(SPOT.ph) Tutal, lahat may Dolphy tribute. Siyempre ako rin.
***
Timing is everything. Climactic ang pagpanaw ni Dolphy. Hanggang sa huli, hanep pa rin ang timing.
Tinapos muna ang Impeachment at ang paghatol kay Corona. Walang kasabay na malaking national news. Timing is everything. Isipin mo na lang kung sumabay ito sa hatol kay Corona.
***
Habang sinusulat ko ito, pinapalabas sa cable ang Bornebol (1974). Puting sapatos at pantalon na suwabeng-suwabeng nagpapa-talbog-talbog sa mga batuhan ng Baguio, ka-duet ang anak na si Rolly na kumakanta ng "Tie A Yellow Ribbon" na may mash-up ng lyrics ng "Pamulinawen." Napaka-graceful kumilos. Ang lambot ng balakang, suma-sidestep ang mga paa na parang batang basketbolista, tapos biglang pipitik at aangat at lalanding sa bench. Hayup. Considering 46 years old na siya nung ginawa niya ito.
Tinitingnan ko yung mga pictures sa autobiography niyang Dolphy: Hindi Ko Ito Narating Na Mag-isa (As told to Bibeth Orteza; 2008, Kaizz Ventures). Ang payat-payat pa ni Dolphy sa mga early pics-singnipis ni Epy, o mas manipis pa. May ilan dun yung sumasayaw siya . Nakabaluktok ang mga tuhod, parang nakatingkayad. Alam kong side-to-side ang movement nito. Hindi ito madali.
Ang sarap lang tingnan ng mga lumang black and white clips: para silang lumulutang lang sa entablado pag sumasayaw, like it's the most natural thing in the world. Parang nasa ulap ang mga paa, kumi-crisscross ang mga tuhod. Si Dolphy at si Bayani Casimiro.
Sayaw ang foundation ng maraming bagay sa mundo. Ang galaw ng mga planeta sa kalawakan ay isang misteryosong sayaw. Ang sayaw ay isa ding uri ng laro. Ekspresyon ng kalayaan "Dancing is a vertical expression of a horizontal intent." Sa kaso ni Dolphy, mukhang maraming beses naipahayag ang intensyong ito.
Ang graceful nilang lahat sa mga pictures. Si Dolphy. Si Panchito. Si Bayani Casimiro. Naka-tuxedo sila sa Buhay Artista. Once upon a time, ang liliksi nilang kumilos. Once upon a time hindi nila kelangang saksakan ng oxygen sa ilong. Once upon a time hindi sila nakaratay sa ICU. Nakakalungkot lang isipin na lahat sila ay patay na.
Eto na siguro ang sinasabi nilang end of an era.
Pinanood ko ulit ang Hiwaga ng Ibong Adarna (1973), isa sa mga all-time-favorite kong Dolphy movies. Directed by Pablo Santiago, ito'y super-wasak na treatment sa classic na fairy tale. Pantasyang Arabiano kunwari ang setting pero jeproks na jeproks ang sensibilidad ng humor.
Pero ganun talaga. Lahat tayo darating din sa puntong ito. Co-pilot natin ang gravity. Dumating sa punto na hindi na ito yung Dolphy na nakita natin.
Ito yung mga panahong hindi pa "pinapatay" ng mga pirata at SM ang mga pelikula. May trabaho pa noon ang mga extra, character actors, at stuntmen sa Magnatech Studios.
May pattern ang mga routines ni Dolphy. May sasabihin siya. May isasagot si Panchito. Babatukan si Panchito. O kaya babatukan ni Panchito. Babatukan ang extra. May iinisin at gagantihan, pero iilag at tatamaan ang sidekick. O para mas markado ang pisikal na elemento, tatamaan ang ilong ni Panchito. O kaya ang baba ni Babalu. Importante ang mga sidekicks, extra, at stuntmen sa mga pelikula ni Dolphy. Kelangang may sasabuyan ng ihi o kung anong mang bodily fluid. Kelangang may mga nagpupusoy at magtatakbuhan palabas ng funeraria pag biglang tumayo ang bangkay. Marami sa kanila ang wala nang trabaho.
A scene from Da Best in Da West Part 2
A few hours bago ang libing ni Dolphy, pinalabas sa cable ang Da Best in Da West Part 2. Kasama niya si Lito Lapid. Detectives kunwari sila. Boss nila si Babalu na na-injure nang malubha. Ihing-ihi na si Babalu kaya tinawag niya si Dolphy para sumama sa banyo.
Siyempre, angal si Dolphy. "Naghihintay ang promotion mo!" sigaw ni Babalu.
Umiling-iling na lang si Dolphy. Naglabas ng chopsticks.
"Ano kala mo dito?" singhal ni Babalu. "Lumpiang shangai?"
Walang nagawa si Dolphy. Kinamay na lang. After a few seconds, umangal si Babalu.
Parang may mainit daw. Yun pala nung tanghalian kanina humawak si Dolphy ng siling labuyo.
Walang dating pag binasa mo lang, di ba? Pero kadalasan sa comedy ganun. Minsan it's not really what you say as much as how you say it. Timing. Delivery. Facial expression. Dapat hindi OA. Sakto lang. Ang mga OA na artista ay parang mga manunulat na binubudburan ng sandamakmak na exclamation points ang mga sentences. Alam mo kung kelan ka titigil at kung kelan ka tutuloy-tuloy. Kung kelan bibitiw at kelan dudutdutin ang punchline. Hindi yun madali. Art yun, tangina. Hindi mo puwedeng ituro ang timing.
Injustice ang tawaging "comedian" lang si Dolphy. He also happens to be an excellent actor- nagkataon lang na pagpapatawa ang napili niyang genre. Hindi ako artista, pero palagay ko comedy ang pinakamahirap sa lahat. Ang tuwa ay isang emosyon na hindi mo puwedeng dayain. Hindi puwedeng mapeke ang pagpapatawa. "Either you're funny or you're stupid," sabi ni Direk Joey Reyes. Kahit sabihin mong tatlong dosenang creative committees-armed with iPads-ang pagsama-samahin mo (Think about it: sina Ading Fernando nga, sa kaha lang ng sigarilyo nagsusulat ng script). Kahit gaano pa karaming canned laughter ang isundot mo. Hindi lahat ng nagko-cross dress at nagba-bakla-baklaan ay nakakatuwa. Hindi lahat ng binabatukan ay nakakatawa. Ang komedyanteng hindi naman nakakatawa ay nagmumukhang tanga. Nakakainis. Ang sarap sapakin.
Lalo na ang sayaw. May isang tribute show sa TV. May dalawang binatilyong hindi ko kilala ang sumasayaw ng mambo- ginagaya ang choreography ng lumang clip ni Dolphy and Georgie Quizon. Bad idea. Kung ano ang lambot ng katawan ng Quizon brothers, parang nag-aalugang lata ng mantika ang dalawang binatilyo. Napakalayo. Dapat hindi na lang nag-cut-to-cut sa luma.
Nainis ako. Nalungkot ako. At naglipat na lang ng channel.
Heto ang ilan sa mga aral na puwede nating mapulot mula sa buhay at mga pelikula ni Dolphy.
• Laging maging humble. Kahit na ikaw ang pinakamahusay. Paulit-ulit nating narinig ito nung isang buong linggo sa halos lahat ng interviews. "Simple," sobrang bait," "matulungin," "mapagbigay," "totoong tao," "down-to-earth," walang pagiimbot at kung ano-ano pang mga katangian. Minsan nagtataka ako: Bakit kaya? Puro kupal na ba ang mga tao sa showbiz ngayon? Siguro. Minsan nga, extra lang sa mga soap at TVC, kala mo kung sino na kung makalakad sa lobby ng mga estasyon. Hindi pa sikat, nuknukan na ng yabang. Sigurado akong deep down inside si Dolphy mismo ay tumatayo ang balahibo pag tinatawag na "hari" ng kung ano-ano. Hindi siya madamot na artista sa maraming bagay. Hindi madamot sa pagabot ng tulong, pera, oras o kaligayahan, kakilala man nya o hindi. Ang leksyon, kahit sino ka pa, talk show host, presidente ng bansa, kongresman, baranggay tanod, shabu pusher...It pays to be nice-always.
• Wag na wag pababayaan ang mga anak. Kahit gaano karami. "Pag nalahian mo.Wag mong pabayaan." Yan ang sinabi noon sa akin ni Laguna Governor E.R. Ejercito sa isang interview. At considering Ejercito siya, mukhang legit pakinggan ang statement na ito.
• Hindi kailangang saksakan ng guwapo para maging ladies' man. May pag-asa pa pala. Mabait at pagiging simpatico. Yan ang siguro ang sikreto-at hindi ang kung ano-anong bahagi ng iyong katawan. By the way: ayon sa kanyang autobiography, ipinaliwanag niya ang urban legend tungkol sa kanyang "bombilya." Sabi niya sa page 155 (Chapter 12, 'To all the Girls I've Loved Before'): "Kumalat 'yon after lang ng El Pinoy Matador. Ang costume kasi ng torero, tuwing isusuot mo yun, walang underwear so hapit na hapit. Yung mismong puwet na puwet sa likod, at pagka-humarap ka, naka-marka talaga 'yong iyo, parang bombilya."
• Suwabe ang all-white na getup. For several days in July, white is the new black. Pero kung ganun naman ang "mitolohiya" tungkol sa 'yo, kahit siguro neon pink ang suot mo.
• Kung gusto mong maunawan ng sangkatauhan, maglabas ka ng autobiography. Kung pinanganak ka before 1995, kailangan mong magsulat ng aklat ng buhay mo. Para maayos ang mga tsismis-tsismis (refer to bumbilya a passage above). Sa aklat, ikwento mo lahat. Wala kang dapat itago, mula sa lahat ng iyong naging babae hanggang sa mga anak at pati na rin ang kanilang mga pag-ibig, tagumpay, at hinanakit sa iyo. Unless may kailangan ka ngang itago. Ilista mo ang buong filmography mo. Hanggang sa aklat ng kanyang buhay, hindi naging madamot si Doplhy sa kwento at detalye. Kaya tingnan mo ang tributes at pagbabalik-tanaw sa lahat ng channel, detalyado. Andaming material. Hindi na pinahirapan ang mga researcher.
The trailer for Father Jejemon
• Sasabihin ng tao na mahal ka nila. Pero... Eto lang ang hindi ko maintindihan: kung mahal na mahal ng Pilipino si Dolphy, bakit kaya naging kulelat sa takilya ang Father Jejemon, na nilampaso ng mga pelikula nila Ai-Ai delas Alas at Vic Sotto sa 2010 Metro Manila Filmfest? Dumating ba sa punto na nagsawa na rin ang audience sa kanya? Bakit? Hindi naman siguro sa ibig sabihin nito'y nawala na ang ningning ni Dolphy. Generational nga ba ang pagpapatawa? Oo, pero marami pa rin siyang batang fans. Hirap na nga ba siyang kumilos? Awkward na ba? Dated na ba ang humor niya? Pilit nga ba ang konsepto dito ng jejemon? Ewan. Hindi ko rin napanood eh.
Bakit siya binitawan ng television network diyan sa may Mother Ignacia kung talagang sinasabi nilang siya ay National Treasure? Bakit ang mga kung sino-sino lang ay kaliwa't kanan ang mga shows na wala namang kwenta?
Hindi na relevant ang humor ng mga last few films ni Dolphy? Once upon a time, nasa pulso niya ang zeitgeist. In na in siya. Nauna pa siya kena Mike Myers at Rowan Atkinson sa pag-spoof kay James Bond. Ginawa niya ito sa pelikulang Dr. Yes, Genghis Bond, at Dolpinger. Spoofs ba kamo? Eto: Pasiklab ni Long Ranger, Tansan Vs. Tarsan, Scarface at Al Capone, James Batman, Anthony at Cleopatra, Pinokyo en Little Snowhite, The Seven Faces of Dr. Sibago, Adolpong Hitler, Cyrano at Roxanne, Dracula Goes to RP, Fung Ku, The Goodfather, Kisame Street, Taho-Ichi, Goatbuster sa Templo ni Dune, Action is Not Missing, Enteng the Dragon.
Nag-survey kami sa burol ni Dolphy sa Heritage. "Ano ang paborito mong pelikula ni Dolphy?" 90 percent ng sagot ay "Home Along the Riles" or John En Marsha. May pakonti-konting magsasabi ng Tatay Nic. Merong pailan-ilang Facifica Falayfay at Ang Tatay Kong Nanay. Ano ang ibig sabihin nito? 1993 lang ang Home Along. Baka nalilito sila sa sitcom vs. pelikula. O kokonti na lang ang buhay na nakakaalala ng mga mas obscure na titles gaya ng Mekeni's Gold, Mga Bagong Salta sa Maynila, at Superhand.
At ngayon patay na siya, ano na'ng mangyayari sa atin?
Oo, malulungkot ako. At least, si Dolphy iniyakan ko. Walang nakakahiya dun. Si Dolphy naman yun eh. Hindi na dapat pinapansin ang mga ignoranteng kritiko, na kung ano-ano ang sinasabi. Na hindi na raw kelangang gawin pang National Artist si Rodolfo Vera Quizon. Gumawa na lang daw ng kakaibang award. Ano, bakit? Dahil hindi nagbi-Brecht si Dolphy? Dahil pinapalabas sa mga sinehan sa Cubao at Avenida ang mga gawa niya? Mga putanginang elitistang snob. Kala mo kung sino. Limang tao lang naman ang nakakakilala sa inyo-outside your stupid classes. Pag namatay kayo tingnan natin kung lalagpas sa lima ang iiyak.
Matindi ang nagawa nitong mamang ito. Mahirap makuha ang pagmamahal ng mga Pilipino. Sobra tayong mapanghusga. Ang swerte ng mga nakasama niya sa buhay at sa trabaho. Pero ako maswerte rin kasi nakasama ko din si Mang Dolphy tuwing nanood ako ng telebisyon, ng sine o nakikinig ng mga lumang plaka sa tugtugin na ipinamana nila ni Panchito (Superpanalo ang The Best of Dolphy and Panchito, lalo na ang kantang "Family Planning," which is sung to the tune of the classic ska anthem "Big Monkey Man." Hindi pa uso dito ang ska, hipster na si Dolphy and Panchito.)
Dolphy and Panchito’s "Family Planning"
***
Lahat may Dolphy story. Kesyo producer ka man, director, scriptwriter, production assistant, at extra sa set, o kahit vendor ng balut at sampaguita sa bangketa.
Siyempre meron din ako.
Dolphy and Panchito
Taong 1995 namatay si Panchito. Batang reporter lang ako nun. Kinailangan kong interbyuhin si Dolphy para sa Philippines Free Press. Nakakuha ako ng isang oras na sked thru his manager Rene Pascual. Nagulat ako. Sino ba naman ako, di ba? May isang starlet nga (laos at pangit at mataba na ngayon, siyempre) hirap na hirap ako.
Kaya siguro nagtatagal ang mga gaya ni Dolphy.
Pinuntahan ko siya sa Bon Appetit sa Rustan's sa Glorietta, mga brunch time. On time ako pero andun na siya. Naka-all white, pati cap. Nagkakape lang sa isang table; yung mga alalay- at marami sila-nasa isa. Una kong napansin: sobrang seryoso. Hindi nagbibiro. Or parang pagod lang. Medyo kinabahan ako. Ito yung taong pinapanood ko sa TV tuwing hapon. Ito yung nagpapangiti sa akin. Ito si Dolphy, tangina.
So nag-interbyuhan na kami. Nagse-senti dahil nami-miss niya si Panchito. Magpa-pasko pa naman. Medyo mahirap, kasi every two minutes may lalapit at kakamay sa kanya. Kahit sa isa never siyang nag-suplado. May lumapit sa kanya na mukhang mas matanda pa. "Idol ko po kayo...Kaso may edad na ako." Sagot ni Dolphy: "Okey lang 'yan. Basta ang importante nakakasampa ka pa."
Lumipas ang isang oras. Nagpasalamat na ako. Inaantay niya lang daw si Vandolph mula sa school. Kinapalan ko mukha ko: "Mang Dolphy, baka puwedeng samahan muna kita habang nag-aantay."
Naghiwalay kami mag-aalas siyete na ng gabi.
At para sa article na yun, nanalo ako ng award. Nga lang: ngayon hindi ko na siya mahanap. Nalimutan ko na rin ang mga pinagsususulat ko, except for one question na nabasag din ako sa sinagot.
"Mang Dolphy...May tsismis kasi..." Hirap ako. Tinamaan ako bigla ng hiya. Gusto kong itanong yung mga kwento-kwento na gumagamit daw siya ng suction pumps na 'pampalaki.' Hindi ko rin alam, bigla na lang lumabas sa bunganga ko. "Na gumagamit daw kayo ng...mga aparato."
"Aparato? Ah, wala. Hindi," sumagot na lang bigla, medyo natatawa pa. "Eh pag tuyo... ino-oral ko muna."
Satori moment.
Dapat ang buhay parang Dolphy movie nung '80s. Kumpleto ang elemento. May patawa, may iyakan sa gitna, may suntukan at barilan pagkatapos (kadalasan may kinikidnap na anak), pero ang ending, dapat lahat ay masayang kumakanta at sumasayaw sa beach o kaya sa park. Walang denouement. Rising action pa rin hanggang sa dulo. Masaya lagi ang climax. Freeze frame. Roll credits. Lahat naka-embalsamo sa ngiti. Habambuhay nakalutang sa ere. Dapat ang buhay nating lahat parang ganun. Kaso hindi. Pero may mga alaala naman. O kaya DVD player. O YouTube. Pero wala pa ring katapat ang alaalang nabuo hindi lang kay Dolphy pero pati na rin ang sa pamilya mo. At ng sa akin.
Kung sinasabi nila na sa Mindanao daw ay binabaril ang screen pag sinasaktan ng mga kontrabida si FPJ, si Dolphy naman, nagiging dahilan para mag-celebrate. Kumbaga parang ice cream, o cake, o fried chicken. Pag nagkakasama-sama ang buong pamilya. Pag may grumadweyt o nakakuha ng mataas na grado sa school. Kakain muna sa panciteria, dadaan sa ice cream parlor, at diretso sa sinehan para manood ng Dolphy movie.
Pati tatay kong pulis Maynila, na sisiga-siga at laging sinasabing, "Ang corny naman ng Daddy Knows Best na yan eh!" nakita kong palihim na humahagulgol sa eksenang pinapalayas ni Dolphy si Maricel Soriano at si Snooky.
***
Mukhang hanggang sa hukay, gumagawa pa rin ng milagro si Pidol.
Namatay si Dolphy sa eksaktong oras na 8:34 pm. At ang balitang pumutok nung makaraang dalawang araw: marami taong tumama nang tumaya ng '834' sa Lotto. Only in the Philippines-kung saan umiiyak ng dugo ang mga rebulto, nanganganak ng isda o di kaya'y sine-Cesarean ng mga buntis ang mga sarili nila. Hindi ako magugulat kung balang araw ay magkaroon ng panukala na gawing santo si Dolphy ng Vatican. At kung sakaling matuloy, Dear Lord, Dear Saint Dolphy, nawa'y basbasan at gabayan ng kanyang espiritu si Anabelle Rama. At siguro si Amalia Fuentes na rin.
(May kumakalat na salbaheng text joke. "Dear God, kinuha mo na po ang favorite kong action star na si FPJ. Tapos kinuha niyo na rin po ang favorite kong rapper na si Francis M. Kinuha niyo na rin po ang favorite kong singer na si Michael Jackson. Tapos yung favorite kong comedian na si Dolphy naman. God! Gusto ko lang pang malaman niyo na si Gloria Macapagal Arroyo ang favorite kong presidente. AMEN.")