Si Bathala, ang mga Obispo, at ang Boksingero

Our favorite SPOT.ph blogger on Manny Pacquiao and the "lucky punch"

 

"Defeat has a dignity which noisy victory does not deserve."-Borges


(SPOT.ph) Aba'y siyempre. Wala nang hihirit na, "Tama na! Bugbog na bugbog na ang topic na 'to mula pa nung Linggo." Pero siyempre, tuwing laban ng Pambansang Kamao, lahat ng tao may karapatan maging boxing analyst. Lahat nagiging eksperto sa sports, sa biology, human kinetics, sa psychology, sa history, politika, at marami pang iba. Sa blog na ito, aba'y dapat makikisawsaw rin tayo.

"Lucky pants." Ito ang excuse ni Pacquiao sa mga interbyu. Tinatanggal ng elemento ng suwerte ang lahat ng posibilidad ng plano, estratehiya, galing, at pagsasanay. Ergo, ang gustong sabihin ni Pacquiao ay "Actually, na-tsambahan niya lang ako." Ano naman ang gracious sa hirit na ito?  

"Power" and "speed" ang mga aspektong tinutukan ng training ng Mexicano. "Our focus is improving accuracy and speed," sabi ni Nacho Berestain, trainer ni Marquez. Tingin ko naman, hindi babagsak si Pacquiao kung wala itong "power" at kung kulang ito ng bilis, eh di hindi dapat nanaginip si Pacquiao sa ring ng MGM.

Eh kung "lucky pants" ang usapan, di ibig sabihin ay naka "lucky pants" din si Pacquiao kay Hatton? Sa mga panahong ito, wala nang tsamba-tsamba sa siyensiya ng boksing.

••
Grace and dignity? Aba, dapat lang. Hindi ka naman puwedeng sumigaw ng "We wuz robbed" o dinaya ka sa scoring- kitang-kita ng buong mundo kung paano ka pinatulog sa ring.  Kusang lumusob si Pacquiao at pinangsalubong ang mukha sa humahagibis na kanan ni Marquez. Hindi ka naman sinapak nang patalikod. Hindi ka naman sinipa sa bayag habang nakatalikod ang referee. Ano pa ba ang puwede mong palusot? Pinulikat ka? Umiinom ng ihi ang kalaban mo? Sabagay, dating naakusang pusher ng performance-enhancing drugs ang strength-and-conditioning coach ni Pacquiao.

Tama ang isang boxing commentator, hindi raw dapat "lucky punch" kundi "perfect punch."

••
Mas natatakot ako sa ngiti at kompiyansa sa mukha ni Pacquiao pagkatapos nung laban. Isang nakakapantayong-balahibo dito ang isang Pacquiao na, pagkalabas ng checkup sa ospital, ay nagbibiro sa harap ng kamera. Clowning around- parang emotional defense mechanism. Alam mo namang hindi siya ganun- siguro ay hindi lang ito sanay sa pagkatalo.

Ginatungan pa ng media: pagod at talunan ka na nga, ipapakausap pa sa iyo ang nanay mong naghuhuramentado- naghuhuramentado dahil kinalimutan mo na ang rosaryo. Umagang-umaga, sesermonan ka na parang batang nahuling namboboso ng kapitbahay- on national TV.

Of course, lahat naman ay dikta ng Diyos. Pero ano namang mensahe kaya ang gustong iparating ng Diyos kay Pacquiao? Kung kelan pa siya nagsimulang maging relihiyoso, kung kelan pa niya tinalikuran ang mga bisyo- sugal, babae, atbp?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 



Ang mahirap sa relihiyon, parang si Cherry Pie Picache at Eugene Domingo (bago siya naging superstar) sa mga pelikula. Nandun ito sa halos lahat ng eksena. Hindi lang yun- nanunuot sa halos lahat ng uri ng usapin.

Naaalala ko bigla ang ermat ko: na laging iniuugnay ang lahat ng kamalasan ko sa buhay sa hindi ko pagsimba. Nasiraan ng kotse? Hindi ka kasi nagsimba. Hiniwalayan ng siyota? Hindi ka kasi nagsimba. Nilubog ni Ondoy ang bahay mo? Hindi ka kasi nagsisimba. Maraming namatay sa delubyo at lindol sa Pakistan? Ibang diyos kasi ang sinasamba nila. Nilindol ang Haiti? Doon kasi galing ang voodoo. May ganun din siyang opinyon sa mga kamag-anak naming biglang nag-"born again." Si Tito Ganyan mo, kaya naghiwalay sila ni Tita Ganyan? Tinalikuran ang simbahan! Si ganyan, kaya may cancer? "Sumali kasi sa kulto!"

Siguro obispo rin ang Ermat nung nakaraang buhay.

Mabuti na lang at hindi pa nagbunganga ang mga banal na obispo sa pagkatalo ni Pacquiao. Gaya na lang ng nakakairitang pag-uugnay ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo sa Bagyong Pablo sa nalalapit na pag-usad ng RH Bill sa Kongreso. Sabagay, kakampi naman nila ito sa pagtutol sa RH Bill, kaya quiet lang sila. Sabagay, marami namang anyo ang trahedya.

Kung susundan ang baluktot na lohika ni Bishop Pabillo, ni Ermat, at ni Nanay Dionisia, may seryosong "abandonment issues" ang diyos ng Vatican. Masyadong sensitibo at seloso at mabagsik magtampo- lindol, baha, bagyo, at pagdurog sa ligaya at dangal ng isang populasyon. Ito pa rin yata ang mapaghiganti at mapagmaktol na diyos na pinakisamahan ni Moses sa Lumang Tipan. Dahil hindi ka lang nag-sign of the cross, matatalo ka sa laban. Dahil tuwing pinipilit ng maraming kongresista, senador, at pangulo ng bansa ang RH Bill, nilulunod ng diyos ang Pilipinas.

Diyos ko naman. 2013 na, ’tol. Bakit ganito pa rin sila ka-medieval mag-isip?

••
Ang tanong ngayon: oras na bang tumigil si Pacquiao sa pagbo-boksing?

Parang sugal lang yan. "One-fight-too-many syndrome." Parang sugarol sa casino na humihirit ng isa pang hila sa slot machine. Parang biktima ng pyramiding scam na tumubo na ng kalahating milyon, pero imbes na umalis, in-invest pa kasama ang bahay at kalabaw kasi gusto pang makarami. Naging ganid. Hindi alam kung kelan dapat umayaw.

Pero kung susundan ang ganung lohika, eh di dapat nakuntento na lang si Pacquiao sa pagiging panadero at tindero ng donut? Eh di dapat tumigil na rin siyang maglaro nung ma-knock out siya nung 1999? Lahat naman ng atleta ay nakaranas na ng pagkatalo sa iba-ibang paraan.  

Siguro ang isyu lang dito ay- sa harap ng isang pambihirang karera (eight world titles sa iba-ibang dibisyon)- ay kung dapat na bang tumigil habang namamayagpag ka pa? "Quit while you're ahead," ika nga. ’Wag mo nang antaying mapahiya ka pa sa mas karimarimarim na paraan. Magretiro ka na habang may natitira ka pang dangal.

Buti pa si Freddie Roach. Alam niya yan. Twenty-seven years old siya nung sinabihan siya ng trainer niya na si Eddie Futch na tumigil na siya. Pero nagpumilit pa rin si Roach at wala ring nangyari, kaya nung nawalan ng trabaho ay umistambay sa mga inuman at lumubo nang 50 pounds. Pero bumalik siya kay Futch para magtrabaho bilang assistant trainer. Sabi nila, mas gumaling pa daw siyang trainer kesa sa isang boksingero.

Sabi ni Roach, alam niya ang mga sinyales ng Parkinsons Disease. Alam kung kelan patigilin ang alaga niya. 23 title holders. Ayon sa HBO 24/7 na dokyu na The Freddie Roach Story mahigit sampung fighters sa ilalim ni Roach ang pinayuhan niyang tumigil nang maglaro. Kasama na diyan si Gerry Penalosa. Pero ayon kay Roach, "Eh ano ngayon kung bumagsak at nakatulog? Boksing yan. Nangyayari talaga yan." Puwede pang lumaban yan. Knock out lang yun- hindi masaker sa Maguindanao.

Pero hindi natin lubos na maiintindihan ang utak ng mandirigma. Nabubuhay ang mga ito para lumaban at hindi mag-balanse ng mga resibo (although hindi rin masamang pangitain yun, kung ang mga numero at tala ay diretso sa sarili mong bank account). Ibig sabihin, lalaban at lalaban talaga yan. Sabi nila, mas marami pang mas matindi pang ininda sa buhay si Pacquiao kesa isang knockout lang.  Si Rustico Torrecampo, ang unang nagpatulog kay Pacman nung 1996, ngayon ay nagbebenta ng mami sa may Tondo. Ang tawag sa kanya: "Mami Pacquiao."

Dapat malaman ni Pacman na ang kasaysayan ng boksing ay punumpuno ng kuwento ng matitinding comeback. Marami nang kampiyon ang pinatumba at napahiya pero nakabalik pa rin. Oscar dela Hoya: dinurog ni Bernard Hopkins sa 9th round at tumigil lumaban ng dalawang taon, pero nakabalik para kunin ang WBC Light Middleweight Belt. Si Muhammad Ali ay tinanggalan ng gobyerno ng championship pero nakabalik para patumbahin si George Foreman nung 1974.

Pero kung comeback ang pag-uusapan, wala nang tatalo kay George Foreman. Ginulpi ni Alex Stewart at binugbog ni Tommy Morrison nung '93. Nung '94, nagpumilit pa ring lumaban sa mas batang heavyweight champ na si Michael Moorer- kahit 45 years old na at saksakan ng taba! Pero matibay si tatang at sinalo lang at tiniis ang mga malalakas na suntok. Sa tenth round bumagsak si Moorer. Champion ulit si Tatang George. At ngayon ay mas champion ang binebentang George Foreman Lean Mean Grilling Machine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tell us your #feels!

Win
3
Yum
LOL
2
WTF
5
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!