Four Hundred and Twenty-Five Flying Elephants: Gabriel Garcia Marquez, R.I.P.

SPOT.ph blogger Lourd de Veyra mourns the loss of an author who made magic with his words.

 

(SPOT.ph) Hanggang sa huli, Marquez na Marquez pa rin. Ilang oras bago "mamatay" si Kristo-madalang araw ng Biyernes Santo, Abril 18, 2014-namatay na rin si Marquez.

 

Hindi ko inaasahang lalampas sa sampung tao ang magbabasa ng blog entry na ito. Pero wala akong pakialam. Ang Marquez na binabanggit ko ay hindi yung nagpatumba kay Pacquiao. Hindi rin siya yung naghandog ng STD kay Kris Aquino. Ang tinutukoy ko ay si Gabriel Garcia Marquez, ang Colombian writer at Nobel Prize winner na nagsulat ng mga nobelang One Hundred Years of Solitude, Chronicle of a Death Foretold, Autumn of the Patriarch, at marami pang iba. Ang isa sa mga pasimuno ng tinatawag na "magic realism."

 

Hindi ito ang pantasyang nakagawian natin sa Disney o Flight of the Dragons o Dyesebel. Ang "magical" dito ay hinding-hindi kagaya ng sa Harry Potter o Hogwarts.

 

Sa totoo lang, ang Filipinas ang premyadong ehemplo ng isang "magic realist" na bansa. Swak na swak tayo sa mga pamantayan o standards nito: ang pag overlap ng katotohanan at ng hindi kapani-paniwala. Hindi Oriental/Asian ang bansang Filipinas kundi Latin-American. May mga bagay-bagay sa ating kultura na kailan ma'y hindi maiintindihan ng mga kabitbahay natin sa Singapore at Korea pero malinaw na tatanggapin ng mga taga-Mexico at Colombia. Kung tutuusin, ang Hispanismong nasa dugo ng kultura natin ay hindi nagmula sa continental Europe kundi sa maingay, mainit, at makulay na Mexico at iba pang mga kadugtong teritoryo sa South America via Galleon Trade (Tandaan na mas mahaba pa raw ang tinagal ng Galleon Trade kesa sa pananakop ng mga Kastila).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Kay Gabriel Garcia Marquez ko naintindihan ang kapangyarihan ng kuwento. Puwede ka palang magkuwento ng ganoon. Kaya hindi talaga ako ganoon ka-interesado sa mga fiction na sinusulat ng mga Amerikano: Updike, Roth, Bellow, Carver, etc. at ang mga fictionist na kinababaliwan sa akademya at mga writing workshops. Sa totoo lang, maliban sa sex, depression, at boredom, wala naman talaga silang totoong problema. Ang boring ng mga conflict at mga characters nila e.g. mga diborsiyadong propesor ng panitikan. Napaka-drab at walang kabuhay-buhay ng mga paligid nila. Mga tauhang nagmumuni-muni habang nagmamaneho ng kotse mula sa pinagtuturuang unibersidad at umuuwi sa mga condo sa Manhattan. Zzzzzzzzzz.

 

Sa kabilang banda, pangwasak ng imahinasyon ang mga tagpo, tauhan, tono, at texture ng mga latinoamerikano: mga bangkay na patuloy na tumatangkad, multong nakiki-istambay sa mga nabubuhay, mga taong sa tindi ng memorya ay naaalala nila ang eksaktong hugis at posisyon ng mga ulap sa isang araw kahit ilang taon na ang nakaraan ("Funes the Memorious" ni Jorge Luis Borges ng Argentina).

 

Dahil Pinoy ako na araw-araw kumakain ng kuwento ng mga nagsasaksakan dahil lang sa isang pirasong mangga, gusto kong may elemento ng pambihira at sorpresa ang kuwento. Para kang sinasampal, sa lahat ng aspekto: wika, insight sa kondisyong pantao, at higit sa lahat, sa tinatawag na sense of wonder.

 

Ang term na "magical realism" ay hindi kaiba sa Pilipinas. "Magical realism"-hindi mo alam kung saan nagtatapos ang katotohanan at saan nagsisimula ang pantastiko. Parang 'Pinas lang.

 

Magbasa ka lang ng diyaryo, manood lang ng mga balita, gets mo na agad. Mga tila di-kapanipaniwalang istorya, nire-report ng mga newscaster na diretso ang mukha, walang emosyon, na parang pangkaraniwan lang: flesh-eating bacteria na kumalat sa isang probinsiya ayon sa isang prediksyon, mga babaeng nanganganak ng isda, lolang pinatay ng apo dahil pinagbawalang maglaro ng DOTA.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Babarilin na lang ang isang tao, at ang maaalala niya ay ang first time niyang makakita ng yelo.

 

Tangina. Sabog.

Opening line pa lang yun-and truly, it is one of the greatest opening lines in all of literature. "Many years later, as he faced the firing squad, Colonel Aureliano Buendia was to remember that distant afternoon when his father took him to discover ice."

 

At diyan maestro si Marquez: mga pambungad na pangungusap na wawasak sa schedule mo sa buhay. Wala kang choice kundi ituloy ang pagbabasa, lalo na sa mga short stories niya (mas tipo ko, actually): "Senator Onesimo Sanchez had six months and eleven days to go before his death when he found the woman of his life."-mula sa "Death Beyond Constant Love." "Toward the end of January the sea was growing harsh, it was beginning to dump its heavy garbage on the town, and a few weeks later everything was contaminated with its unbearable mood."

 

Lalo na kung basahin mo nang nakadamo. Hallucinatory. Surreal. Imposibleng basahin nang tuloy-tuloy dahil gusto mong tumigil parang huminga at mag-reflect sa isang eksena o imahen. Kumbaga sa pagkain, gusto mo siyang lasapin: "He was capable of convincing an astronomer that February was nothing but a herd of invisible elephants." Minsan, sa sobrang tindi ng mga salita, para kang nalulunod (in a good way), at gusto mo munang umahon para huminga. Minsan gusto mong ihagis ang libro sa sobrang ganda ng isang passage.

 

Sa One Hundred Years of Solitude, isinalarawan niya lang ang isang bloke ng yelo sa punto de vista ng isang hindi pa nakakakita ng yelo sa buong buhay niya: "... an enormous transparent block with infinite internal needles in which the light of the sunset was broken up into colored stars."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

Heto ang tinatawag ng isang Russian critic-si Viktor Shklovsky (1917 pa)-na "defamiliarization." Wala namang surpresa dito-ang kapangyarihan ng kahit anong sining ay nagmumula sa isang kakaibang paraan lang ng pagtingin sa mga pangkaraniwang bagay. Puwede itong ituring na basehan ng lahat ng mga counter-cultural movements sa sining na umihip sa Europa pagkatapos ng World War I-Dadaism, Surrealism, etc.

 

More than anything else, mas makapangyarihan ang tono ng pagkuwento: dedma.

 

At higit sa lahat, absurdo. Ika nga ng isang makata, "tone is all." Walang ipinapaliwanag. Dahil ganun naman 'pag nagkukuwento ka, di ba-lalo na kung tungkol sa isang pambihirang bagay? Tuloy -tuloy lang at walang ipinapakitang emosyon. Ganoon din daw ang ekspresyon ng lola ni Gabo: "With a brick face."

 

Walang pinapaliwanag kung bakit ang isang babae ay nakikipagdiskusyon sa hangin. Kung bakit nakagawiang kumain ng lupa ng isang dalagita. Kung bakit may kumakalat na sakit na hindi nakakatulog ang mga tao. Kung bakit sila nagkaka-amnesia. Kung bakit may sanggol na pinanganak na may buntot ng baboy. Kung bakit may matandang anghel na nakita sa likod-bahay. Kung bakit kailangang lagyan ng signage ang mga bagay-bagay sa buong village para hindi makalimutan ang mga pangalan nila. At pati na rin sign na nagpapaalala ng function nila: This is the cow. She must be milked every morning so that she will produce milk, and the milk must be boiled in order to be mixed with coffee to make coffee and milk.

 

Walang paliwanag, pero tatanggapin mo na lang ang lohika-kung meron man. At kung meron, lohika ito ng isang panaginip. Dahil sa lirisismo ng pagkasulat. Minsan iniisip ko na isa siyang mahabang tula. Parang prose poem, lalo na ang Autumn of the Patriarch, na bumabalik-balik ang naratibo sa eksenang nagliliwaliw ang matandang heneral-diktador sa madilim at maruming palasyong punumpuno ng mga baka, buwitre, at sari-saring mga hayop.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Humanities section ng UST Central Library ko binasa nang isang maghapon paulit-ulit ng kuwentong "The Handsomest Drowned Man in the World" mula sa Leaf Storm and Other Stories (Dahil hindi raw puwedeng ilabas; dapat ninakaw ko na lang, tangina, mabubulok lang naman yun dun). Sa isang village may napadpad sa dalampasigan na bangkay ng lalaki at pinagkaguluhan ng mga babae; sekretong pinagnanasahan ang bangkay, and in the course of the story ay naging pamantayan siya ng pagkalalaki ng mga asawa nila, at sa ending (mabigat ang loob nilang ibinalik sa dagat ang bangkay) ay magtataka ka kung ang binasa mo ay kuwento o tula. At ano nga ba ang nangyari?

 

Pinakamahirap pa rin kalimutan ang pamilya Buendia at bayan ng Macondo sa One Hundred Years of Solitude, dinadaan ng mga sirkero, manghuhula, at salamangkero. Namangha sila sa yelo, flying carpets, magnet, at teleskopyo. Nang sa huling bahagi ng kuwento na nagtapon sila sa dagat ng mga bangkay ng mga minasaker na magsasaka, limang taon na hindi tumigil ang ulan. Winasak ng bagyo ang Macondo. Nakasulat na pala ang kapalaran ng mga Buendia.

 

Isa pa sa mga paboritong kong ulit-ulitin ay ang The Art of Fiction No. 69 interview ni Marquez sa Paris Review. Dito'y ibinahagi niya ang kanyang mga technique, lalong lalo na ang disiplinang nakuha niya mula sa journalism. "For example, if you say that there are elephants flying in the sky, people are not going to believe you. But if you say that there are four hundred and twenty-five elephants flying in the sky, people will probably believe you."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

And speaking of journalism, astig din ang mga non-fiction. Lalong-lalo na ang News of a Kidnapping na nakakaatake sa puso sa sobrang suspense-at tinapos ko overnight. (Kinidnap ng Medellin drug cartel ni Pablo Escobar ang kamag-anak ng ilang maimpluwensiyang personalidad sa Colombia. Ayos ba?)

 

Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa "McCondo movement"-ang literary movement na pinangunahan ng mga batang manunulat sa Latin America nung mid-'90s na ni-reject ang elemento ng magic na iniwan ng henerasyon nila Marquez atbp. Bilang reaksyon, mas nag-focus-mula sa topic hanggang sa linggwahe-ang mga ito sa mga "urban realities." Hindi raw lahat na taga-Latin America ay nakatira sa puno at nakasuot ng sombrero. Haay naku. Mga writer talaga, o. Makarebelde lang. Pero mukha namang walang magkaka-Nobel Prize sa kanila.

 

At sa panitikan at musika mo lang puwedeng maramdaman ang ganito: emosyonal na koneksyon at utang na loob sa isang taong hinding-hindi mo makikilala. Nung late '90s may kumalat na farewell letter na sinulat daw ni Marquez. Ang sarap iukit sa lapida ng isang linya: "I would sleep little, I would dream more, because I know that for every minute that we close our eyes, we waste 60 seconds of light." Isa lang ang problema: hindi pa siya patay. At hindi lang yun. Hindi rin pala siya ang nagsulat.

 

Pero ngayon, patay na si Gabriel Garcia Marquez. Si Juan Ponce Enrile buhay pa. Walang aircon sa airport na ipinangalan sa tatay ng Pangulo. Araw-araw sira ang mga tren at mahaba ang pila. Mga taong pumatay ng labinlimang inosenteng sibilyan hanggang ngayon hindi pa rin nahahatulan. Mga kongresman at senador harap-harapan kang nanakawan at diretso ang mukhang sasabihing inosente sila. Magpapa-iksi ng buhok ang bunsong kapatid ng Presidente at magiging national isyu. Eighty-seven si Marquez. Si Enrile 90 years old. Minsan gusto kong isipin: Tangina, mas wasak pa rin ang Pilipinas kesa sa Macondo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tell us your #feels!

Win
22
Yum
LOL
WTF
22
Total votes
View more stories tagged ""

Read more stories about

Comments

Latest Stories

Load More Stories

SUBSCRIBE TO NEWSLETTER

Get the latest updates right in your inbox!