Spotlight: Anak Datu at Ang Rebelyon sa Mindanao

Mapanonood pa ang Anak Datu hanggang Oktubre 9.

anak datu
PHOTO BY Max Celada/Courtesy of Tanghalang Pilipino

(SPOT.ph) Isang mahaba at masalimuot na bahagi ng ating kasaysayan ang di matapos-tapos na digmaan sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Ang mga salitang “rebelde,” “komunismo,” at “giyera” ay madalas na iniuugnay sa mga Pilipinong Muslim sa Mindanao. Saan nga ba ito nagsimula? Sa dulang Anak Datu ni Rody Vera na idinerehe ni Chris Millado, may pagnanais na bigyang liwanag ang mga bagay na unti-unti na nating nalilimutan sa pamamagitan ng pagtatagni-tagni ng tatlong naratibo: ang talambuhay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal na si Abdulmari Imao, ang isinulat niyang maikling kuwento tungkol sa isang pamilyang Tausug, at ang mga dokumentadong pagpatay sa mga Pilipinong Muslim noong dekada '60 at '70. Nagbukas sa bagong Tanghalang Ignacio Gimenez ng Cultural Center of the Philippines ang Anak Datu noong Setyembre 18. Maaari pa itong mapanood hanggang Oktubre 9.

Ang Tatlong Kuwento ng Anak Datu

Gaya ng pagbubukas sa kahit anong dula o musikal sa ating mga teatro, nagsimula ang Anak Datu sa sabay-sabay na pagkanta ng mga manonood ng Pambansang Awit sa Pilipinas. Ginamit ang bersiyong kapansin-pansing mula sa lumang rekording, lalo pa't ang kasunod nito ay mahinang pagpapatugtog ng "Bagong Lipunan," isang kantang paulit-ulit na pinatutugtog ng estado noong dekada '70. Sa mga unang minuto ng dula, agad na tayong dinala sa kapanahunan ng kuwento: ang rehimen ng dating diktador Ferdinand Marcos Sr. at ang kanyang Batas Militar.

anak datu
Nanding Josef bilang Jibin Arula
PHOTO BY Max Celada/Courtesy of Tanghalang Pilipino
Article continues after this ad.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasunod nito ang eksenang pinagsimulan ng lahat—hindi lang ng dulang Anak Datu, kundi ng insurhensya sa Mindanao. Sa kuwento ng matandang Jibin Arula (ginanapan ni Nanding Josef), isang grupo ng mga kabataang Moro ang naengganyo ng Armed Forces of the Philippines na maging kasapi ng militar. Tinawag na grupong Jabidah, sila’y ipinadala sa Corregidor kung saan sila inihanda para sa tinawag na Operation Merdaka—isang sikretong plano ng administrasyon ni Marcos upang pumunta sila sa Sabah at angkinin ang teritoryong pilit kinukuha ng Malaysia. Kasama sa plano ang patayin kahit ang mga Pilipinong Muslim na naninirahan doon, na siya namang hindi nagustuhan ni Arula at ng higit na isang daan pa niyang mga kasama. Dagdag pa rito'y ang abusong natanggap nila habang nasa Corregidor at ang hindi natupad na mga pangako sa kanila katulad ng pagpapadala ng pera sa kanilang pamilya sa Mindanao. Nagpadala ang grupo ng petisyon sa Malacañang; ngunit sa kasawiang palad, naging dahilan ito ng Sandatahan na lipulin at patayin ang halos 200 kabataang Moro noong Marso 18, 1968. Ang insidenteng ito na tinatawag na Jabidah Massacre ay kinikilala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na dagitab ng kanilang pagnanais na humiwalay sa Pilipinas at ng kanilang patuloy na paghahanap ng hustisya at paghihiganti para sa mga nasawi. Nakatala rin ang pangyayaring ito sa opisyal na website ng BARMM.

Isinalaysay din sa dula ang Palimbang Massacre na naganap noong Setyembre 24, 1974, dalawang taon matapos ideklara ni Marcos ang Batas Militar. Ayon sa mga dokumentadong ulat na ginamit sa dula, higit isang libong mga Moro ang pinatay ng mga miyembro ng militar sa loob ng moske sa bayan ng Palimbang sa Sultan Kudarat. Kinilala ng pamahalaan ang katotohanan sa insidenteng ito noong 2014 matapos pangasiwaan ng Commission on Human Rights ang pamamahagi ng reparasyon para sa mga biktima ng Martial Law. Bahagi ito ng Republic Act No. 10368 o ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.

Article continues after this video.
ADVERTISEMENT
watch now

Ang mga kuwentong ito ng karumal-dumal na pangyayari sa ating kasaysayan ay inihabi ni Vera sa maikling kuwentong pambata na isinulat ni Imao, ang unang Anak Datu na pinagmulan ng dulang Anak Datu. Isinulat noong 1968, tampok ng Anak Datu ni Imao ang isang pamilyang Tausug na namuhay bago pa dumating ang mga Kastila. Kuwento ito ng mag-asawang Datu Karim (ginanapan ni Hassanain Magarang) at Putil Loling (ginanapan ni Lhorvie Nuevo) na nagkawalay dahil sa pananalakay ng mga tulisang dagat. Ang buntis na si Putil Loling ay inaruga ng kanilang pinuno na si Jikiran (ginanapan ni Earle Figuracion) na tumalikod sa kanyang buhay bilang isang tulisan. Pinalaki niya ang batang si Karim (ginanapan ni Carlos Dala) bilang sariling anak. Sa kabila ng pag-aaway-away ng mga tulisan at mga Tausug, naging misyon ng batang Karim na pagbuklurin ang mga tao sa kanilang bayan. Paulit-ulit sa maikling kuwentong ito ang pagkilala sa paghahanap ng hustisya at ang pagwaksi sa ideya ng pakikipaglaban para sa paghihiganti.

anak datu
Marco Viaña bilang Abdulmari Imao
PHOTO BY Max Celada/Courtesy of Tanghalang Pilipino

Ang pangatlong kuwentong tampok sa Anak Datu ay ang talambuhay ng pamilya ni Imao na nakadugtong sa naunang dalawang naratibo. Ang kuwentong pambatang Anak Datu ay isinulat ni Imao (ginanapan ni Marco Viaña) sa taon ng kapanganakan ng kanyang anak na si Toym Imao (ginanapan ni Dala) na lumaki sa panahon ng Batas Militar—kasama na ang pagpapatigil sa pagpapalabas ng Voltes V. Naroon din ang tunggalian ng kanyang mga magulang na Muslim at Kristiyano, ang pagkakaiba ng mga idelohiya sa iisang pamilya, at ang pagiging artista para sa bayan.

Article continues after this ad.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Anak Datu ay patunay sa kahalagahan ng sining bilang daluyan ng katotohanan. Pinaghalo-halo ng dula ang mga dokumentadong pangyayari sa kasaysayan, ang imahinasyon ng isang alagad ng sining, ang kuwento ng isang Pilipinong pamilya, at ang kultura ng mga Muslim. Sa salasalabid na mga kuwentong ito, iisang katotohanan ang nananalaytay: laging may isang malakas na puwersa na paulit-ulit na sisikil sa ating kalayaan, at kung ito'y malilimutan, tayo-tayo rin ang maiiipit sa di matapos-tapos na digmaan.

Also read: 10 Excellent Movies That Are All About Bringing Down the System

Anak Datu runs until October 9 at the Tanghalang Ignacio Gimenez, Cultural Center of the Philippines, Pasay City. Tickets, priced at P1,030, are available through Ticketworld.

Share this story with your friends!

Help us make Spot.ph better!
Take the short survey

Read more stories about

Latest Stories

Load More Stories