Â
(SPOT.ph) Imaginary speech lamang ito. Pangarap kong maging panauhing pandangal sa isang pagtitipon ng mga fashionista-at ilabas ang lahat ng hinanakit ko sa kanila. So far, wala pa namang nagkakamaling mangimbita.
Â
Mga minamahal kong fashionista,
Â
Alam ko ang nasa isip ninyo ngayon. Hinuhusgahan niyo ang aking kasuotan. Ang ilan sa inyo ay sumisimple ng tingin sa sapatos ko. Ang ilan sa inyo ay nagtataka kung bakit wala akong relo. Ang ilan naman marahil ay gustong malaman kung ano ang tatak ng salamin ko.
Â
Isang bagay lang ang sigurado ako: wala sa inyo ang hindi nag-effort sa wardrobe. Lahat kayo-lalo na ikaw na nasa harap, sa second row, yung naka-itim na sleeveless na may salamin na ahit yung gilid ng buhok-gaano niyo katagal pinlano 'yang mga suot ninyo? Heto ang gusto kong malaman: ilang araw niyong pinagpaplanuhan ang mga OOTD ninyo? Naka-kalendaryo na ba ’yang mga 'yan? Pino-problema niyo ba kung sino-sino na ang mga nakakita ng mga damit niyo? O kung nagmumukha kayong mataba sa suot ninyo by asking the existential question: "Does this make me fat?" Alam niyo naman ang simpleng sagot diyan, 'di ba? It's fat that makes you fat. Magtataka ka pa kung bakit ka lumolobo-tingnan mo nga ang mga Instagram posts mo: Puro pagkain. Sa mga nakaitim dito, alam ko ang dahilan kung bakit. Bawas-bawas din ng pasta at cake 'pag may time.
Â
Naiintindihan ko ang mundong ginagalawan ninyo-and, of course, tanga lang ang magsasabi na ito'y hindi multibillion dollar industry. May mga kurso na nga sa college para dito at ang mga kaakibat nitong disiplina. Sinong mag-aakala na ang isang makeup artist at hair stylist ay puwedeng kumita pa nang mas malaki kesa sa mga may masteral degree sa philosophy at history? At para sa mga lolo't lola natin sila'y "beautician?"Â Ang dating "wardrobe" ngayon ay "stylist" na, at konti na lang ay kapresyo niya na ang TF ng artista.
Â
Wala namang masama. Ang mahirap lang ay tila dito na natin hinuhusgahan ang isa't isa-no small thanks to social media: sa kaya nating isuot at bilhin. Ang mga maliliit na bagay "napapalaki"-pero akala lang natin yun. Sa totoo lang, isang malaking ilusyon lang naman ang lahat nang ito. At nung tumama ang bagyong Glenda ay may paalala ang kalikasan kung sino talaga ang bossing. High-tech ba ang phone mo? Ano'ng silbi niyan 'pag brownout?
Â
Innate nga ba sa sangkatauhan ang pumorma? Sino ba ang mga fashionista sa kasaysayan? Sinasabing si Aristotle daw ay mahilig sa mga magagarbong damit samantalang sila Plato at Socrates ay halos sako lang daw ang suot (si Socrates nga ay kilalang dehin-goli; yun siguro ang isang depenisyon ng Socratic method).
Â
Pero bago ka sana nag-lookbook, tinanong mo ba muna ang sarili: "Maganda ba ako?" Minsan kasi, may mga bagay na hindi napapaganda ng kahit anong mahal at porma ng damit. Hindi sa nanlalait ako dahil alam kong hindi ko 'singkatawan si Derek Ramsay, pero baka gusto mo munang ituck-in yang bilbil mo bago ipagmalaki 'yang mamahaling floral top, or bago ibalandra ang vintage Prada backpack ay puwedeng pasadahan muna ng kalamansi at steel brush 'yang maitim mong siko at tuhod.
Â
"Fashion is self-expression" ba kamo? Okay lang sana kung may isang constant na estetiko ka, yung tipong matinding paninindigan na hindi maaring durugin o malusaw ng kahit anong mausong pautot. Hindi ko maintindihan eh. So kung nagbabago-bago ang fashion, ang self-expression mo ay nag-iiba-iba rin? At ang self-expression mo ay nakadepende sa mga designer na hanggang mamatay ka ay hindi ka rin naman makikilala? Okay din ang self-expression mo, 'no? Designed in Milan, made in China, overpriced in the Philippines. Ang pagsulat, pagpinta, at pagkanta ay mga paraan ng pamamahayag. Expression. Ang pagsuot ng damit...ewan ko lang. Karapatan mo 'yang tawaging "androgynous style" pero karapatan din naming sabihing "joklang-jokla." "Avant garde?" "Edgy?" "Postmodern?" O parang dinisenyo ng limang lasing na bakla na hindi nagkasundo? Wala kaming pakialam kung Thom Browne 'yan, pero 'pag naligaw ka sa Project 2 na naka-Amerikana habang naka-shorts ay siguradong gugulpihin ka ng mga tambay. At susunugin ko ang bahay ng sunod kong madinig na gagamit ng term na "normcore."
Â
At paano kung ang "self-expression" mo ay maging baduy? Na 'yan ang siguradong mangyayari dahil 'yan naman talaga ang natural na kapalaran ng kahit anong nauuso-nalalaos at pinandidirihan. Tanungin na lang ang lahat nang nagsuot ng shoulder pads at lagpas-bewang na sinturon noong medieval '80s. Tanungin na lang ang lahat ng nagsuot ng oversized (at overpriced) Giordano na polo shirt. Tanungin na lang ang lahat ng sumakay sa uso at nagsuot ng baggy-baston na acid-wash na maong nung high school.
Â
Ang fashion ay isang malaking ilusyon. O kung sa Hinduism, "maya," na maaring ihambing sa isang kurtina na tumatakip sa katotohanan.
Â
Hindi ako nanghuhusga... Actually, well, hinuhusgahan ko kayo-kahit hindi ako huwes. Mas maganda siguro ay may gawin din tayong kapakipakinabang sa lipunan bukod sa magdamit nang maganda. Kung self-expression lang din naman ang pag-uusapan, 'di ba't mas naa-appreciate natin ang porma nila Jorge Luis Borges at Ernest Hemingway dahil sa kanilang iniwang mga panulat? 'Di ba't mas may kabuluhang tingnan ang malaking tiyan ni Pablo Picasso kesa sa mga muscles ni Jack Lalanne? Naniniwala ako sa kahagahan ng kalusugan etc., pero mas naniniwala ako na hindi ito pahabaan ng buhay kundi pagandahan ng kalidad ng paano ka namuhay-at hindi ito usapin ng palakihan ng bank account, o pagandahan ng kotse at condo. Ang buhay na may saysay ay ang yung nagpabuti o nagpaganda sa buhay ng iba kahit sa maliit lang na paraan.
Â
Oras na sigurong lagpasan na natin ang mga isyu ng pananamit at pangangatawan. Lilipas din 'yan. Mas maganda sigurong mag-focus doon sa mga hindi nakikita at hindi nahahawakan-'yan ang mga bagay na panghabambuhay. Gusto mong makita ang tunay na diwa ng fashion? Punta ka lang ng ukay-ukay. Oo nga, maaring makakuha ka ng kakaibang item na puwedeng magdagdag ng accent sa iyong wardrobe. Pero, tandaan: ang mga damit na 'yan ay simbolo ng mga paniniwala at pamumuhay na tinakwil at kinalimutan ng isang lipunan. O kaya, mga sinuot ng mga matagal nang namatay. O mas malala: mga donation sa mga biktima ng kalamidad.
Â
O nga pala, tungkol sa salamin ko. Tom Ford yan, for your information. Orig. Shet kayo.
Â
Artwork by Warren Espejo
Â
Â
Read more of the Lourd’s speeches (real and imaginary) in Lourd de Veyra’s Little Book of Speeches, launching at the Manila International Book Fair on Sunday, September 21. See you there for the book signing!