(SPOT.ph) They've been friends for more than four decades, and now it's time for Ricky Lee to say goodbye to his artistic colleague and fellow National Artist, Nora Aunor. At the State necrological service for the Superstar Tuesday morning at the Manila Metropolitan Theater, the scriptwriter of Aunor's films, Himala, Andrea, Paano ba Ang Maging Isang Ina?, The Flor Contemplacion Story and more, delivered a moving tribute to the actress, touching on her generosity, her contradictions, and her complicated relationship with her fans and the Filipino public. Ultimately, he described Aunor as a true artist of the people—never satisfied with just enjoying the perks of fame and celebrity. "Pinili niyang huwag lang maging Superstar kundi maging tunay na artista ng bayan."
Here's the full transcript of Ricky Lee's tribute to his friend, Nora Aunor:
Noong 1993, naglibot sa iba't ibang bansa ang dulang DH na sinulat ko at pinagbidahan ni Guy. Nagpunta kami sa Central Park sa Hong Kong. Daan daang DH ang nandudoon. Halos bawat isa ay niyayakap ni Guy, kinakausap, kinukumusta kung ano na mga problema nila. Nong paalis na kami, lumingon ako at nakita kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit sampung DH, lumuluha habang humahabol sa van. Naisip ko, Bakit ganito ang epekto ni Guy sa mga tao? Bakit sila umiiyak? Alam ko kung bakit. Dahil nakikita nila si Guy sa kanilang mga sarili. Sila si Guy.
Una kong nakilala si Guy nang gawin namin ang Himala. Noong gabi bago ang shooting ng finale, kung saan sinabi niyang “Walang himala!” nirevise ko ang buong monologue. Sinabi ni Ishma kay Guy: "One take lang tayo bukas, dahil tatlong libo ang extra at walo ang kamera." "Opo Direk," sabi ni Guy. Kinabukasan ay diniliver ni Guy ang monologue sa harap ng libong mga tao, na karamihan ay Ilocano at hindi naintindihan ang sinabi niya. Pero nasa puso ni Guy ang masa. May paraan siya ng pagkonekta sa kanila nang hindi nangangailangan ng mga salita.
Also read: Nora Aunor's 10 Career-defining Moments
Naging matalik na kaibigan ako ni Guy nang gawin namin ang Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina? na siya ang producer. May nakapagsabi kay Guy na makakapasok lang daw ang Andrea sa Metro Manila Film Festival kung babaguhin ang ending. Doon kasi sa ending ay binaril si Andrea ng mga sundalo point-blank sa ulo. Dapat daw ay nagtatangkang tumakas si Andrea kaya siya binaril. "Wag na lang natin isali kung babaguhin ang ending," sabi ni Guy. Nanindigan siya at tinanggap pa rin ang Andrea kung saan naka-grand slam siya for Best Actress.
Rebelde si Guy. Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo. Binago niya ang kolonyal na pagtingin na nagsasabing mapuputi lang at matatangkad ang maganda sa puting tabing. Ginampanan niya ang papel ng mga babaeng palaban at makatotohanan. Naging madre siya, bilanggo, lesbian, NPA, OFW, kabit, anak na inagawan ng ina sa pag-ibig, atsay, kontrabida, Muslim, Igorota, may dementia, mamamatay tao. Sa isang panahong hindi tanggap ng tao na may namamatay na bida sa ending, namatay siya Tatlong Taong Walang Diyos, Himala, Nakaw na Pag-ibig, Andrea, Flor Contemplacion at iba pa. Marami siyang binasag at binagong paniniwala. Ipinakita niyang mahalaga ang nararamdaman ng mga tao sa gilid ng lipunan; na may mga boses na kailangan pakinggan. Pinili niyang huwag lang maging Superstar kundi maging tunay na artista ng bayan.
Nilagyan niya ng hugis ang ating mga damdamin. Binigyan niya ng direksyon ang ating mga aspirasyon. Binigyan din niya tayo ng pag-asa at tinuruang puwede tayong lumaban para matupad ang ating mga pangarap. Ipinakita niya sa atin ang kapangyarihang meron pala ang ordinaryong tao. Ginawa niyang totoo ang ibig sabihin ng Sining.
Minsan nang tanungin ko si Guy kung bakit laging malungkot at puno ng damdamin ang mga mata niya, sabi niya pinaglihi daw kasi siya ng ina niya sa Mater Dolorosa. Yung birhen na may pitong punyal sa puso. Kaya siguro kahit na nakatawa siya, ang mga mata niya ay may lungkot pa rin.
Puno ng kontradiksyon si Guy. Simple pero kumplikado. Laging nakangiti pero sa loob ay maraming takot. Sobrang mahiyain pero sentro ng atensyon. Napakataas at nasa pedestal pero napakadaling maabot. Isang taong ordinaryo na ekstraordinaryo.
Sa halos pitong dekada, tayong mga ordinaryong tao ay ginawa rin niyang ekstraordinaryo. Kaya siguro madalas ay hindi natin malaman kung anong gagawin sa kanya. Hahangaan lang ba natin siya? Sasambahin? Gagayahin? Pag-aaralan? Bata pa man ay inangkin na natin siya. Hiningi natin ang boses niya, ang buong buhay niya at ng pamilya niya, ang katahimikan niya. Pinakialaman natin bawat galaw niya. Hiningi nating maging ganito siya, maging ganoon siya. Binansagan natin siya ng kung ano-ano. Tinanggalan ng boses hanggang hindi na makakanta. Dalawang beses na pinagkaitan na maging National Artist. Iniwasan ng maraming producer dahil marami daw sakit, mahirap daw makatrabaho.
Kalat na kalat ang mga kuwento kung gaano kagalante si Guy. Pag may nangangailangan pauutangin niya agad. Ang suweldo niya sa last shooting day ay pinamimigay niya sa crew at iba pang mga tao sa set. Namigay siya ng pera sa mga preso noong shooting ng Flor Contempacion.
Hindi naging madali ang naging buhay ni Guy nitong mga nakaraang taon. Marami siyang sakit at naghirap siya. Halos walang mga ari-arian. Pero hindi pa rin siya tumigil sa pag-iisip para sa kapakanan ng iba. Gusto niya magtayo ng isang foundation na tutulong sa mga fans at iba pang nangangailangan. Buong buhay ni Guy nagbigay siya nang nagbigay hanggang sa halos wala nang natira sa kanya. At tayo, dahil sanay na tayong siya ang bigay nang bigay, madalas ay nakakalimutan natin na siya man ay may pangangailangan din.
Kaya sa gitna ng ating pagdadalamhati ngayon, gusto natin sabihin sa kanya: Guy, sa ngalan ng milyon-milyong pinukaw mo, niyakap, pinahid mo ang luha, binago mo ang buhay, tanggapin mo ang aming walang hanggang pasasalamat. Nagpapasalamat kami na nabuhay kami sa isang panahong naririto ka. Minsan lang mangyayari ang isang Nora Aunor.
Pero hindi pa tapos ang kuwento mo. Nagsisimula pa lang. Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi nang walang pagod sa mga susunod pang henerasyon. Upang hindi nila makalimutan kailanman na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay. Minahal mo kami ng lubos maski na halos ay wala nang natira para sa sarili mo. Hayaan mong mahalin ka rin namin hanggang sa walang hanggan.