(SPOT.ph) The National Artist Ricardo Lee and national treasure Jaclyn Jose go way back. Like as far back as the mid-1980s. He was the writer of her first solo picture Private Show. And he would write many more of her movies as the years passed—among them Flesh Avenue, Olongapo The Great American Dream, Macho Dancer, The Flor Contemplacion Story, May Nagmamahal Sa’yo—in a very real way providing the vehicles for her to refine her God-given gift. They even worked together on his first stage play, Pitik Bulag Sa Buwan ng Pebrero. No wonder Lee, like so many, was saddened by Jose’s recent passing. “She was a very good friend,” the screenwriter told SPOT.ph.
One of the great gifts of these two great talents coming together is an interview that first came out in Midweek Magazine back in 1986. It was a profile on the fresh-faced ingenue from Pampanga, and it’s such a good interview we dare say it’s never been beat—it’s still the best Jaclyn Jose interview ever, because of its raw honesty, its refreshing Filipino prose, and the fascinating portrait it gave us of a newbie star on the cusp of becoming an important actress. We’re happy and honored Lee gave us a yes when we asked if we could publish it in SPOT. (It also appears in his amazing book Si Tatang At Mga Himala Ng Ating Panahon.) We think it’s a great souvenir of their friendship and, being able to share it with SPOT readers, a lovely way to remember the great Jaclyn Jose.
May Bold Ba Sa Langit?
Problema ni Jaclyn Jose, madalas di siya napapansin. “Ang liit-liit,” ani Ed Instella, assistant director, “parang di bold star. Minsan ay kailangan ito sa set. Sigaw kami nang sigaw. Nakaupo lang pala sa tabi namin.”
Si Jaclyn ang artistang mahilig sa sulok. Kung di siya kailanga’y nasa tabi lang. Madalas tuloy makalimutan. Itatanong niya, ano na nga ba ang isusuot ko? Saka maaalala ng production designer, oo nga pala, si Jaclyn! Siya ang laging huling naiisip.
Pinalitan ang hairdo niya limang beses isang araw—tatlong beses kinulot at dalawang beses itinuwid. Pinagbitbit siya ng lumang-lumang maleta, may nakalitaw palang alambre, nagkasugat-sugat tuloy ang binti niya. Pinagreport siya sa dubbing alas-9 pero alas-4 na ng umaga naisalang. Ang mga artista nati’y ipinanganak sa reklamo – bakit walang kubeta, bakit malamok, bakit may bad breath ang leading man? Pero si Jaclyn daw ang artistang walang reklamo.
Siya rin ang artistang hindi kilala. Minsan ay sakay sila nina Julio Diaz at dalawa pang kasamahan sa kanyang bagong second-hand car. Excited siyang dalhin ang kotse sa set dahil una niyang kotse iyon. Bawal pala ang apat ang sakay pag di pa registered. Sinita sila ng pulis.
Si Jaclyn ang nakipag-usap. Ako ho si Jacklyn Jose. Tiningnan siya ng pulis – wala siyang makeup, nakapusod ang buhok, nakatsinelas lang. Jaclyn Jose ha! Sabi ni pulis, sinong lolokohin mo!
Pero hindi lang ang mga di nakakakilala ang problema niya. ‘Yun ding mga hindi kumikilala. “Kaya ayaw kong pumupunta sa mga parties,” aniya. “Parang di ako tinatanggap bilang kasali. Nasa tabi lang ako. Ang feeling ko parang bit player lang ako.”
Pati tuloy sa bayaran. “Compared sa ibang kasabay ko, laging
mas mababa ang bayad sa akin. Tinatanggap ko na rin kasi sayang din.”
Unang ambisyon niya maging singer.
"Mga auntie ko puro singers sa Japan. Pag-uwi’y maraming dala. Inggit na inggit ako.” Me problema nga lang. “Ayaw ng boses sa akin.”
Mahirap lang sila. “Di ko na nakita ang ama ko. Sa picture lang.” Bakit, patay na ba siya? “Hindi. Nag- disappear. Iniwan kami.” Hinanap niya ang ama. “Nagtanong ako sa Red Cross. Sa American Embassy. Pero wala rin.”
Sa lola sila iniwan ng mommy niya. “Maraming mga misteryo na nangyayari sa buhay ko noon, halimbawa’y bakit ang mommy ko wala sa amin, bakit ang ama ko di ko nakita, bakit kami mahirap, bakit ‘yung ibang bata naglalaro kami nagtatrabaho? Magulo ang buhay namin pero di ko na tinatatak sa isipan ko. Ayoko ng self-pity. Gusto ko strong. Gusto ko kaya ko ang lahat.”
Di nagtagal ay kinuha sila uli ng mommy niya. “Frustrated actress ‘yun. Pumupunta noon sa Sampaguita, nag-a-apply. E di umubra.” Siya ang gustong pag-artistahin ng ina niya pero ayaw niya. Sa halip, sumama siya dito sa Angeles. “Doon kasi’y maraming kombo-kombo, ang mga singers nakakapunta abroad. Magdya-Japan talaga ako.”
Ang binagsakan niya’y tindera ng bibingka at puto bumbong. “Bad trip na bad trip ako. Gigising ka ng madaling araw, ang kikitain mo kinse pesos lang, pagod na pagod ka pa. Makapag-artista na lang nga.”
Una’y Chicas. “Noong una kong makita ang mukha ko sa screen, sabi ko, naku, pangit ko!” Tapos ay Escort Girls. Saka White Slavery. Isang gabi’y nag-set up si Director Chito Roño ng video test para kay Tanya Gomez sa papel ng torera sa Private Show. Nakahanda na ang lahat, wala si Tanya. Suggestion – si Jaclyn daw, mahusay sa White Slavery.
Alas onse ng gabi noon. Pinagising si Jaclyn, na noong panahong ‘yun ay walang offers. “Putsa, me pelikula na ako!” sabi niya. “Di na ako nag-ayos.” Dumating siyang pupungas-pungas. Nang mabasa niya ang script ay natakot siya. “Super ang bold. Naisip ko, ba’t ba di ka matanggap nang di ka magbu-bold muna?” Away na sana niyang tanggapin, “kaya lang ay dumarating talaga ‘yung walang-wala ka. Hinintay ko ang mga araw pero wala pa ring ibang offers.”
Tinanggap niya ang Private Show, naghubad siya kabi-kabila at nakumpirma ang reputasyong sinimulan niya sa White Slavery – mahusay sa bold at mahusay sa pag- arte.
“Pinagbubuti ko ang acting ko kasi sabi ko, kung magbu-bold ako tapos di pa ako mahusay magdala, e napakamiserable na talaga ng buhay ko.”
Anong naramdaman niya noon sa bold scenes?
“Sabi ng iba, totohanan daw ang ginagawa namin. Di naman talaga e.
"Pag nanonood nga ako’y nabibigla din akong ganoon pala ‘yun. Pero di na ako nahihiya sa set. Okey lang na ando’n ang crew. Puwera lang ang maid ko. Saka ‘yung utility na uncle ko. Pag nagpapakuha sila ng kape, sabi ko, abutin n’yo na lang, Direk, kung di’y di ako maghuhubad.”
Nagtutulungan sila ng mga kapareha niya. “Noong bold scene namin ni Julio (Diaz) sa Takaw Tukso, first time niyang mag-bold, sabi ko, Julio, h’wag kang kabahan, tutulungan kita, magtatakipan na lang tayo.”
Macro shots pala ang kukunan. “Naku, sabi namin, panic talaga! Naglinisan kami ng mga kuko, pati tenga, ilong, pati pusod, sabi ko, naku, baka makita ang itim, buking!”
Noong isang gabi’y napanood niya sa TV sa Himala si Nora Aunor. “Ang galing-galing niya. Simpleng- simple lang, parang Lolita Rodriguez noon sa Mga Piling-Piling Pelikula sa TV. Gan’on ang gusto ko e. ‘Yung nando’n lang, parang walang nakikita sa’yo. Di na niya kelangan ang maraming movements para makuha ang ibig sabihin. Konting movements lang ‘yun na.” Ang importante ay kung ano ang natural. “Pag umaarte ako’y di naman ako nagpapaganda ng mukha, gaya ng ibang artista.” Hindi rin siya gaanong naghahanda. “Kung babasahin ko ang script saka paulit- ulit kong ilalagay sa isip, ano kaya ang magandang acting dito, lalong mawawala.”
Pero sa tingin niya’y di pa siya magaling. “Natataon lang ako sa malulungkot na roles, e sanay na sanay ako diyan. Nakakaintindi siguro ako ng konti sa acting plus ginagamit ko ang mga experiences ko. Pero di pa ako magaling dahil di pa ako nasusubukan sa ibang roles. Me mga di pa ako kaya.” May deadline siya sa sarili. “Pag 1987 wala pa ring nangyari’y back to dreaming of Japan ako.”
Ang pinuproblema niya’y hindi ang acting niya kundi ang pagpunta sa langit.
“Naglalaban sa isip ko ang pagbu-bold ko e. Sabi ko kasi, naku, magugunaw na ang mundo, kelangang matapos na ang pagbu-bold ko. ’87 na lang, ayoko nang umabot sa 1990.”
Ba’t niya naiisip ang paggunaw ng mundo?
“Ewan ko. Masyado akong ganoon e. Palagi akong nag-iisip tungkol sa Diyos. Saan ako pupulutin pagkatapos? Sa impiyerno ba? Kasi ayon sa Bibliya, bawal maglabas ng kalaswaan, di ba? Iyon na lang siguro ang isa sa mga kasalanan kong mortal. Iniisip ko, trabaho kasi, pero basta yata nakalagay sa Bibliya, wala nang baka maintindihan ka pa. Naku, baka kung saan talaga ako pulutin nito. E nabasa ko, ‘yun daw mga hindi makakaligtas, kasindami ng buhangin sa dagat. E di ang konti ng aakyat sa langit! Diyos ko, ayoko talaga ng impiyerno!” Bilang Katoliko’y nawala na ang pagsamba niya sa mga imahen pero naniniwala pa rin siyang pag namatay ang tao’y haharap muna ito kay Kristo, saka sa Diyos. “Pag nalaman kong mamamatay na ako’y pagsisisihan ko nang pagsisisihan lahat ng mga kasalanan ko. Uubusin ko lahat ng Bibliya. Hahanapin ko muna sa Bibliya kung paano ako makakapunta sa langit.”
Hindi siya naniniwala sa kaluluwa. “Kung paano ka nang mamatay ka’y ganoon ka aakyat sa langit. Hindi bilang kaluluwa. Kaya lang, anuman ang kapintasan mo, kung pilay ka o ano, pag-akyat mo’y magkakaroon ka ng paa. Doon ay mabubuo ka. Anuman ang diperensiya mo.”
Ikaw, anong diperensiya mo ang mabubuo?
“Ako? Siguro ‘yung height ko! Pero naku hindi, hindi na ako tatangkad sa langit! Teka, wala naman talaga akong kasalanang nagagawa e, puwera itong paghuhubad! Siguro ‘yun ang mabubuo sa langit, matatapos na talaga ‘yun!”
From the book Si Tatang at Mga Himala ng Ating Panahon. First published in the June 3, 1986 issue of Malaya Midday. Published with permission from the author.