa labas ng Quirino Elementary School. Parang karnabal sa ingay at aligaga. Ang baboy ng area, na nilamon ng masukal na gubat ng posters, banderitas, at leaflets. Nalulunod sa baha ng kalat ang bangketa. Halos takpan na ng mga krus-krus na banderitas at tarpaulin ang araw. Naghahalo ang amoy ng fishball, lechon manok, at pawis. Kanya-kanyang tent ang mga supporters (lahat mukhang goons) ng mga kandidato at nagkakalabasan na ng mga styro packs na may adobo at maraming maraming kanin.

Ang init. Tinanong ko sa PPCRV volunteer, "Miss... paano kung wala akong gustong ibotong presidente o konsehal? Paano kung ayokong pilitin ang sarili kong mamili mula sa hanay ng mga olats na kandidato? Hindi ba karapatan ko naman yun bilang isang mabuting mamayang nagbabayad ng buwis nagpakita ng katapatan sa Saligang Batas?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I-blanko niyo na lang po," sagot niya sabay takip ng ilong. Pinakamagandang payo na narinig ko in the past few months.

Nagpasalamat ako, pumunta sa assigned classroom, nagpakita ng I.D. at inabutan ng balota. Bigla kong naisip na dapat pala nagdala ako ng cooler na may lamang vodka tonic na maraming yelo at lemon. Initiman ko ang mga dapat itiman. Pinasok sa PCOS machine ang balota. Yun na. Ganun lang ka-simple. Walang drama.

Tinitigan ko ang PCOS machine. Hindi naman lahat ng made in China ay jologs ang kalidad. Pero nung nakaraang linggo, abot-lalamunan ang bayag ng lahat dahil pumalpak ang mga CF cards ng PCOS machines. Sa puntong ito, pagtri-tripan mo na lang ang tunay na ibig sabihin ng PCOS:

Precint Count Optical Scam; Piece of Crap, Outright Stupidity; Palpak CF card, Overpriced Shit; Philippines’ Corrupt Operating System; Parang Comedy O Sitcom; Parusa, Cause of Suffering; President’s Chance to Over-Stay; President Cory’s Only Son; or.... Putangina Comelec, Over sa Suspense.

Pero kinilig ako nang sabihan ako ng makina "congratulations!" Kahit sa loob ng ilang segundo lang, kumislap ang tiwala ko sa Sistema-pero konti lang. Gaya nung una akong nakasakay sa MRT na lumulutang sa ibabaw ng trapik sa Edsa. Gusto kong maluha-hudyat na nga ba ito ng pagpasok ng Pilipinas sa modernong mundo? Simbolo ba ito ng paghinog ng kolektibong kamalayan ng sambayanan?

Pero inisip ko: baka lasing lang ako.



Suwerte ang mga tao dito sa Project 2. Walang sabit ang pagboto. Walang mahabang pila. Walang naghahampasan ng silya. Mas matagal pa ang inantay ko sa sukli ko sa 7 Eleven nung bumili ako ng malaking-malaking Slurpee. Balak ko sanang haluan ng vodka yung Slurpee pero natunaw agad bago pa ’ko nakalabas ng tindahan.

Nanood na lang muna ako ng TV pagkauwi ko. Dahil mainit sa labas, tumira pa ulit ako ng isang baso pa ulit ng vodka tonic. May lasa pa naman yung lemon. Masama lang loob ko dahil kagabi hindi ako nakanood ng Asian Food Channel para titigan yung crush ko na si Laura Calder.

Siyempre nakatutok ako sa balita. Ilang beses kong narinig ang salitang "kaganapan" na tiyak na magpapainit ng ulo ni Rio Alma.

Paangasan ng set. Kanya-kanyang yabangan sa pagka- high-tech ng mga gimik: mga 3-D graphics, higanteng TV na dinadaliri ang screen para galaw-galawin ang mga imahe, mga matatalinong political analyst na nagbibigay ng kuro-kuro, mga computerized na mapa na parang magic na biglang sumusulpot sa harap ng news anchor (hayup!).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masarap ang vodka at tonic water na may lumulutang-lutang na hiwa ng lemon. Pero lumabas sa ilong ko ang vodka tonic at gumulong ako sa katatawa nang mapanood ko ang bagong gimik: dun sa isang network, kunwari lalabas ang field reporter sa harap ng host na parang eksena sa Star Wars. Ibang klase na talaga ang news ngayon, ’pre-may theme song na, may ispeysyal epeks pa. Pero wala akong nainitindihan sa report kasi manghang-mangha ako dun sa mala-teleportation effect: parang nasa multong nasa harap lang ni Ted Failon yung correspondent na nasa Abra.

Nang nahimasmasan na ako, pinanood ko ang sari-saring eksena sa iba-ibang lugar sa bansa. Mahahabang pila. Mga taong nagpapaypay at kumakain ng ice cream. Si Noynoy pawis na pawis ang bumbunan. Pumalpak na PCOS machines. Mga reporter na delayed ng 6 seconds ang sagot. May barilan sa Maguindanao at Abra. (Mukhang wala nang solusyon ang gulo diyan. Siguro dapat i-deklarang independent republic na ito. Kasama ang Maguindanao, Lanao, Masbate, at lahat ng "exciting" na probinsya. Hindi naman siguro ikamamatay ng kasarinlan ng Pilipinas kung mawala sila sa atin).   May mga artistang tumatanggap ng mga sumbong at angal sa telepono-at pinupuri ang mga sarili nila dahil ginagampanan nila ang tungkulin nila para sa bayan at demokrasya.

Napainom ulit ako ng vodka tonic. Maraming yelo, siyempre.

Maraming boto si Acosta, na matagal nang na-disqualify ng Comelec. Either marami lang talagang mangmang sa mundo na no-read no-write, or talagang mahal lang ng taumbayan si Acosta. Napainom ulit ako ng vodka tonic.

Balita sa gabi. Medyo may amats na ako. Maliban sa nag-overheat na PCOS machines, kaunting alingasngas sa Maguindanao, Marawi, Lanao, at Abra, walang drama nung araw ng May 10. Walang pumutok na bulkan. Walang mga sundalong lumusob sa Malacanang. Walang kandidatong tinadtad ng bala. Walang brownout na nangyari sa mga headquarters ng Comelec at PPCRC. Walang sinunog na eskuwelahan at minasaker na mga titser. Inalog-alog ko ang baso para maghalo nang maayos ang vodka at tonic water.

Pero.... da magic of automation! May mga resulta na agad mula sa iba’t-ibang parte ng bansa. Walang titser na nagro-rolyo ng Manila paper. Nangunguna si Noynoy at si Binay sa bilangan. At si Bong Revilla ang topnotcher sa senado. Ramon "Bong Revilla" Revilla!

Napasindi na lang ako ng yosi at nagbukas pa ng isang bote. Ubos na ang vodka. Pero may Red Horse pa. Putangina, si Lito Lapid number 9 sa tally. Uminom na lang ako hanggang mawalan ng malay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Click here to read the "The PCOS Saga: Happy Ending or May God Help Us All?"


This is a Crazy Planets is available in newsstands, bookstores and supermarkets nationwide for only P195. For more information, click here.

Artwork by Warren Espejo.

Tell us your #feels!

Win
1
Yum
LOL
WTF
1
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!